PUMALING ANG ULO ni Jumbo habang nakatanaw kami sa malawak na dagat kung saan tanaw namin ang kabuuan nito mula sa aming kinatatayuan.
Dito, sa parkeng ito kung saan makailang beses ko syang tinangkang iwan. Dito rin sa lugar na ito kung saan ko sya noon binalikan. Dito kung saan nasagot ang marami kong katanungan. Dito, kung saan ang isip ko ngayon ay naguguluhan.
At mula sa papalubog na araw ay tumapon sa kabuuan ni Jumbo ang sinag nito. Pinagsawa ko ang mga mata ko sa kabuuhan niya. Naka semi-fitted syang V-neck T-shirt kung saan hubog ang kanyang malapad at matigas na dibdib at denim pants naman sa pang-ibaba.
Parang countdown. Habang umaandar ang oras, nauubos ang mga sandaling makakasama ko pa sya. Kapag tuluyang lumubog ang araw na ito ay alam kong mawawala na rin sya sa akin. Pakiramdam ko tuloy, ito na ang pinakamahabang araw ng buhay ko. Halos hilahin ko kasi ang oras pabalik mapabagal lang ito.
Bumaling sa akin si Jumbo at nangunot ang kanyang noo. "Jumbo?"
Nagtataka sya marahil kung bakit kanina pa ako malungkot. Hindi ko na kasi mabilang kung ilang malls ang pinuntahan namin kanina.
Hindi ko na maalala kung ilang restaurant ang kinainan namin nitong umaga. Hindi ko na rin maisaisip pa kung ilang oras kaming magkayakap sa kama. Basta ang alam ko lang, ito na ang huling araw na makakasama ko sya.
Ngumiti ako bago ko hawakan ang kanyang kamay. Hindi ko na sinubukang magsalita dahil pihadong pagluha ang kasunod nito. Sa kabila niyon, mukha naman syang nakuntento nang makita nya ang mga ngiti ko. At bago lumubog ang araw ay pinakatitigan ko sya dahil ito na ang huling beses na magagawa ko ito. Maraming linggo ko syang nakasama, pero ngayon ko lang napagtanto kung gaano kaswerte ang isang tulad ko nang makilala ko sya.
Hanggang sa unti-unti nang magdilim ang paligid. Unti-unti na ring nag-uulap ang aking paningin.
Hinila ko sya at nagpatianod naman sya sa akin. Iginiya ko sya paupo sa isang upuan na malapit sa amin. Nakakapagtakang nag-uumpisa pa lang ang gabi ngunit isa-isa nang nawawala ang mga tao. Tanging ang ilaw ng poste na lamang ang nagsisilbi naming ilaw at mga bituin sa kalangitan.
Tiningala nya ako mula sa kanyang kinauupuan habang nakatayo ako sa kanyang harapan. Ang aking mga mata ay nakapako sa kanyang likuran. Naroon kasi ang mga unipormadong lalaki na bumaba mula sa van. Tinanguan nila ako at pasimple ko rin silang tinanguan.
Napapiksi lang ako nang pisilin ni Jumbo ang aking palad na para bang ayaw na nyang bitawan. Paano kaya ako magpapaalam sa kanya? Paano ko iuutos sa kanya na sumama sya sa mga lalaking ito? Paano ko ipapaliwanag na tauhan sila ng Mommy nya? Paano ko sasabihin sa kanya na isasauli ko na sya?
Bumuga ako nang malalim na paghinga. Pinipigilan ko pa rin ang mga luha ko dahil ayaw kong mahalata nya ako. Pagkuwan ay bumitaw ako sa kamay nya at hinagkan ko sya sa noo. Bumulong ako sa punong-tainga nya.
"J-Jumbo, dito ka lang..." Tinatagan ko ang aking loob. "D-dito ka lang, babalik ako..." pagkasabi ko'y marahan akong umatras habang nakaharap sa kanya. Kitang-kita ko kung paano dahan-dahang nagbago ang kanyang mukha.
Akma syang tatayo at hahabol sa akin nang pigilan ko sya.
"J-jumbo, dyan ka lang. B-babalikan kita, dyan ka lang..." pumiyok na ako. Paatras akong lumalakad palayo sa kanya kahit nanginginig ang mga tuhod ko.
BINABASA MO ANG
Babysitting the Billionaire
RomanceRosenda crosses path with a hot stranger who's suffering from some sort of mental illness yet seems to understand her pain and longing. She decides to take him in, babysit him, and eventually falls in love when him. She then finds out that he is wa...