KABANATA X: Pagtatapos na Pagsasanay (1)ISA SA paboritong lugar ng lahat sa loob ng Malaking Paaralan ng Pulangtubig ay ang Bilog ng Patimpalak. Isa itong napakalaking plasa na makikita mismo sa pinakagitna ng paaralan. May lawak itong ilang daang metro kuwadrado at sa sentro nito ay makikita ang isang malaki at pabilog na palapag, isang intablado. Dito ginaganap ang mga pagsasanay sa labanan at pagsusukatan ng lakas ng bawat mag-aaral.
Kailanman ay hindi nagkaroon ng magandang tagpo rito si Ino'og dahil pakiwari niya ay naglalaro lamang sila. Para sa binatilyo, sa sampung taon niya sa paaralan, ang pinakamagandang naging laban niya lang ay noong nakasagupa niya si Gangun nang bihagin nito ang mga nakababatang kanayon niya.
Subalit sa araw na ito ay may malaking kaganapan sa Bilog ng Patimpalak. Maayos na nakahanay sa plasa ang humigit-kumulang isandaang mag-aaral na nahahati sa limang grupo. Nagkalat naman malapit sa intablado ang mga tagapagturo at kawani ng paaralan. Agaw-pansin sa lahat ang mismong intablado na napupuno ng mga palamuti. May tatlong magagandang upuan dito kung saan mas malaki at magarbo ang nasa gitna. Tanda na isang napakahalagang tao ang uupo rito mayamaya.
Sa ayos ng Bilog ng Patimpalak ay agad na malalamang hindi isang labanan ang mangyayari sa araw na ito.
Kundi ang nakatakdang araw ng pagbubukas ng Pagtatapos na Pagsasanay!
At habang lumilipas ang mga sandali ay unti-unting dumarami ang dumarating na mga kawani at tagapagturo sa lugar. Sa harap mismo ng mga nakahanay na mag-aaral ay tumatambak ang maraming mandirigma. Hindi naman nila ito ipinagtataka dahil batid ng lahat na sa araw na ito ay darating din ang isang mahalagang presensiya, kaya lahat ng kawani ng paaralan ay marapat lang na dumalo.
Ngunit habang naghihintay at nagmamasid ang karamihan, ang grupo ng mga mag-aaral na nakahanay sa kaliwang pinakagilid ay abala sa pagbubulungan tungkol sa hindi nila matanggap na bagay.
"Akin na siyang pinagbantaan! Talagang hindi siya umatras sa pagiging pinuno natin! Ang lakas ng loob niya!"
"Nagagalak sa kaniya si Ginoong Lahun, kaya nangyayari ito!"
"Kahit sa panaginip ay hindi ko talaga matanggap, isang timawa ang mamumuno sa atin!"
"Mangmang! Nasa rurok na rin siya ng Ikalawang Yugto kaya halos hindi na siya timawa! Gayumpaman, sana si Ginoong Gangun na lang ang ating naging pinuno at hindi ang tulad niya!"
"Ngunit sa tingin ko ay talagang malakas naman siya."
"Kinakampihan mo ang isang hampaslupa?"
Ang bulungang ito ay malinaw na naririnig ng nakatalikod na binatilyong nasa harapan lang ng grupo. Walang iba kundi si Ino'og. Kahit nakatalikod ay dama niya ang pagkadisgusto ng dalawampu't tatlong kapwa mag-aaral na kaniyang pamumunuan. Lalo na ang mga nagmula sa maharlikang angkan na sa umpisa pa lang ay pulos masasamang tingin na ang ibinabato sa kaniya. Mabuti na lang at wala sa mga ito ang may kasanayan sa pag-atake gamit ang masamang tingin, dahil kung ganoon man ay matagal na siyang bumulagta sa damuhan.
Tulad ng mga nakaraang pangyayari ay hindi niya na lang pinapansin ang mga bulungan. Sa halip, sa loob-loob niya ay napapangisi pa tuloy si Ino'og.
Noong nakaraan linggo lang nang pinulong sila ni Lahun at hinati ang lahat ng Magtatapos sa limang grupo. Maraming patakaran at tagubilin ang ipinaliwanag sa kanila at isa na roon ang mahigpit na pagsunod ng mga miyembro sa respetadong pinuno ng kanilang grupo. Hangga't hindi nila ikapapahamak at hindi isang paglabag ang nais ng pinuno ay kailangan nilang sundin ito. At ang hindi pagtalima ay nangangahulugan ng agarang pagbagsak sa Pagtatapos na Pagsasanay.
Ito ang lubos na ikinatutuwa ni Ino'og. Kahit pa ilang bundok ng masasamang salita at tingin ang ibato sa kaniya ng kaniyang mga kasapi, sa huli ay wala pa ring magagawa ang mga ito kundi sumunod sa kaniya at sa mga sasabihin niya. At sisiguraduhin niyang masusulit iyon!
BINABASA MO ANG
Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)
RandomProgression Fantasy (Cultivation) novel na pinoy ang dating! Nakabase sa pinaghalo-halong Philippine Mythologies at Philippines precolonial cultures. Genre: Fantasy, Adventure, Action, Drama -Third-Person POV -Male Lead -Filipino Novel Story Descrip...