Restored copy/deleted comments/Let's make new memories :)
Kabanata 24
NADATNAN KO SI Jumbo na nakatanghod sa isang pader paglabas ko ng ukay-ukay kung saan namili kami ng karagdagan niyang damit na isusuot. Nang lapitan ko siya ay doon ko lang nakita na isa palang poster ang tinitingnan niya.
Natigilan ako nang makita ko kung ano ang nasa poster. Photo iyon ng Montemayor Cruise at ng isang babaeng naka-uniform ng pangkapitan sa tabi nito.
"Jumbo..." maya-maya ay bulong ni Jumbo. Titig na titig siya sa picture ng malaking kulay puting barko na nasa daungan.
Nang tingalain ko siya ay kitang-kita ko ang pagniningning ng kanyang mga mata habang nakatitig siya sa poster. Hindi ko siya masisisi, kahit ako ay natutulala sa ganda ng barkong ito na tanging mayayaman lang ang may kakayahang makasakay.
Humawak ako sa kanyang kamay. "Alam mo ba, Jumbo? Pangarap kong makasakay sa barkong iyan."
Napatingin siya sa akin, nasa mukha niya ang pagtatanong.
"Jumbo, kahit sino naman ay gugustuhing makasakay diyan." Napayuko ako. "Pero para sa mahirap na tulad ko, hanggang pangarap na lang siguro ang makatungtong sa isang luxury ship na tulad niyan."
Bumaling muli siya sa poster at itinuro niya ang bold letters na binubuo ang salitang 'Montemayor'.
"Mga Montemayor ang may-ari ng barkong iyan. Sila ang isa sa pinakamayamang angkan na nabubuhay dito sa bansa natin." Paliwanag ko sa kanya habang ang aking mga mata ay kumikislap. "Hindi lang sila basta mayaman, Jumbo. Makapangyarihan din sila na kulang na lang ay ariin nila ang Pilipinas at asya."
"Jumbo?"
"Nakikita mo ba itong babaeng ito?" Itinuro ko ang babaeng nakadamit na pangkapitan. Lumang photo iyon, throwback. "Siya si Aria Montemayor-Saavedra, ang first child ng mga Montemayor. Nakikita ko lang siya sa commercial noong bata pa ako, noong may TV pa kami sa bahay. Mayaman siya, Jumbo. Siya at ang asawa niya ang unang kapitan sa Montemayor Cruise," kwento ko sa kanya na para bang nauunawaan niya ang sinasabi ko.
Tumagilid ang kanyang mukha at saka siya nagkamot ng ulo.
Wala sa loob na napatitig ako sa naka-side view na mukha ni Jumbo. Hindi ko alam kung namamalik-mata lang ba ako na parang kamukha niya si Aria Montemayor-Saavedra. Ah, siguro dahil matangos ang ilong nila, saka iyong itsura nila, parang hindi purong Pinoy. Ah, baka nga ganoon lang.
Ipinilig ko ang ulo ko saka ko siya hinila sa kamay. "'Lika nga, may ipapakita ako sa'yo." Sumunod naman siya sa akin.
Dali kaming pumasok sa isang mall at patakbong sumakay ng escalator. Aliw na aliw si Jumbo sa mga nakikita niya sa paligid. Nang makarating kami sa pinakamataas na floor ng gusali ay tumanaw kami sa malaking salamin na bintana. Dito namin abot tanaw ang isang malaking billboard na kahit malayo ay para bang nasa harapan lang namin. Naroon ang isa pang picture ng Montemayor Cruise. Nanlaki ang mga mata ni Jumbo nang makita niya iyon ng buong-buo.
Binasa ko ang nakasulat na tagline sa ibaba ng poster. "Montemayor Cruise, the cruise of lost and found love..."
"Jumbo..."
"Ang sabi nila, kapag nakasakay ka sa barkong iyan ay maari mo raw makita ang taong nakatadhana para sa iyo. Ewan ko kung totoo o gimik lang. Pero iyon ang usap-usapan. Iyong mga sumasakay kasi diyan, pagbaba, may lovelife na. Kapag naman couple ang sumakay, pagbaba, mas in love na in love na sila sa isat-isa. Kapag magkaaway naman, pagbaba, nagkakasundo na. Astig, 'no?"
Kahit hindi umaalis ang mga mata niya roon ay alam ko namang nakikinig siya sa akin.
Hindi ko maiwasang mapangiti. Ang cute niya pala kapag namamangha. "Gusto mo bang makasakay sa barkong iyan, Jumbo?"
BINABASA MO ANG
Babysitting the Billionaire
RomanceRosenda crosses path with a hot stranger who's suffering from some sort of mental illness yet seems to understand her pain and longing. She decides to take him in, babysit him, and eventually falls in love when him. She then finds out that he is wa...