UNANG BAHAGI.
KABANATA I: Mandirigma
ANG KALIKASAN at ang dalisay na takbo ng sansinukob ay nagpapatuloy nang tila walang hangganan --- ang papalubog na araw, ang maingay na hampas ng alon sa mabatong dalampasigan, at ang malamig na hanging nagpapasayaw sa mga puno at halaman. Gayundin ang maliit na katawan ng isang anim na taong gulang na batang lalaki na nakasabit sa isang puno. Nakasampay ang mga binti niya sa malaking sanga habang nag-aangat-baba ang nakatiwarik na katawan.
"I–Isandaan at isa... I–Isandaan at dalawa... I–Isandaan at tatlo...."
Nagbibilang ang bata kasabay ng parang ulan na pagpatak ng kaniyang pawis sa lupa. Mabigat ang paghinga at nanginginig na ang kaniyang murang katawan. Subalit sa kabila nito ay mababakas sa mukha niya ang nakaaaliw na determinasyon. Sa hitsura niya ay kanina pa siyang nagsasanay at tila walang balak na huminto. Ngunit makaraan pa ang ilang pagbibilang ay tuluyan nang nahinto ang bata ng isang tinig.
"Ino'og! Husto na iyan, tayo ay uuwi na at malapit nang magdilim," ang bungad na salita ng isang lalaking nasa 30–35 na taong gulang.
Gaya ng sa bata, karaniwang bahag lang ang suot ng lalaki. Kayumanggi, nakatali ang mahabang buhok, at may sukbit na mahabang tabak sa kanang tagiliran nito. Isang matipuno at hindi tulad ng batang nagsisimula pa lamang sumibol, makikita sa itsura ng lalaki na hubog ito sa labanan.
Sandali lang namang natigil ang batang nagngagalang Ino'og at muling nagpatuloy sa ginagawang pagsasanay. Saka nahihirapang nagsalita, "n–ngunit may ilang sandali pa naman po bago dumilim. M–Makagagawa pa ako ng ilang bilang. H–Hindi ko po n-nais na magsayang ng p-panahon..."
"Bumaba ka na, pakiusap," may bigat nang utos ng lalaking walang iba kundi ang ama ng bata.
Ang malamig na hanging galing sa karagatan ay nagpapasayaw sa kanilang mga buhok. Lalo na sa ama ng bata na matikas na nakatayo. Seryoso ang kaniyang mukha ngunit sa kalooban niya ay wala siyang magawa. Masunurin at mabuting bata naman kasi ang anak niya. Pero pagdating sa mga ginagawang pagsasanay ay talagang nagiging matigas na ang ulo nito. Ang pangalan niya ay Anglon Kalipay, sa lakas niya, at sa maliit na islang kinaroroonan nila --- ay maituturing siyang isang mahusay na mandirigma. Lahat sa kanilang munting lugar, pati na ang kanilang pinuno ay nirerespeto siya. Ang mga kabataan ay hinahangaan siya at nais na tuluran. Hindi liban dito ang anak niya kaya ganito ito kapuspos sa pagsasanay.
Samantala, dahil sa pag-iiba ng tono ng kaniyang ama ay tuluyan nang huminto si Ino'og at maingat na lumundag mula sa puno. Nililipad ng hangin ang maiksi at magulo niyang buhok habang ang kaniyang pawis naman ay kumikislap dulot ng kahel ng papalubog na araw.
"Patawad po, ama." Nakayuko at nahihiyang paglapit niya sa ama.
"Batid mo bang sa ginagawa mo ay hindi lang lubhang napapagod ang iyong katawan? Sa halip na pinapatibay ito, ay maaaring kang mapinsala ng pangmatagalan. May mga angkop na pagsasanay sa mga batang katulad mo, Ino'og," sermon naman ni Anglon na bagamat ma-awtoridad ang boses, sa loob-loob niya ay lubos siyang namamangha sa anak. Para sa isang batang anim na taong gulang, hindi tamang hinihingal lang ito pagkatapos ng halos maghapong pagpapahirap sa katawan.
"Patawad po ulit, ama. Naisip ko lang po kasi na kapag ganito ang aking gagawin, mabilis akong magiging malakas na mandirigmang katulad ninyo. At maaga po akong makatutulong sa pangangalaga sa ating isla," nakayuko pa ring tugon ni Ino'og.
Napabuntong-hininga na lamang si Anglon sa katwiran ng anak. Matagal niya nang nauunawaan ito. Matagal niya nang nakita kay Ino'og ang matinding pagnanais na maging isang mandirigma at sumabak sa mga gawaing may kinalaman dito --- sa madaling salita, sa mundo sa labas ng kanilang isla.
BINABASA MO ANG
Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)
RandomProgression Fantasy (Cultivation) novel na pinoy ang dating! Nakabase sa pinaghalo-halong Philippine Mythologies at Philippines precolonial cultures. Genre: Fantasy, Adventure, Action, Drama -Third-Person POV -Male Lead -Filipino Novel Story Descrip...