Restored copy/deleted comments/Let's make new memories :)
Kabanata 22
NASUSUNOG ang bahay namin at naiwan sa loob si Ruby! Kusang pumatak ang mga luha ko. Namalayan ko na lang na naibagsak ko na pala ang phone ko sa sahig.
Ang paglapit ni Jumbo ang nagpagalaw sa na-estatwa kong katawan. "Jumbo..." kita ko ang labis na pag-aalala sa gwapo niyang mukha.
Hindi ako nagsalita. Kumapit ako sa kanyang balikat upang tulungan ang aking sariling makatayo. Pagkuwan ay wala ako sa sariling dinampot ang aking pitaka at saka pagewang-gewang na humakbang palabas ng pinto. Ang pamilya ko. Nasa panganib ang pamilya ko!
Sumunod agad sa akin si Jumbo. "Jumbo..." awat niya sa akin.
"Jumbo, dito ka lang..." utos ko sa kanya bago ako naglakad muli.
Humarang siya sa daraanan ko. "Jumbo..."
Napahinto ako at saka nagtuloy-tuloy ang mga luha ko. "Jumbo, babalik ako... dito ka lang... babalik ako."
Pero mukhang hindi siya papayag na umalis ako nang hindi siya kasama dahil heto't humarang pa rin siya sa aking lalakaran. Napapikit na lang ako matapos mapabuga ng hangin.
...
HALOS talunin ko ang pagbaba sa tricycle na sinasakyan namin ni Jumbo nang makarating ako sa amin. Nakikita ko na agad ang makapal na usok na nagmumula sa bahay namin. Ang mga balde ng tubig na walang laman ay nakakalat sa kung saan-saan, tila ba napagod na ang lahat na subuking patayin ang apoy.
"A-anong nangyayari?" Nanghihina akong lumapit. Sa likod ko ay nakaalalay sa akin si Jumbo.
Kumpulan ang maraming tao sa di kalayuan na magkakahawig ang reaksyon. May mga ilang tanod sa paligid na nagra-radyo at tila tumatawag pa lang ng bombero. Isang grupo ng mga tao ang nakitang kong pinakamalapit sa nasusunog na bahay: Sina Mama at ang mga umaawat na tanod at kapitbahay.
Naroon din si Bayug na panay ang tahol.
Patakbo akong lumapit sa kanila. Hindi ko rin alam kung saan nagmumula ang lakas kong ito gayong nanginginig ang aking mga tuhod.
"Ma! Si Dangdang? Si Amang? Nasaan sila?" tanong ko agad kay Mama nang makalapit ako sa kanya. Nakasunod lang sa likuran ko si Jumbo.
Kumapit agad sa akin ang pawisang mga palad niya. "Rosenda, si Ruby... naiwan sa Ruby sa loob ng bahay..." tigmak ng luha ang kanyang mga mata at hindi na nagawang sagutin ang aking tanong. Pilit siyang nagsasalita kahit humahagulhol siya. "M-masaya pa kaming kumakain ng sandwich na dinala mo kanina... tapos, hinatiran ko pa si Ruby sa kwarto... nang bigla na lang natapon iyong gasera sa..." tagaktak ang mga luha niya. "Natapon sa... ginagawa kong mga paputok..." pagkasabi'y napaupo siya sa lupa.
Habol ko ang aking hininga kahit paulit-ulit ko nang narinig ito. Nilingap ko ang paligid at doon ko lang nakita si Dangdang na umiiyak habang buhat-buhat siya ng isa sa mga bombero. Si Amang naman ay nakaluhod sa isang tabi, puro galos at tulala na para bang wala na sa sarili. Sa tabi nito ay mga balde ng tubig na nakataob.
Marahan akong muling humarap sa nagliliyab na bahay at tila ba hibang na humakbang patungo roon. Sinalubong agad ako ni Pektong kasama ang ilang mga tanod.
"Miss, hanggang dyan ka na lang! Paparating na ang mga bombero!" Anang isang tanod.
"Rosenda, hanggang sala niyo na ang apoy!"
Pero nagpumilit ako. Itinulak ko sila nang buong lakas sa abot ng makakaya ko. "Umalis kayo sa daraanan ko! Bakit wala man lang ni isa sa inyo ang magtangkang iligtas ang kapatid ko?!"
BINABASA MO ANG
Babysitting the Billionaire
RomanceRosenda crosses path with a hot stranger who's suffering from some sort of mental illness yet seems to understand her pain and longing. She decides to take him in, babysit him, and eventually falls in love when him. She then finds out that he is wa...