KABANATA 4

143 29 3
                                    


KABANATA IV: Panlipunang-uri

HINDI PA rin makapaniwala si Ino'og sa mga ikinuwento nina Itoy at Timul sa kanya. Si Timul ay kasama rin ni Itoy na nagkakalkal ng basura --- dalawa ang mga ito na dapat ay kasama nina Ka Likug at Amal. Dapat ay nakauwi na ang apat sa Kawawaynan!

Ayon sa sumbong ng dalawa, may sadyang sumira sa kanilang bangka at nang subukang magtanong ni Amal kung sinong walang pusong gumawa niyon ay nagalit ang napagtanungan at agad na ipinahuli si Amal gayundin si Likug. Isang maharlikang lulan ng malaki at magarang bangka ang napagtanungan at isang kalapastanganan daw na pagbintangan ito!

"Nagtanong lang ang Kaka, hindi ba?" pagtitiyak na tanong ni Ino'og.

Umiiyak na tumango si Itoy.

"Akala niya ay pinagbibintangan siya nina Ka Amal. Ilang beses nagpaliwanag at humingi ng tawad ang mga Kaka ngunit hindi sila pinakinggan," naiiyak din na sumbong ni Timul.

"Sino ang humuli sa kanila?" tanong ni Kilu. Hindi na nakatiis si Kilu na sumingit sa usapan ng mga kawawang kapwa bata. Isa pa ay kaibigan niya na si Ino'og kaya nais niyang makatulong.

"Ang mga bantay po ng pantalan," magalang na sagot ni Timul dahil alam niyang isang anak-maharlika ang kasama ni Ino'og. Kapwa nga sila nagulat ni Itoy nang makita si Ino'og sa magandang kasuotan. Hindi nila ito agad nakilala kanina.

"Kung gano'n baka nasa himpilan sila ng Bantay-Dagat," ani Kilu.

"Magtutungo ako roon ngayon!"

"Ano? Sandali lang!" agad na pagpigil ni Kilu kay Ino'og. "Alam mo ba kung nasaan ang himpilan ng Bantay-Dagat?"

"Oo nga pala. Maaari mo bang ituro sa akin?" Muntik nang malimutan iyon ni Ino'og, kasalukuyan kasing puro galit ang nasa utak niya. Pakiramdam niya ay isang kasalanan na nasa magandang kalagayan siya habang mahigit isang linggo nang nakakulong sina Ka Likug at mistulan namang mga daga sa lansangan sina Itoy at Timul.

"Ngunit hindi ko rin alam," iling ni Kilu. "Ang alam ko lang, wala sa loob ng barangay ang himpilan nila."

"Kung gano'n magtatanong na lang ako, mahahanap ko rin iyon kahit abutan pa ako ng gabi!" mariing sabi ni Ino'og.

"Tapos ano namang gagawin mo? Sa pagkakaalam ko rin, kahit mga mandirigma ng Mahal na Datu ang mga bantay ng pantalan, ang totoo talaga nilang pinaglilingkuran ay ang Mahal na Lakan! Ang Bantay-Dagat na narito ay isa lamang maliit na sangay ng Hukbong Dagat ng lalawigan. Matataas ang tingin nila sa sarili at hindi ka nila bibigyan ng pansin. Baka ikapahamak mo pa ang gagawin mo!"

"Anong dapat kong gawin? Hindi maaaring wala!" Naiintindihan ni Ino'og ang ibig sabihin ni Kilu ngunit hindi maaaring tumunganga lang siya at hayaan ang apat na kanayon na hindi makauwi. Mahigit isang linggo na, tiyak nag-aalala na rin ang mga taga-Kawawaynan na hindi pa nakauuwi sina Ka Likug.

"Si Ingkong, baka makatulong siya." Biglang naisip ni Kilu sabay nagpalinga-linga sa paligid.

Nang walang makita ay sumigaw si Kilu na ikinagulat nina Ino'og.

"Ingkong!! Kailangan ko ng tulong!!"

Nagpalingon-lingon na rin sa paligid sina Ino'og at hinagilap ang tinatawag ni Kilu. Ilang sandali silang naghintay ngunit walang nagpakita sa kanila.

Kaya muling sumigaw si Kilu, "Ingkong, alam kong nagtatago ka lang kaya lumabas ka na!!"

Wala pa ring sinuman na lumalabas o lumalapit sa kanila. Maliban sa mga taong dumadaan na napapalingon dahil sa mga sigaw ni Kilu.

"Ingkong!! Nag-iisa akong anak ni ama kaya hindi niya ako hahayaang gumala nang walang bantay! Batid kong nasa malapit ka lang, pakiusap!!"

"Batang Ginoo, bakit kasama mo ang mga batang ito?"

Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon