Hindi pa sumisikat ang araw pero nandito na kaming dalawa ni Maliya sa daungan ng barko na sasakyan niya patungong Maynila. Mugto ang pareho naming mga mata dahil nag- iyakan kaming dalawa kagabi.
Pagkatapos naming mag- usap ay sinabihan niya akong huwag na muna sasabihin kina nanay at tatay ang plano niya. Ayaw niyang masira ang selebrasyon kung kaya't napagdesisyunan niyang kumuha na muna ng tamang tyempo. Ngunit nakatulog lang sina inay at itay, hindi niya ito nakausap. Ayon sa kaniya, nawalan siya ng lakas ng loob. Natatakot siya na baka hindi siya payagan at pigilan siya sa pag- alis. Kaya ang nangyari, hindi siya nakapagpaalam. Nag- iwan lang siya ng mensahe sa ibabaw ng mesa.
Kahit mahaba- haba ang naging pag- uusap namin kagabi, hindi niya kailanman sinabi sa akin ang dahilan ng kaniyang agarang desisyon. Hindi ko siya tinanong at maging ako ay naduwag dahil ayokong isipin na naman niyang pinapakialaman ko ang buhay niya. Hinintay ko na siya mismo ang nag- kwento pero hanggang ngayon, ni isang salita tungkol dito ay wala siyang nababanggit.
Pagkatapos naming magsalo- salo kagabi ay ilang oras muna kaming nag- usap na magpamilya. Sinariwa ang mga masasayang ala- ala, inalala ang mga plano namin sa buhay at nang mapagod sina inay at itay ay nagpaalam na sila na magpapahinga na raw. Sinenyasan ko si Maliya na sabihin na ang plano niya pero hindi niya nagawa. Ramdam kong nahihirapan siya. Kaya napalumo nalang ako.
Kaya ngayon, nandito kami sa daungan. Tahimik at kapwa pinakikiramdaman ang isa't- isa. Bilang nakatatandang kapatid, responsibilidad ko 'tong si Maliya. Masyadong delikado ang gagawin niya lalo at unang pagkakataon pa lang na tatapak siya ng Maynila.
Ang laki ng pagkakaiba ng buhay na mayroon sila kesa dito sa amin. Kagabi ay hindi ako nakatulog sa pag- iisip ng paraan kung paano ko siya mapipigilan. Oo, gusto ko siyang mag- aral sa Maynila pero hindi pa ngayon! Sumasakit ang ulo ko sa katigasan ng ulo ng aking kapatid. Masyado pa siyang bata, pero pilit niyang sinasabi sa akin na may kakilala raw siya na siyang sasamahan niya papuntang Maynila. At 'yon ang hinihintay naming dalawa ngayon.
Pasimple ko siyang sinulyapan at nakita kong nakakunot ang kaniyang noo na parang may malalim na iniisip. Maya- maya pa ay naluha ang kaniyang mga mata ngunit agad niya itong pinunasan.
Hindi ko alam kung ano ang nangyari at kung bakit siya nagkakaganito. Sa tingin ko tuloy ay wala akong kwentang kapatid. Hindi ko siya magawang damayan ngayong panahon na kailangan niya. Sa halip, mas lalo ko pa siyang pinayagan na mapalayo ang loob sa akin. Tiyak na sa pagdating niya sa Maynila, mayroong mga pagbabago ang maaaring maganap. At hindi pa ako handa para sa mga 'yon. Parang hindi ko maatim na mawalay ang kapatid sa aming piling.
"M- maliya?" Gusto ko siyang pigilan. Gusto kong ipaintindi sa kaniya na baka nabigla lang siya. Gusto kong malaman niya na nandito ako. Na handa akong makinig. Na handa akong sumalo ng kahit na anong emosyon na ibabato niya. Basta huwag lang siya umalis. Hindi pa ito ang tamang oras.
"Huwag mo na akong subukan pang pigilan, Ate." Banta niya habang nasa malayo ang tingin.
"P- pero . . ." Nabasag ang boses ko at parang may kung ano ang bumara sa aking lalamunan. Maliya naman. Huwag ka namang ganiyan.
"Hindi ba . . . sabi mo tutulungan mo 'ko sa abot ng . . . ng m- makakaya mo?" Naluluha na naman siya. Pero kita ko ang determinasyon sa kaniyang mukha. Mukhang buo na talaga ang desisyon niya.
Bumuntong- hininga ako at marahang tumango. Ano ba talaga ang rason mo, Maliya? Bakit ka biglang aalis at lalayo? May tinatakasan ka ba?
Napatingin ako sa kaniya ng maisip ang bagay na 'yon. Hindi kaya?
"Maliya, si Gerardo ba?" Gulat kong tanong sa kaniya at nakompirma ko ang aking hinala nang bigla siyang sumeryoso at dumilin ang kaniyang titig sa akin.
"Huwag na huwag mo na ulit babanggitin ang pangalan ng lalaking 'yon." Galit niyang banta.
Tama nga ang hinala ko. Ang kababata niya ang dahilan. Ang kaibigan niya ang gusto niyang takasan kaya nang naisip niyang may pera akong naipon para sa pag- aaral niya, agad niya akong kinausap. Alam niyang hindi ako makatatanggi dahil marupok ako pagdating sa kaniya. Alam niyang gagawin ko ang lahat para magkabati kaming dalawa.
"M- maliya." Tawag ko pero umiwas lang siya ng tingin.
Naaawa ako sa kapatid ko. Ang bata pa niya para masaktan at maranasan ang lahat ng ito. Pero ano kayang nangyari? Nag- away ba sila?
Naalala ko ang mukha ng aking kapatid na nasilayan ko kahapon ng umaga. Ang magandang Maliya na nakangiti. Ang Maliya na palatawa at palabiro. Ang Maliya na kapatid ko.
Pakiramdam ko tuloy ay ang laki na ng pinagbago niya gayong ilang araw pa lang naman magmula noong huli naming pag- uusap. Pero kung totoo nga na si Gerardo ang dahilan ng mga pagbabagong ito ng kapatid ko, humanda siya sakin. Pagbabayaran niya kung ano man ang ginawa niya sa kapatid ko. Hinding- hindi ko siya mapapatawad kahit pa na magkalapit ang aming pamilya.
"K- kapag nasa Maynila ka na . . . magpadala ka ng sulat ah. I- kwento mo sa akin ang lugar doon. T- tapos ibahagi mo sa akin ang iyong mga karanasan. Maganda raw sa Maynila eh. Kaya gusto kong malaman mula sa 'yo kung totoo nga." Umiiyak na wika ko.
Bumaling si Maliya sa akin at agad ko siyang nginitian senyales na hindi ko na siya pipigilan. Na susuportahan ko siya sa kaniyang desisyon.
Tuluyan na ring tumulo ang kaniyang mga luha kaya kaagad ko siyang niyakap. Para kaming mga baliw na nag- iiyakan ngayon sa daungan. Pero wala kaming pakialam.
Kumalas siya at saka masayang tumawa kahit pa na umiiyak. "Ate . . ." Buong- pusong tawag niya.
Muli akong naiyak kaya muli ko siyang niyakap. Ito na ang huli eh kaya susulitin ko na. Matagal pa bago kami ulit magkita kaya paniguradong malulungkot ako.
"Maliya!"
Umalingawngaw ang boses ng isang matanda nang tinawag niya ang pangalan ng aking kapatid at nakita kong lumiwanag ang mga mata ni Maliya.
"Andito na ang kasama ko, Ate. Mauuna na ako. Lagi mong aalagaan ang sarili mo ha. Ikaw na bahala kina nanay at tatay. Ate ha . . . m- mahal na mahal ko kayo." Naiiyak na pamamaalam ni Maliya.
"Oo. Ikaw din, huwag mong pababayaan ang sarili mo. Lagi kang mag- ingat doon. Maraming mga masasamang loob ang nagkalat sa Maynila, lagi mong tatandaan ang tinuro ko sayo ha. M- mahal na mahal din kita." Bilin at pamamaalam ko saka siya mahigpit na niyakap.
"Asus, tama nang drama! Halika na, mahuhuli na tayo!"
Kumunot ang aking noo. Nananaginip ba ako? Bakit naririnig ko ang boses ng matandang pinaglihi sa ampalaya? Paglingon ko ay napanganga ako sa gulat.
"Aling Marites!?" Gulat kong tanong. Inirapan niya lang ako.
Nagpalipat- lipat ang tingin ko kay Maliya at kay Aling Marites. Siya ang kasama ni Maliya papuntang Maynila?!
"Sige na, ate. Alis na kami."
Nagtataka man ay hinawakan ko ang kamay ni Maliya bago siya tuluyang makalayo. Inilagay ko roon ang isang kwintas. Nagtataka niya akong tinitigan.
"Maligayang kaarawan, mahal kong kapatid." Maluha- luhang bati ko.
BINABASA MO ANG
SA PAGSIBOL NG BULAKLAK NA MIRASOL [COMPLETED]
RomanceLiwanag, saya at pag- asa ang mga simbolong ipinapahiwatig ng bulaklak na mirasol. Matingkad ang dilaw na kulay ng mga talutot nito na mayroong kulay kayumangging bilog sa gitnang bahagi. Sumusunod ang galaw ng bulaklak na ito sa araw kung kaya't bi...
![SA PAGSIBOL NG BULAKLAK NA MIRASOL [COMPLETED]](https://img.wattpad.com/cover/258545071-64-k809473.jpg)