KABANATA XXIII: Ang Pinuno ng mga Tulisan
"AHAS KA talagang buhong ka!" Tarantang napahiyaw si Piling kasabay ng mabilis niyang pagharap upang salubungin ang pag-atake ng lalaki. Ang kamay nitong may hawak na maliit na panusok ay agad niyang nahawakan sa huling sandali. Ngunit nahagip pa rin nito at natusok ang kaniyang palad. Sa sobrang hapdi niyon ay nangitngit niya ang kaniyang mga ngipin.
Agad na itinaas ni Piling ang libreng kamay at pinuntirya iyon sa mukha ng lalaking manggagaway. Subalit bago pa dumapo ang kamao niya ay mabilis na nagamit na panangga ng lalaki ang isa rin nitong libreng kamay.
Nagulat pa si Piling nang maramdaman ang lakas ng braso ng lalaki.
"Nakatapak ka na sa Ikalawang Yugto?" gulat na tanong ni Piling.
"Mamamatay ka na rin tanda, kaya hindi mo na kailangan malaman!" sagot naman ng lalaking manggagaway.
Napangisi si Piling at bigla niyang tinadyakan ang lalaki na ikinatilapon nito sa kabilang gilid ng kuwarto. Bumangga ang likod nito sa mabatong dingding.
"Katatapak mo pa lang sa Ikalawang Yugto ngunit may hangin ka na para magyabang!" pang-uuyam ni Piling. "Tiyak nasa pang-unang baitang ka pa lang! Mahina pa rin kumpara sa akin na nasa pangatlong baitang na!"
"M–Mamamatay ka na tanda!" hiyaw ng lalaki na tila hindi narinig ang mga sinabi ni Piling. Hirap itong tumayo matapos sumadsad ang likod sa matutulis na mga bato.
Magsasalita pa sana ulit si Piling ngunit natigilan siya nang biglang tila bumigat ang kanang kamay niya. Nang tingnan niya ito ay namamaga na ang bahagi kung saan tumusok ang karayom ng lalaki. Wala na siyang maramdamang sakit dito bagkus ay lubha itong namamanhid.
Mayamaya pa ay nagulat na lang si Piling nang bumagsak ang kamay niya at lumaylay na parang nawalan ng buto.
Hindi niya na ito maramdaman. Nawalan na siya ng kontrol sa kamay niya!
"A–Anong ginawa mo sa kamay ko?" namumutlang tanong ni Piling sa lalaking manggagaway.
Napahalakhak naman ng tipid ang lalaki bago tumayo nang tuwid. At saka sumagot, "Huwag kang mag-alala, tanda. Hindi mo ikamamatay agad ang lason mula sa aking panusok. Ngunit mayroon ka na lang ilang minuto upang gumalaw at makapagsalita. At sa oras na kumalat ang aking lason sa buong katawan mo, ang natitira mong huling mga araw ay tatamasahin mo na lang habang nakaratay sa higaan! Mamamatay ka na tanda!"
"Isa kang maligno! Buhong ka! Bakit mo ginagawa sa akin ito!?" sunod-sunod na hiyaw ni Piling at mabilis niyang sinugod ang lalaki.
Madaling umiwas ito.
Naging sagabal na kay Piling ang mabigat na kamay na umabot na ang manhid hanggang sa bisig at balikat niya.
Makalipas pa ang ilang minuto ay hindi niya na nagawa pang makalapit sa lalaking manggagaway. Puro iwas lang ito hanggang sa tuluyang hindi na siya nakahabol dito. Bumigat na ang kaniyang mga paa at paluhod siyang bumagsak sa matigas na lupa.
Bumigat na rin ang mga paghinga ni Piling at hindi niya na mapigilan ang pagtulo ng laway mula sa bibig niya. Umeepekto na ang lason sa loob ng kaniyang katawan.
"Bu...hong... b–bakit mo gi...nagawa sa akin i...to?" nahihirapang salita ni Piling dahil panaka-nakang tumitigas na rin ang kaniyang dila.
"Ibig mo bang sabihin ay bakit kita ginaway?" Napahalakhak ang lalaki. "Payak lang ang dahilan. Hindi ako maaaring magtiwala sa kahit na sino! Kung mas malakas lang sana ako ay hindi ko na pinatagal pa ang gaway na ibinigay ko sa iyo!"
"Buuuhong ka..." walang magawa si Piling kundi murahin na lang ang lalaki.
"Anong nangyayari rito?"
Isang lalaking alipin din at hindi nalalayo ang edad sa lalaking manggagaway ang biglang dumating sa kinaroroonan nina Piling. Napansin nito ang kaguluhan. Nasa loob sila ng yungib kaya kahit ang kaunting kaluskos ay magiging kapansin-pansin.
BINABASA MO ANG
Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)
RastgeleProgression Fantasy (Cultivation) novel na pinoy ang dating! Nakabase sa pinaghalo-halong Philippine Mythologies at Philippines precolonial cultures. Genre: Fantasy, Adventure, Action, Drama -Third-Person POV -Male Lead -Filipino Novel Story Descrip...