IKALAWANG BAHAGI.
KABANATA XXVIII: Labanang Ino'og at Anaya
DALAWANG ARAW ang lumipas nang sa wakas ay nakatapak na rin sina Ino'og, Kilu at Anaya sa lalawigan ng Libdonglingin.
Pagkatapos sa Bundok ng Talandan ay wala nang naging balakid pa sa pag-alis nila ng Samandaranan. Hindi na rin sila dumaan pa sa Lunsaran ng Mandaran dahil mismong sina Kapitan Garung at dalawang mandirigma na ang naghatid sa kanila pa-deretso --- ibinaba sila sa dalampasigan kung saan una na silang nakatapak noon nang pumuslit sila tungo sa Libdonglingin sa kasagsagan ng kanilang Pagtatapos na Pagsasanay ng paaralan; ang pangyayaring iyon na nagpabago sa direksiyon ni Ino'og.
Sa gitna nga ng paglalayag ay nadaan nila at muling nakita ang kapuluan sa Dagat Lingin kung saan ginanap ang Pagtatapos na Pagsasanay. At nang makita ang pamilyar na pulo kung saan naiwang nakalibing ang kanayong si Guling, ay lalo lang umigting ang emosyong nararamdaman ni Ino'og. Kahit sa tanaw lang at sa isipan ay kinausap niya si Guling at humingi rito ng kapatawaran. Napagtanto niyang may katuturan ang lahat ng hinanakit nito na ibinulyaw sa kaniya --- isa siyang walang kuwentang kanayon. Wala siyang ibang inisip kundi ang sarili niya at dahil sa katigasan ng kaniyang ulo, nadala niya ang kapahamakang dapat ay sa kaniya lang tungo sa lahat ng kaniyang kanayon. Siya lang ang dapat na napaslang ng mga aswang at hindi ang mga inosenteng kanayon.
Gayumpaman, ang mahalaga ngayon ay nakatapak na siya sa Ikatlong Yugto at nakarating na rin sa Libdonglingin... naka-isang hakbang na siya tungo sa kaniyang layunin!
Lalo na siyang nangangati na makapaghiganti sa mga aswang!
"Kung wasto ang iyong hinala na hindi tao ang Kabro na iyan, hindi tayo maaaring magtanong na binabanggit ang kaniyang pangalan," malamig na komento ni Anaya.
Ang kulay kahel na araw ay malapit nang dumampi sa karagatan, at ang umiimbay na mga ibon ay papauwi na sa kani-kanilang mga pugad. Ang huling sinag ng araw para sa araw na ito ay nagpapakislap na rin sa dagat at maputing dalampasigan na kinaroroonan nina Ino'og.
Kasalukuyan silang nakatayong tatlo palibot sa isa't isa dahil masinsinan nilang pinag-uusapan muna kung ano ang gagawin nila sa Libdonglingin. Ang plano, humanap ng impormasyon tungkol sa Biringan at kung sakali sa nagngangalang Kabro.
"Oo at naisip ko na iyan," sagot ni Ino'og kay Anaya, "saka ganoon din kung magtatanong tayo tungkol sa Biringan o kahit na ano'ng may kinalaman sa mga hindi'kanato. Itinuturing na masama ang pagbanggit, lalo na ang pakikipag-ugnayan sa kanila. Subalit iyon ay kung sa harap ng maraming tao o sa maling tao tayo magtatanong."
"Ano'ng ibig mong sabihin, Ino?" sabat ni Kilu, "Kanino tayo magtatanong? May kakilala ka ba rito?"
"Ano'ng binabalak mo?" salubong ang kilay naman na tanong ni Anaya.
Tila patalim ang boses ng dalagita na talaga namang matitigilan at mapipilitang magrason ang sinumang kinakausap nito. Subalit hindi na ganito para kay Ino'og, nabawasan na nang malaki ang takot niya sa dalagita simula nang makatapak siya sa Ikatlong Yugto.
"Papasok pa rin tayo ng Puwang'bwak," sagot ni Ino'og. "Subalit dadaan lang tayo at magmamasid. Ganito rin ang gagawin natin sa iba pang mga barangay o kahit lungsod na madaraan natin. Itinuro sa atin sa paaralan ang pag-iral ng mga Bawal na Pamilihan, hindi ba? Mahalagang makatagpo tayo ng isa nu'n dahil tiyak ako na sa kanila tayo ligtas na makahahanap ng impormasyon.
"Isa pang pagpipilian natin, ay sa mga liblib na nayon. Halos lahat ng mga nakatatanda ay naabutan pa ang panahon na mapayapang namumuhay ang mga hindi'kanato kasama ng mga tao, may mga alam sila at hindi basta bastang mawawala sa buka ng kanilang bibig ang mga kuwento tungkol sa mga hindi'kanato. Tulad ng aking ama na palagi akong kinukuwentuhan noon. Kaya maaari tayong magtanong sa mga liblib na nayon. Hindi ko ito ginawa nang nasa Samandaranan tayo dahil upang mas maging ligtas lang.
BINABASA MO ANG
Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)
AcakProgression Fantasy (Cultivation) novel na pinoy ang dating! Nakabase sa pinaghalo-halong Philippine Mythologies at Philippines precolonial cultures. Genre: Fantasy, Adventure, Action, Drama -Third-Person POV -Male Lead -Filipino Novel Story Descrip...