KABANATA 26

23 4 0
                                    

"Mirasol, hoy! Ano ba? Ayusin mo nga!"

Nagising ang diwa ko ng bigla akong sigawan ni Romualdo.

"Ano!?" Singhal ko sa kaniya.

Tinuro niya ang mukha niya at kung maayos lang ang modo ko ngayon ay baka humalaklak na ako ng tawa.

Ang daming putik sa mukha niya. Anong nangyari at nagkaroon siya niyan? Lumangoy ba siya sa putikan?

"Huwag mong iwinawasiwas 'yang mga damo! Napupunta sa mukha ko ang mga putik!" Naiirita niyang singhal.

Yumuko ako para tingnan ang damong hawak. Hindi ko namalayan na napupunta pala sa kaniya ang putik na mula rito.

Nandito kami ngayon sa palayan para maglinis. Inaalis namin ang mga damo na nasa paligid para hindi maging masukal tignan lalon na kapag tumaas ang mga ito. Para rin hindi nila maagaw ang bitamina na dapat ay napupunta sa bagong tanim na palay.

Halos nasa benteng katao kami. Sobrang lawak ng palayan na kailangan naming linisan kaya para mas madaling matapos ay kailangan ng maraming trabahador.

Hindi ko siya pinansin at nagpatuloy na sa paghila ng mga damo.

Ang dumi- dumi na ng kamay ko at puno na rin ng mga putik ang paa ko. Maging ang laylayan ng damit ko ay nababalot na rin ng putik.

"Tsk, ni hindi man lang humingi ng paumanhin." Reklamo ni Romualdo at bumalik na rin sa ginagawa.

Ilang metro lang ang layo namin sa isa't isa kung kaya't dinig na dinig ko ang pabulong na reklamo niya.

"Ganda sana kaso ang aga- aga nakabusangot."

Tumaas ang kilay ko.

"Anong sabi mo!?"

"Wala. Ang sabi ko, mukha kang pwet ng bibe! Ang aga- aga nakabusangot, akala mo ikinaganda mo 'yan?"

Binato ko sa kaniya ang damong nabunot ko. Agad siyang umilag para hindi matamaan.

"Oh? Ayan ka na naman! Nang- aaway ka na naman!"

Pinameywangan ko siya. "Oh, bakit? Sino ang nagsimula? Ha?"

"Biro lang naman eh." Parang bata na saad na.

"Hindi nakakatawa!" Sigaw ko. "Ang aga- aga naninira ka ng araw." Bulong ko at muling yumuko para bumunot ng damo.

Napanganga ako ng biglang may tumamang kung ano sa ulo ko. Hinawakan ko ito at nandiri ako dahil basa. Pagtingin ko ay putik pala!

Binalingan ko si Romualdo at tiningnan ng masama. Tawa lang siya ng tawa. Akala niya siguro nakikipagbiruan ako?!

"Romualdooo!!!"

Umalingawngaw sa palayan ang boses ko nang isigaw ang pangalan niya. Galit na galit at nanggigigil ako dahil sa katarantaduhang ginawa niya!

"Oh, teka! Gumanti lang ako! Ayan, patas na tayong dalawa. Ano? Ayos ba?" Natatawang pang- aasar niya sa akin.

Ngumiwi ako nang may isang uod pa na naisama sa putik na pinukol niya sa ulo ko.

"Ay!"

Sa sobrang gulat ay naitapon ko 'yon sa kaniya. Nanlaki ang mga mata ko nang pumasok iyon sa loob ng kaniyang pang- itaas na damit.

"Punyeta!"

Nagtatatalon siya sa gulat dahil hindi niya maalis- alis ang uod sa kaniyang katawan. Niyugyog niya ang sarili para malaglag ito pero hindi pa rin ito umaalis.

"Mirasol!!!" Galit na galit niyang sigaw.

Alam kong nakakadiri ang uod. Iyong ang hayop na pinaka- kinatatakutan ko. Ang lamig kasi nito kapag dumantay sa iyong balat. Para akong kinikilabutan at biglang nagsisi- taasan ang balahibo ko sa balat.

Pareho naming pinandidirihan ni Romualdo ang mga ganoong klaseng hayop. Simula bata kami ay ginagawa namin itong pang- asar sa isa't isa at hindi kami titigil hanggat walang umiiyak ni isa man sa amin.

"Hubarin mo muna ang damit mo tsaka mo siya alisin sa kawatan mo, Romualdo." Payo ni Mang Isko nang makitang hirap ang binata na alisin ang uod sa katawan.

Binalingan ako ni Romualdo at masamang tinitigan. Napangiwi lang ako dahil hindi ko naman sinasadya. Nagulat lang din ako kaya ko ito naitapon sa kaniya.

At dahil wala na siyang pamimilian ay hinubad nalang niya ang kaniyang pang- itaas na damit.

Agad akong umiwas ng tingin at nagkunwaring abala sa pagbubunot ng mga damo.

Nakarinig ako ng ilang pagsinghap mula sa mga kababaihang kasamahan namin. Nagtaka ako kung bakit kaya naman sinundan ko ang direksyon ng tinitingnan nila.

Nasa hubad na katawan ni Romualdo silang lahat nakatingin!

Ang iba ay naghahampasan pa at may ilang halos himatayin. Ang arte lang.

Pagbaling ko kay Romualdo ay sabay kaming nag- iwas ng tingin. Nahuli niya akong tinitingnan ang katawan niya!

Nakagat ko ang ibabang labi at sinampal- sampal ang sarili para matauhan. Pakiramdam ko ay biglang uminit kahit na maaga pa naman.

"Grabe, mapamaraan ka talaga, Mirasol!" Kinikilig na saad ni Elena.

Kaedaran ko rin pero mas maliit siya kesa sa akin. Kadalasan nga siyang mapagkamalang bata dahil ang liit niya. Kung titingnan ay mukha lang siyang labindalawang taong gulang.

"Oo nga! Ang talino mo, Mirasol! Nagawa mong paghubarin si Romualdo!" Saad ni Daday na kaibigan ni Elena saka sila naghampasang dalawa.

"H- hindi ah. Nagulat lang talaga ako. Pero hindi ko naman sinasadya na maitapon sa kaniya ang uod." Depensa ko.

Tumango- tango silang dalawa pero maya- maya lang ay muli akong tiningnan na parang inaasar.

Napabuntong- hininga nalang ako at umiling- iling dahil parang ayaw nilang paniwalaan ang sinasabi ko.

Pasimpleng kong binalingan si Romualdo at nakita kong bumalik na siya sa ginagawa. Suot niya na ring muli ang kaniyang damit.

Nang mag- angat siya ng tingin ay agad akong nag- iwas.

Biglang naging maalinsangan ang panahon. Pinahid ko ang pawis sa aking noo. Pinaypayan ko rin ang sarili dahil biglang uminit ang pakiramdam ko.

Sariwa naman ang hangin dito sa bukid pero pakiramdam ko ay parang nahihirapan akong huminga. Parang sumisikip ang dibdib ko at bumibigat ang aking pakiramdam.

Tatayo sana ako para uminom ng tubig nang biglang umikot ang pakiramdam ko dahilan para agad akong matumba. Pero bago pa man ako bumagsak sa putikan ay may naramdaman akong dalawang braso na sumalo sa akin. Umiikot na ang paningin ko kung kaya't hindi ko na makita kung sino.

"Si Senyorito Jandrino!"

Bago ko maipikit ang aking mga mata ay narinig ko ang mga boses sa paligid na parang may kung anong sinasabi ngunit biglang bumigat ang talukap ng aking mga mata kaya pumikit na ako.

SA PAGSIBOL NG BULAKLAK NA MIRASOL  [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon