KABANATA 32: Diwa at Ang Pinagdaraanan (1)
HABANG malakas na umuulan sa labas, hindi pa rin gumalaw sa puwesto niya si Ino'og. Nanatili siyang nakapikit at nakakrus ang mga paa. Pagkatapos niyang pag-isipan ang napanood na eksena mula sa tansong-tinggalan ay paulit-ulit niya pa itong pinanood; pinag-aralan niya ang mga detalye na maaring makatulong sa kaniya sa hinaharap.
Hanggang sa lumipas pa ang ilang oras. Hindi alam ni Ino'og kung dahil ba sa napagod na ang kaniyang utak ngunit bigla na namang umatake ang pananakit na akala niya'y hindi niya na mararamdaman pa.
Ang pinsalang idinulot ng bilog na gintong liwanag na iyon noong inatake siya nito, umaga pagkatapos ng pagkawasak ng Kawawaynan. Naramdaman na naman ni Ino'og ang ibayong sakit sa kaniyang ulo.
Subalit habang iniinda ito, hindi siya nakadama ng takot. Sa halip ay nasabik siya --- dahil hindi gaya noon, nasa Ikatlong Yugto na siya ngayon. Madali na para sa kaniya na labanan ang sakit na ito lalo pa at unti-unti niya nang ginagamot ang mga punit sa mga saluysoy.
Agad niyang binisita muli ang bughaw na lugar. Pinadaloy niya ang kaniyang gahum at muli ay pinagaling niya nang paunti-unti ang mga napinsalang bughaw na saluysoy. Mabagal pa rin ang mistulang pagtatahi niya sa mga napunit na hibla nito, bagama't mas mabilis na kumpara noong huli niyang ginawa nang nasa Ikalawang Yugto pa lamang siya.
Nasa gitna ng pagpapagaling ang binatilyo nang biglang yumanig ang buong bughaw na lugar na iyon. Pagkaraan ay marahas itong gumuho na parang pinasabog na bundok. Hindi na nakapagpakita pa ng gulat si Ino'og dahil nakaramdam siya ng matinding hilo. Pero saglit lang kasunod nito ay binalot siya ng napakagaang pakiramdam na tila siya ay nasa alapaap. Hindi lumisan ang kamalayan ni Ino'og sa lugar na iyon at idinuyan siya sa isang malalim na pagninilay.
Noong inatake siya ng bilog na gintong liwanag, binalot ang buong kamalayan niya ng matinding sakit at pagkatakot kaya hindi niya nakita ang paglaro noon ng mga imahe. Ngunit iba na ang kondisyon ngayon. Nasilip ni Ino'og ang laman ng ilang hibla ng kumikislap na saluysoy.
Mukha ng isang magandang babae na humihimas sa bagay na nakaharang sa paningin ni Ino'og...
Isang matikas na lalaking kinakausap at nilalaro si Ino'og sa harang na iyon...
Ang ama niyang si Anglon na tinuturuan siyang lumangoy sa dagat noong dalawang taong pa lang siya...
Silang dalawa ni Kilu na nagtatawanan habang nanghuhuli ng mga Alamid Gabi...
Ang mga nagpakita ay hindi lang basta mga alaala kundi pati mga emosyon. "Kailangan ko itong bitawan?" sambit ni Ino'og sa kaniyang kamalayan dahil sa nagtutulak sa kaniya na ganoon ang gawin. Isa itong kabatiran.
Ang mga bagay na makamundo ay dapat lisanin kung nagnanais ang isang umangat tungo sa mas mataas na antas ng pag-iral.
Ang pinaka-sagradong tunton ng sansinukob.
Ang karaniwang nilalang ay pinapananggalangan ng tunton na ito. Subalit humihina ang kapit ng tunton sa panahong landasin ng isa ang pagsuway.
Biglang nalunod si Ino'og sa karagatan ng bughaw na saluysoy. Habang nangyayari ito ay pinanood niya ang dahan-dahang muling pagkabuo ng bughaw na lugar.
Ngunit nagkaroon na ng malaking pagbabago rito.
Ang dating matingkad na mga saluysoy ay naging mapusyaw at matamlay. Pakiramdam ni Ino'og ay hubad siya, walang kalaban-laban at bukas sa panganib.
Sa pagkukusa niya at likas na pagiging maingat, gumalaw ang mga saluysoy. Nagpormang parang isang planeta ang bughaw na lugar at sa bawat hangganan nito --- ang sirkumperensiya ay naging solidong bughaw. Naging tila pader na binabakuran ang mahinang loob.
BINABASA MO ANG
Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)
De TodoProgression Fantasy (Cultivation) novel na pinoy ang dating! Nakabase sa pinaghalo-halong Philippine Mythologies at Philippines precolonial cultures. Genre: Fantasy, Adventure, Action, Drama -Third-Person POV -Male Lead -Filipino Novel Story Descrip...