KABANATA 36

22 5 0
                                    

Ilang araw ang lumipas. Napansin kong hindi na ako kinakausap ni Maliya. Halos ayaw niya rin akong pansinin. Sa tuwing sinusubukan ko siyang kausapin ay kaagad siyang umiiwas at lumalayo.

Nalulungkot ako dahil pati ang relasyon naming magkapatid ay naapektuhan. Pero kahit na ano pa ang mangyari, hinding- hindi ko pagsisisihan ang mga bagay na ginawa ko. Alam kong para rin iyon sa kabutihan ni Maliya.

Matapos naming magsagutan ng matindi ni Aling Fely ay kaagad akong kinausap ni Maliya. Nagalit siya at tinanong kung bakit ko raw sinampal si Gerardo.

Sinabi kong kalimutan niya nalang ang lahat dahil tapos na. Nangyari na. Pilit kong sinasabi sa kaniya na huwag niya nalang alamin dahil ayokong malaman niya ang dahilan kung bakit ko nagawang saktan ang kaniyang matalik na kaibigan.

Ayokong malaman ni Maliya na niloloko siya ng taong higit niyang pinagkakatiwalaan dahil sa aminin niya man o hindi, alam kong unti- unti nang nahuhulog ang loob niya sa binata. At sangkot rin ang taong labis niyang hinahangaan. Hindi ko lubos na maisip kung ano ang maaring maging epekto nito sa kapatid ko. Kaya naman hanggat maaari ay ayokong malaman niya ang lahat.

Hindi ko pa nakakausap si Gerardo. Ayokong tuluyan siyang husgahan sa ginawa niya. Maaaring minamanipula lang ng kaniyang ina o ng kaniyang mga magulang ang kaniyang utak. Pinipilit siyang gawin ang mga bagay na nais ng mga ito. Maaaring naiipit lang din siya sa sitwasyon kung kaya't kailangan ko rin siyang makausap para magkaliwanagan na.

Nagalit sa akin si tatay at nanay dahil nagawa kong sagot- sagutin ang kanilang kumare. Pinangaralan ako ni tatay. Sinabihan akong mali ang ginawa ko.

Oo, aminado naman ako eh. Mali nga na sinagot ko siya at napagtaasan ng boses. Pero hindi ko naman masisisi ang sarili ko dahil kapatid ko na ang nadehado. Nadala lang ako ng galit kaya hindi ko na napigilan ang bibig ko. Kusa nalang lumabas mula rito ang mga bagay na nagpapasikip sa aking dibdib.

Kaya naman ngayon, halos wala akong makausap sa bahay. Kahit na nagkikita naman kami at magkasama sa pagkain, hindi na nila ako pinapansin.

Wala pa namang trabaho sa bukid kaya wala akong magawa. Sinubukan kong tumulong kay Maliya sa paglalaba pero pinaalis niya lang ako. Hindi niya na raw kailangan ng tulong dahil kaya na niya.

"Ang lalim ah? Masyado mong binabaon."

Nagising ang aking diwa mula sa malalim na pag- iisip nang marinig ang tinig ni Romualdo.

Nandito kami ngayon sa gilid ng ilog. Maaraw ang panahon kaya naman magandang tumambay rito. Tanging malinaw na tubig ang nagsisilbing magandang tanawin sa aming harapan. Sagana ito sa malalaki at malulusog na mga isda kung kaya't minsan ay may mga namimingwit dito.

"Anong iniisip mo? Pwedeng hukayin?" Biro niya.

Bumuntong- hininga ako. Ipinilig ko ang aking ulo. Masyado na akong nahihirapan sa sitwasyon. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin.

"Hayyy, ang hirap kapag nagmahal. Nawawalan na ng dila. Hindi na magawang makapagsalita." Wika ni Aldo sabay higa sa damuhan at hinarap ang sikat ng araw. Pero mukhang nasilaw siya kaya agad niyang itinakip sa mukha ang kaniyang bisig.

"Hindi ako umiibig! Masiyado kang abanse kung mag- isip!" Singhal ko sa kaniya saka ginaya ang kaniyang posisyon.

Nakahiga na rin ako ngayon sa damuhan. Maaring mangati ako nito mamaya pero bahala na. Masakit nga sa mata ang sikat ng araw kaya naman gaya ng ginawa ni Aldo, iniharang ko rin ang aking braso sa aking mga mata.

"Mirasol . . ."

"Hm . . ."

"Nandito ako. Pwede mo akong sabihan ng kahit na ano. Kung ano man 'yang problema mo, maaari mong ibahagi sa akin. Handa akong makinig at tumulong sa abot ng aking makakaya." Wika ni Aldo saka tumingin sa gawi ko.

Ramdam ko ang titig niya sa akin kaya naman hindi ko magawang tanggalin ang aking brasong nakaharang sa aking mga mata. Kahit ang kaniyang hininga ay ramdam ko sa gilid ng aking mukha.

"S- salamat, Aldo." Sinserong saad ko.

"Pero kaya ko na. Maliit na bagay lang naman." Dagdag ko.

"Ang maliit na bagay ay maaaring lumaki. Kaya hanggat maari, mas mabuti kung ito ay mas maagang masolusyunan. Nang sa gayon ay hindi na ito lumaki pa ng husto."

"Ayos lang, Aldo. Sanay na ako. Palagi namang ganito eh. Palaging ako lang ang mag- isang nag- iisip ng paraan at solusyon." Mapait kong wika at tunawa ng mapakla.

"Hindi naman ibig sabihin na malakas ka, eh hindi ka na maaaring humingi ng tulong sa iba. Minsan, kailangan rin nating abutin ang kamay ng sinumang handang umagapay sa atin para tayo'y makaahon sa pagkakasadlak. Hindi sa lahat ng panahon malakas ka, Mirasol. Basta, palagi mong tatandaan na kahit ano ang mangyari, nandito ako para sayo. Palaging nakaabang ang aking kamay para abutin ka. Palaging nakahanda ang mga ito para saluhin ka."

Napangiti ako. Napakaswerte ko at nagkaroon ako ng kaibigan na tulad ni Aldo. Ilang taon na kaming magkaibigan at maraming bagay na ang sumubok sa aming samahan ngunit nanatili pa rin kaming matatag hanggang ngayon.

Iniisip nga ng iba na magkasintahan kaming dalawa. Pero madalas ko rin itong itanggi. Masiyadong mahalaga sa akin si Aldo. Ayokong masira ang ilang taon na naming pagiging magkaibigan. Kontento na ako sa kung anuman ang relasyon namin ngayon. Siguro ay hanggang dito lang talaga kami, siguro ay hindi na pwedeng humigit pa.

"Maraming salamat." Buong puso kong sambit.

"Walang anuman, Mirasol." Tugon niya.

"Alam ko naman ang lahat ng iyan, Aldo. Sa loob ng maraming taon ay naging mabuti kang kaibigan. Kailanman ay hindi mo pinaramdam sa akin na ako'y nag- iisa. Madalas mo akong ipagtanggol sa mga batang umaaway sa akin dati kahit pa na hindi naman na kailangan dahil kaya kong ipagtanggol ang sarili ko."

Natawa ako nang bumalik sa akin ang mga ala- ala noong mga bata pa kami.

"Pero may sarili ka ring buhay, Aldo. May sarili ka ring mga alalahanin. Hindi ako madalas na magsabi sayo hindi dahil sa wala akong tiwala sayo, kundi dahil sa ayokong dumagdag pa sa mga isipin mo. Kaya ko naman na, maniwala ka. Kaya ko 'to. Huwag mo na akong isipin." Wika ko para sa ikapapayapa ng kalooban niya.

"Ewan, pero palagi kang laman nito eh." Bulong niya ngunit masyadong mahina para marinig ko.

Hindi ko nalang siya pinansin at muli akong pumikit para damhin ang kapayapaan sa paligid.

SA PAGSIBOL NG BULAKLAK NA MIRASOL  [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon