Kabanata 37

720K 21.5K 9.9K
                                    

Restored copy/deleted comments/Let's make new memories :)

Kabanata 37

Sorry na...

Sorry na...

Sorry na...

Isang beses niya lang iyong sinambit ngunit naririnig ko iyon sa isip ko nang paulit-ulit. Nasabi na niya ito noon, hindi ko inaasahang masasabi niya ulit ngayon. Galit ako sa kanya kanina pero ngayon ay hindi ko na alam. Sa isang iglap, tanga na naman ako. Sa isang iglap, umaasa na naman ako.

At pakiramdam ko'y sa mga oras na ito, safe ako. Na ligtas ako sa kahit ano dahil nasa loob ako ng mga bisig niya. Yakap-yakap niya lang naman ako habang pinapatahan niya. Parang lang panaginip dahil mula ng makita ko siya ulit, hindi na ako umasang mayayakap ko man lang siya. Pero heto ngayon at damang-dama ko ang init ng katawan niya. Agad din akong napapiksi nang may maramdaman akong kakaiba.

Biglang may pumalibot sa aming mga unipormadong lalaki!

Ganoon na lang ang takot sa aking dibdib dahil pakiramdam ko'y may bangungot ng nakaraan na nagbabalik. Parang ganito iyong nangyari sa park noon. Yakap-yakap ko si Jumbo ng may mga lalaking dumating at kinuha siya sa akin.

Lumapit sa amin ang leader ng mga nakaitim na lalaki. May hawak itong walkie-talkie. "Everything's okay, Sir?"

"Everything's fine," mahinang sagot ni Jumbo na hindi pa rin ako binibitawan. Napatingala ako sa kanya. Seryoso ang mukha niya.

Ako na ang humiwalay sa kanya dahil nahihiya ako sa mga nakakakita sa amin. Pero nagsisi rin ako dahil ni hindi niya ako pinigilan. Pakiramdam ko tuloy ay biglang naging hungkag ang aking pakiramdam.

Wala siyang emosyon na tinalikuran ako at naglakad pabalik sa kanyang kotse. Binuksan niya ang kanyang sasakyan at pumasok siya roon. "Please escort that girl to my suite." Binuhay niya ang makina at pinaharurot ito paalis.

Tigagal lang akong tinanaw siya hanggang sa mawala sa aking paningin.

Ano'ng nangyari? Bakit ang bilis niyang magbago? Kanina lang ay okay siya ngunit sa isang iglap ay bigla siyang nanlamig. Meron pa rin kaya siyang saltik?

...

WALA AKONG IBANG ginawa kun'di ang magpalakad-lakad. Kung hindi naman ay tatanaw ako sa malawak na view mula sa salaming bintana ng place ni Jumbo. Nandito na ulit ako pero wala siya ng dumating ako. Nasaan kaya siya? Saan siya nagpunta? May dalawang oras na ang lumipas ngunit wala pa rin siya. Kinakabahan na ako dahil baka kung ano na ang nangyari sa kanya.

Humakbang ako palabas ng pinto. Wala akong ibang makita sa paligid kundi itong mga unipormadong lalaki. Nasa sala pa rin sila at ayaw nila akong payagang lumabas. Utos daw iyon ni Jumbo sa kanila.

Kanina pinapalayas niya ako, ngayon naman ay para akong preso rito na bawal lumabas. At nag-iwan pa talaga siya ng mga bantay kung sakaling maiisipan kong tumakas. At kahit siguro magwala ako rito, hindi talaga ako iiwan ng mga lalaking ito. Pakiramdam ko tuloy ay isa akong prinsesang nakakulong sa kastilyo. Kaya nagdesisyon akong bumalik na lang sa kuwarto at maghintay.

Nahiga ako sa kama, tumagilid, tumihaya at dumapa. Hindi talaga ako mapakali. Naisipan kong umupo na lang. Umupo ako sa unan. Sa pagpupumilit kong libangin ang aking sarili ay napansing may butas itong unan.

Weird, ah. May bilyonaryo palang butas ang unan.

Ilang minuto pa ang lumipas ay narinig kong bumukas ang pinto sa sala. Hindi naman ako nabigo nang silipin ko kung sino ang dumating, dahil si Jumbo nga iyon. Kasunod ng pagpasok niya sa pinto ay ang paglabas ng mga pinagbantay niya sa akin.

Babysitting the BillionaireTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon