KABANATA 37

19 5 0
                                    

Buwan na ng Disyembre. Ilang araw nalang at sasapit na ang bagong taon. Parang kailan lang. Totoo nga ang sabi nila na sobrang bilis lumipas ng panahon. Hindi mo namamalayan sasapit na naman ang panibagong taon.

Sa mga buwang lumipas ay naramdaman ko ang agwat sa aming dalawa ni Maliya. Hindi na kami tulad ng dati. Hindi na kami sobrang malapit sa isa't isa. Iyong tipong napagsasabihan namin ang isa't isa ng mga problema, iyong madalas kaming tumambay sa duyan sa ilalim ng punong mangga. Sobrang laki ng nagbago. Nasasaktan ako at minsan ay napapaisip.

Tama ba ang ginawa ko? Para nga ba iyon sa kabutihan ni Maliya? Bakit pakiramdam ko ay mas lalo lang lumala ang sitwasyon? Bakit parang ako pa ang nasira ngayon sa mata ng aking kapatid? Bakit kailangang humantong sa ganito?

"M- maliya . . ."

Natuwa ako nang abutan ko siyang nakaupo sa duyan isang gabi. Nakatanaw siya sa malayo at malalim na naman ang iniisip.

Napaigtad siya nang marinig ang tawag ko. Umupo ako sa tabi niya. Akala ko ay tatayo siya at aalis gaya ng madalas niyang gawin sa tuwing nilalapitan ko siya pero halos maluha ako nang hindi niya ginawa. Nanatili siyang nakaupo sa tabi ko.

Sa wakas. Nagkaroon na rin ako ng pagkakataon na makapagpaliwanag. Gustong- gusto ko lang talaga siyang makausap. Sabik na sabik na akong bumalik kami sa dati. Hindi ako sanay sa ganito. Hindi ako sanay na malayo ang loob niya sa akin.

"Ah . . ."

Para akong napipi. Parang bigla ay hindi ko na alam ang sasabihin. Kahit kasi na nasa tabi na niya ako ay halos ayaw niya pa rin akong kibuin. Parang hindi niya ramdam ang presensya ko sa kaniyang tabi.

"M- maliya, hindi ba at . . . pangarap mong makapag- aral?"

Sa tingin ko ay napukaw ko ang kaniyang atensyon dahil bumaling siya sa akin.

Ngunit napakurap ako nang wala akong makita na kahit na anong emosyon sa kaniyang mukha. Parang biglang ibang tao ngayon ang kaharap ko. Hindi ito si Maliya. Hindi ito ang aking kapatid.

"Ano ngayon?" Malamig niyang tugon.

Halos manginig ako matapos marinig ang kaniyang boses. Sobrang lamig na ng pakikitungo niya sa akin. Hindi ko inisip kailanman na maari pala kaming humantong sa ganito.

"A- ah . . . a- ano . . ." Halos namalat ang lalamunan ko. Nabasag ang aking boses sa pagpipigil ng luha.

"K- kasi, pwede mo nang tuparin ang pangarap mo, Maliya. T- tutulungan kita. S- si ate na ang bahala sayo."

Ayokong umiyak sa harapan ni Maliya. Ayokong isipin niya na nagpapa- awa ako. Mahal na mahal ko ang kapatid ko at ayaw kong makita niya akong mahina. Paano nalang kung kailangan niya ng lakas? Saan siya huhugot? Kailangan kong maging malakas para sa kaniya.

"Ha!" Mapakla siyang natawa at umiwas ng tingin.

Pinahid niya ang luha sa kaniyang pisngi. Unti- unti akong nadurog. Hindi ko gusto 'to. Ako na mismo ang nakasakit sa kaniya. Ako na mismo ang nakapagpaiyak sa kaniya.

Tumayo siya at sinundan ko siya ng tingin.

"Talaga lang ha? Bakit ka ganyan? Ha? Bakit ka ganyan? Bakit umaakto ka na parang wala lang nangyari?" Ramdam ko ang sakit na nararamdaman niya.

"Ate naman eh, bakit ka pa nakialam? Magkakaayos na sana kami eh. Pero ano? Wala na! Sinira mo ang huling pagkakataon na mapatunayan ko sa mga magulang ni Gerardo na hindi ako ang tipo ng babae na iniisip nila! Hindi naman ako malandi, ate, eh. Hindi ako masamang impluwensiya. Pero bakit ganoon? Bakit ganoon ang tingin nila sa akin?" Humagulgol siya habang nagsusumbong sa akin. Bagay na hindi ko kayang matagalan.

Nanlumo ako. Hindi ko alam. Wala akong alam. Hindi ko alam na may plano pala siya. At napakatanga ko para sirain 'yon.

Kapag ba hindi ko sinampal si Gerardo, babalik sana sila sa dati? Kapag ba hindi ako nakialam, magiging magkaibigan na ulit sila? Kasalanan ko ba?

Dahan- dahan akong tumayo. Ramdam ko ang galit niya. Sa klase ng pagtitig niya sa akin ay parang gustong- gusto niya akong sigawan.

"P- patawarin mo ako, M- maliya. G- ginawa ko lang naman 'yon para s- sayo."

"Para sa akin!? Ate naman!" Napapadyak siya na parang bata. "Hindi ko naman na kailangan ng tulong mo eh! Malaki na ako kaya pwede ba? Huwag mo akong tratuhin na parang bata. Kaya ko na ang sarili ko. Bakit ka ba kasi nakikialam?!" Daing niya.

Ngumiti ako ng mapait. Inangat ko ang aking tingin at binalingan si Maliya. Totoo nga. Malaki na siya. Bakit ko nga ba siya tinatrato na parang bata? Dapat kong ipaalala sa sarili ko na hindi na kami tulad ng dati. Maraming taon na ang lumipas at marami na ang nagbago.

Ngumiti ako kahit pa na sa loob- loob ko ay durog na ako. Kasalanan ko nga siguro. Masiyado akong naging pakialamera. Dapat siguro, hinayaan ko nalang silang dalawa ni Gerardo. Baka nga gumana ang plano niya at magkalapit pa silang muli.

"S- sige. Simula ngayon . . . hindi na ako makikialam, Maliya. Hindi na . . ." Napalunok ako sa pagpipigil ng luha. "Hindi na kita guguluhin. H- hahayaan na kitang magdesisyon para sa sarili mo."

Bakit kailangang ganito? Bakit kailangang mangyari 'to sa aming dalawa? Sa lahat ng tao na mahalaga sa akin, kailanman ay hindi ko inasahang balang- araw ay magkakalayo ang loob naming dalawa. Siya higit sa sino pa man ang inaasahan kong mananatili sa aking tabi. Pero akala ko lang pala ang lahat.

Siguro ay panahon na rin para hayaan ko siyang magdesisyon. Hayaan ko siyang matuto at makaalam sa sarili niya lang.

"Simula ngayon, gawin mo ang kahit na anong gusto mo, Maliya. Hindi na kita pakikialam. Hindi na kita pipigilan."

Kung ito man ang makabubuti para sa kaniya, wala na akong magagawa. Siya na mismo ang humihiling eh. Marupok ako pagdating sa kaniya kaya sino ba naman ako para hindi ibigay ang gusto niya?

Kahit pa na ang kapalit nito ay ang pagkadurog ko bilang kaniyang kapatid. Kapatid na nakasama niya mula noong bata pa siya. Ang ate niya na laging sumasalo sa lahat ng mga palo na dapat sana ay sa pwet niya tumatama. Ang humaharap sa lahat ng sigaw at pangaral nina nanay at tatay. Ang kapatid na handang ibuwis ang lahat maging ang sariling buhay mapanatili lang siyang ligtas.

Ngumiti ako. Pinilit kong ngumiti kahit na sunod- sunod sa pagpatak ang aking mga luha. "Basta . . . lagi mong tatandaan, iwan ka man ng lahat . . . a- andito lang palagi si ate."

Habilin ko bago tumalikod at lumakad papalayo sa aking kapatid.

SA PAGSIBOL NG BULAKLAK NA MIRASOL  [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon