KABANATA 38

18 3 0
                                    

Paggising ko kinabukasan ay nadatnan kong nasa labas si Maliya. Maayos siyang nakabihis at ang ganda niya lalo sa ayos ng kaniyang buhok. Mukhang may lakad siya ngayong araw. Hindi niya ako kaagad na napansin dahil abala siya sa pagtingin ng sariling repleksiyon sa salamin. Maya- maya pa ay humarap siya at kaagad na natigilan nang makita ako.

Nginitian ko siya ng maliit bago naglakad na ulit patungong kusina. Naramdaman ko ang nakasunod niyang tingin pero hindi ko na siya nilingon pa. Agad akong naglinis ng mukha at nanipilyo. May nakita rin akong pagkain na nasa mesa. Nakapagluto na siya ng agahan. Siguro ay maaga talaga siyang nagising dahil sa kasabikan sa lakad niya ngayon.

Narinig kong bumukas ang pinto kaya naman pasimple akong sumilip. Wala na si Maliya sa harap ng salamin. Pagtanaw ko sa labas ay patalon- talon na siyang naglalakad habang hawak- hawak ang laylayan ng kaniyang saya.

Ngumiti ako ng mapait. Talaga bang magba- bagong- taon na mamaya? Bakit di ko ramdam?

Dati, natural na nagsisimula ang araw namin sa bati at asaran sa isa't- isa. Pero ngayon, parang hindi na kami magkakilala. Gustuhin ko man siyang kausapin, hindi ko naman magawa. Ayokong sirain ang sinabi ko. Kaya pagbibigyan ko siya kung ayaw niyang makialam ako. Hahayaan ko siya s kung anuman ang gusto niyang gawin. Basta para sa ikasisiya niya, gagawin ko ang lahat.

Umupo ako at kumain ng mag- isa sa mesa. Bagsak ang mga balikat at patulo na ang mga luha. Ang dating sigla at saya ng aming tahanan, unti- unti nang nawawala. Bakit ba kasi kailangang humantong sa ganito? Si nanay lang ang kasama ko rito sa bahay. Hindi ako makaalis dahil kailangan ko siyang bantayan. Wala namang trabaho ngayon sa bukid. Wala rin akong nakatakdang lakad kaya matutulog nalang siguro ako buong araw.

Nagising ang aking diwa ng may marinig akong kalabog. Nataranta ako at agad na lumingon sa may pintuan. May nambabato sa aming bahay?!

Kahit na ngumunguya pa ay dahan- dahan akong naglakad patungo sa pinto. Sinilip ko muna kung may tao sa labas at nakahinga ako ng maluwag nang wala naman akong makita.

Binuksan ko ang pinto at awtomatiko akong napayuko. Natuon ang aking atensyon sa bagay na nasa harap ng aming pinto.

Isang tangkay ng bulaklal na mirasol?

Nagtaka ako. Sino ang nag- iwan nito rito? Yumuko ako para pulutin ang bulaklak. Napangiti ako habang inamoy- amoy ang mabango nitong halimuyak. Kumunot ang noo ko nang may mapansin akong nakadikit sa tangkay nito.

Isang papel?

May nakataling piraso ng papel na nakadikit sa tangkay ng bulaklak. Sinuri ko ito at inamoy. Mamahaling papel ito batay sa amoy at ganda ng kalidad. Binuksan ko at binasa kung ano ang mensaheng nakalagay.

"Ang sikat ng araw ay kasing- liwanag ng iyong mga ngiti. Ang ganda ng mirasol ay kasing- rikit mo, binibini."

Malapad akong napangiti at hindi napigilang kiligin. Ito ang unang pagkakataon na makatanggap ako ng ganitong liham! At kasama pa ng paborito kong bulaklak!

Sino kaya ang nagbigay nito? O hindi kaya? . . .

Bahagya akong nalungkot sa naisip. Baka hindi 'to para sa akin. Baka naman para 'to kay Maliya? Base sa nakita kong kasabikan niya kanina, hindi maitatanggi na mukhang may magandang bagay siyang inaasahan ngayong araw. Kaya naman, siguro ay para sa kaniya talaga itong bulaklak at liham. Lalo pa't wala namang pangalan na nakalagay kung para kanino 'to.

Naglakad ako pabalik sa kusina para tapusin ang pagkain pero parang nawalan na ako ng gana. Nanatili sa bulaklak ang aking atensyon at para ako nitong tinatawag. Sana para sa akin nalang.

Hindi ko napansin na mayroon pa palang nakasulat sa likod ng papel! Agad ko itong kinuha at binasa.

"Hihintayin kita sa ilalim ng punong mangga."

Maganda ang pagkakasulat ng liham at malinis ito. Halatang pinaghandaan. Pero hindi ako maaaring kiligin. Hindi 'to para sa akin.

"Mirasol."

Natakpan ko ang aking bibig nang mabasa ko ang aking pangalan sa dulong bahagi ng liham. P- para sa akin ba talaga ito? Nasapo ko ang aking dibdib. Sobrang bilis ng tibok ng aking puso. Napalunok ako. Sa akin nga!

Naglulundag ako sa tuwa at kaagad na nagtungo sa aking silid matapos mailigpit ang aking pinagkainan. Inihanda ako ang aking maganda at malinis na damit. Agad akong naligo at nag- ayos pagkatapos. Hindi mapawi ang ngiti sa aking labi.

Sino kaya ang madadatnan ko roon? Ang sabi niya ay hihintayin niya ako. I- ibig sabihin, m- magkikita kami!? Ito na ba? May aamin na ba na umiibig sa akin? Para akong baliw. Kung ano- ano ang mga bagay na naiisip ko na maaaring mangyari mamaya.

Matapos masiguradong maayos na ako at kaaya- kaaya ay agad akong nagtungo sa silid ni nanay. Pero tulog siya kaya nag- iwan nalang ako ng sulat sa ibabaw ng kaniyang mesa.

"May pupuntahan lang po ako, Inay. Babalik ako kaagad."

Gumayak na ako at masayang naglakad patungo sa lugar na tinutukoy sa liham. Habang papalapit ako nang papalapit ay siya namang paglakas ng kabog ng aking dibdib. Hindi ko alam kung sino ang dadatnan ko roon. May isang tao na akong nasa isip. Siya ang hinala kong nagpadala ng liham at sulat pero hindi rin ako sigurado. Bakit niya gagawin 'to? Anong gusto niya?

Ang punong mangga na tinutukoy niya at siyang lugar na patutunguhan ko ngayon ay ang nasa palayan. Ito ang punong mangga na pinakakilala sa buong baryo dahil ilang taon na itong nakatayo roon. Marami na itong nasaksihan at naging parte ng ito ng maraming tagpo.

Tinunton ko ang makitid na daanan sa palayan. Matataas na ang mga palay kaya naman nangangati ako sa tuwing tumatama ito sa aking balat. Maganda ang panahon. Hindi masyadong mainit, katamtaman lang at mabini ang ihip ng hangin.

Kung siya nga ang makikita ko rito, hindi ko alam kung paano ko siya kakausapin. Hindi ko alam kung handa na akong makita siyang muli. Mas lalo tuloy akong kinabahan.

Mula sa aking kinatatayuan ay tanaw ko na ang puno ng mangga. May nakita rin akong binata na nakatayo sa ilalim nito ilang metro ang layo sa akin. Humugot muna ako ng malalim na hininga.

Pagmulat ko ay dahan- dahan siyang humarap sa akin. Nanlaki ang mga mata ko.

"Magandang araw, binibini."

T- teka . . . siya?!

SA PAGSIBOL NG BULAKLAK NA MIRASOL  [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon