KABANATA XXII: Gaway
SA LAHAT ng lalawigan sa buong Ma-i, ang Samandaranan ang may pinakamaliit na kalupaan. At siyang pinakamaliit rin sa hanay ng malalaking isla sa Kapuluan ng Siyam na Lalawigan. Sa mata ng agilang lumilipad sa kaitaasan ng himpapawid, animo'y piraso ng payat na kahoy na lumulutang sa dagat ang anyo ng isla ng Samandaranan.
Sa mga anyong lupa na makikita rito, natatangi sa lahat ang Bundok ng Talandan. Isa itong mayabong na bundok na hitik sa kagubatan. Napakaganda nito at sa unang tingin ay masasabing napakapayapa. Subalit ang totoo ay pinakangingilagan ang bundok na ito sa buong Samandaranan. Ika nga, ang katahimikan ay hindi nangangahulugan ng kapayapaan.
Ang nangungunang dahilan kung bakit ito pinangingilagan ay dahil may naninirahan ditong grupo ng mga mapanganib na tulisan --- ang Pangkat ng Mababangis na Unggoy!
Masasabing ang buong Bundok ng Talandan ay kuta ng mga tulisang ito!
Samantala, sa ilalim ng malawak at sanga-sangang yungib, kasalukuyang nakapiit pa rin sina Ino'og, Kilu at Anaya. Wala silang kamalayan sa takbo ng panahon. Ang alam lang nila ay maraming oras na ang lumipas simula nang ikulong sila rito. Wala silang ibang magawa kundi ang umupo at sumandal sa mabatong sahig at dingding. Naghihintay sa kung ano ang susunod na mangyayari.
Magandang pagkakataon sana ito upang maglinang lalo pa at mas mayaman ang likas na gahum sa loob ng yungib kung ikukumpara sa labas. Pero kahit ilang beses nilang subukan ay hindi nila magawang makapagnilay. Marahil ay dahil ito sa hindi kaangkupang awra ng piitan. Tahimik nga pero hindi naman masasabing payapa. Sa Paglilinang --- na nangangahulugan ng pagsasanay, paglanghap ng gahum at pagdadalisay nito --- ay kinakailangan ng mandirigma ng mapayapang lugar para sa mapayapang kaisipan. Kailangan niyang ituon ang buong sarili sa ispiritwal na kalagayan. Mahalagang pangangailangan ito para sa mga mandirigma o manlilinang.
At mula rin ng makulong dito ay wala pang nagsasalita sa kanilang tatlo. Hindi magawang makapagbulungan man lang nina Ino'og at Kilu dahil pinipigilan sila ng presensiya ni Anaya. Nag-uumapaw ang inis at galit sa awra ng dalagita. Kaya wala sa dalawang binatilyo ang gustong gumawa ng ingay sa takot na baka maistorbo at mapagbalingan sila nito. Inunawa na lang din nila dahil lubhang dinadamdam ni Anaya ang pagkatalo nito mula sa mga tulisan.
Ngayon ay sumikat na naman ang panibagong araw sa labas na hindi batid ng tatlo. Magtatatlong-araw na silang nakakulong.
Sa mga sandaling ito sa unang pagkakataon ay may pumukaw sa katahimikan nila. Umaalingawngaw sa bahaging iyon ng yungib ang mumunting yabag na halatang galing sa isang tao, at sa pandinig nina Ino'og ay tila nahihirapan itong maglakad. Mayamaya pa ay nabatid nilang sa kanilang kulungan ang tungo nito.
Nang tuluyan itong tumapat sa labas ng bakal na pinto ay sunod nilang nakita sa butas sa ibaba ang dalawang kamay na naglusot ng pangnang puno ng mga prutas.
"Kumain na kayo, ito ang inyong pagkain para sa buong araw na ito," anang boses ng isang matandang lalaki.
Nagliwanag ang mukha ni Kilu nang makita ang mga prutas. Sabik niya itong hinablot at agad na namili ng makakain. Malinaw na gutom na gutom na sila. Simula nang makulong dito ay ngayon pa lang sila hinatdan ng pagkain. Kung hindi lang sila mga mandirigma ay malamang na nanghina na sila at nagkasakit. Kasuotan lang kasi ang itinira sa kanila at lahat lahat ng kanilang kagamitan ay kinuha ng mga tulisan.
Umalis na rin agad ang naghatid ng pagkain na hindi nila pinansin. Kumuha na rin si Ino'og ng isang prutas at kumain. Anumang susunod na mangyari ay kailangan pa rin nila ng lakas mula sa pagkain. Habang ngumunguya si Ino'og ay napansin niya ang malamig na mga mata ni Anaya na nanonood lang sa kanilang dalawa ni Kilu.
BINABASA MO ANG
Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)
De TodoProgression Fantasy (Cultivation) novel na pinoy ang dating! Nakabase sa pinaghalo-halong Philippine Mythologies at Philippines precolonial cultures. Genre: Fantasy, Adventure, Action, Drama -Third-Person POV -Male Lead -Filipino Novel Story Descrip...