KABANATA 42

16 3 0
                                    

Pagdating ko sa bahay ay maingat akong pumanhik at mapino ang aking galaw. Nagpalinga- linga ako upang tingnan kung gising na sina inay at itay. Wala akong nakitang pagkain na nakahain sa mesa. Walang apoy o bakas ng baga na pinaglutuan sa pugon. Nakahinga ako ng maluwang dahil isa lang ang ibig sabihin nito. Hindi pa sila nagigising.

Pumunta ako sa kanilang silid. Dahan- dahan kong binuksan ang kurtina na siyang nagsisilbing harang. Pinagmasdan ko silang dalawa ng ilang saglit habang mahimbing silang natutulog habang magkayakap. Napangiti ako. Muli kong isinara ang kurtina at tumungo naman ngayon sa aking silid. Agad akong lumapit sa lamesa. Ang sabi kanina ni Maliya, may iniwan siyang sulat para sa akin. Basahin ko raw para hindi ako maguluhan kung bakit si Aling Marites ang kasama niya papuntang Maynila.

Hindi nga siya nagbibiro. Mayroon ngang isang sobre na nakapatong sa ibabaw ng mesa. Kinuha ko iyon at kaagad na binuksan para mabasa kung ano ang nakasulat. Agad na tumulo ang aking luha nang mabasa ito. Pakiramdam ko ay naririnig ko ang boses ng aking kapatid at siya ay nasa tabi ko ngayon.

Ilang baso rin ng luha ang umagos sa mga mata ko bago ko natapos na basahin ang sulat. Tumingin ako sa itaas para pigilan ang nagbabadya na namang pagtulo nito. Ngayon, naiintindihan ko na ang lahat.

Suminghot ako. Maya- maya pa ay bigla akong napaigtad nang mayroon akong marinig na bulabog sa bintana ng aking silid. Ano ‘yon?

Binuksan ko ang bintana para tignan kung sino ang bumato. Hinanap ko sa paligid ang sinumang may kagagawan ng pambubulabog. May namataan akong isang batang lalaki na ngayon ay tumatakbo na paalis. Siya ba ang bumato ng bintana ko?

Tatawagin ko sana para tanungin, kaso masiyado na siyang malayo at isa pa, baka magising sina nanay at tatay kapag sumigaw ako. Kumunot ang noo ko nang may mamataang nilukot na papel. Kinuha ko ito sa sahig at binuksan. Mayroong nakasulat kaya naman agad ko itong binasa.

Kitain mo ako, Mirasol. Sa ilalim ng punong mangga. Sa taniman ng paborito mong bulaklak. Kailangan kitang makausap.

Iyan ang mensahe na nakasulat sa papel. Sino na naman kaya ang nagsulat at nagpadala nito? Noong huli ay nakatanggap din ako ng ganito. ‘Yon nga lang, hindi ako natuwa. Pero iba ang pakiramdam ko sa sulat na ito. Parang may kung sino na bumubulong sa akin na pumunta sa lugar na sinasabi sa sulat. Kaya ang ginawa ko, hindi na ako nag- aksaya ng panahon at agad akong lumabas ng bahay. Masyado pang maaga at papasikat pa lang ang araw kung kaya’t medyo malamig pa. Hindi na ako nakapagsuot ng pantakip sa aking ulo sa sobrang pagmamadali.

Mabilis ang aking mga hakbang hanggang sa hindi ko mamalayan na malapit na pala ako sa puno ng mangga na tinutukoy sa liham. Sinipat ko kung sino ang taong nakatayo at biglang bumilis ang tibok ng aking puso nang dahan- dahan itong lumingon.

Siya ang nagpadala ng liham?

Naglakad ako ng ilang hakbang at ganoon din ang kaniyang ginawa. Parang biglang naulit ang nangyari kamakailan lang. Pero iba ang pakiramdam ko ngayon. Para akong masaya na nangangamba. Hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman.

“Mirasol...” 

Ang pagbanggit niya sa aking pangalan ay tila musika sa aking pandinig. Kami ngayon ay kapwa nakatayo at nakaharap sa isa’t- isa. Bahagya akong nakatingala dahil mas mataas siya sa akin. Sa labis na kaba ay ni pagngiti at pagbati ay halos hindi ko magawa. Tumikhim ako para makuha ang kung anong nakabara sa aking lalamunan.

“R- romualdo.”  Hindi ko alam kung bakit ako nauutal.

“Magandang umaga.”  Bati niya saka may inialay sa aking harapan na kanina pa niya hawak- hawak sa kaniyang likuran. Isang tangkay ng bulaklak na Mirasol.

Mabilisan ko itong inabot dahil ayaw kong makita niya ang panginginig ng aking kamay. Inamoy ko ang bulaklak at napangiti ako.

“Maraming salamat.” 

“Walang anuman.” 

Ilang minuto kaming binalot ng katahimikan at ako na ang bumasag nito.  “Oo nga pala. B- bakit mo ako pinapunta rito?” 

Umayos siya ng tayo at agad na inabot ang aking mga kamay. Hinawakan niya ito ng mahigpit at mariin akong tinitigan. Parang bigla akong kinabahan sa reaksyon niya. Parang hindi maganda ang aking kutob.

“Mirasol...”  Tanong niya habang hindi inaalis ang pagtitig sa akin. “Mahal mo ba ako?”

Nagulat ako sa diretso niyang tanong. Laglag ang aking panga na halos hindi mapaniwala.

“R- romualdo. A- anong sinasabi mo?”

“Sagutin mo nalang ang tanong ko. Mahal mo ako hindi ba?”  Tanong niyang muli.

Hindi pa rin ako nakasagot. Nanatili akong tulala sa kaniyang mukha. Hindi ko alam at hindi ko maipaliwanag kung ano ang nararamdaman ko ngayon.

“Kung totoong mahal mo ako, umalis na tayo rito. Sumama ka sakin. Pupunta tayo sa malayong lugar. May alam na ako at mayroon na rin akong plano. Doon tayo magsisimula ng panibagong buhay. Basta sumama ka lang sakin.”  Desperado niyang sambit.

Doon na ako tuluyang kumalas sa kaniyang pagkakahawak. Umiling- iling ako na parang hindi makapaniwala.

“Oo, Romualdo. Tama ka. Mahal kita. Pero hindi tama ‘yang naiisip mo. Bakit gusto mong lumayo? At kung sasama ako sayo, paano na ang mga taong maiiwan natin? Hindi mo ba sila naiisip, Romualdo!?”  Bahagyang tumaas ang aking boses.

“Mirasol, ito lang ang naiisip kong paraan. Hindi tayo magiging masaya rito. Mas mabuti kung lumayo tayo. Doon sa lugar na walang makakakilala sa atin. Huwag kang mag- alala. Hindi kita pababayaan.” 

Sunod- sunod akong umiling.  “Bakit? Bakit ka lalayo? Romualdo, nandito ang pamilya ko. Dito ako masaya. Kung totoong mahal mo ako, bakit mo ‘ko ilalayo sa kasiyahan ko?”

Nasabunutan niya ang sarili na parang hirap nang magpaliwanag.  “Hindi sa ganoon, Mirasol. Mahal kita kaya kita ilalayo dahil kapag nandito ka, puro pasakit lang ang mararanasan mo.”

“At alam mo dahil?”

“Pakiusap, huwag ka na magmatigas pa. Sumama ka nalang sa akin. Mamayang gabi ang alis natin. Alas nueve ng gabi para siguradong walang sinuman ang makakakita sa atin.”

Hindi ako makapaniwala. Paano siya nahulog sa ganitong pagdedesisyon? Anong pumasok sa isip niya at bigla- bigla nalang siyang nang- aaya na magtanan kaming dalawa? Gulong- gulo na ako, Romualdo.

SA PAGSIBOL NG BULAKLAK NA MIRASOL  [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon