KABANATA 13

115 29 2
                                    


KABANATA XIII: Pagtatapos na Pagsasanay (4)

SABAY NA napatingala sa langit sina Ino'og at Kilu nang dumaan ang isang kamangha-manghang sasakyang panghimpapawid.

Isang Sasakyang Salimbay!

Isang lumilipad na barko.

Sa isang saglit ay buong natakpan nito ang himpapawid sa ibabaw ng balangay na lulan sina Ino'og at Kilu. Mabilis ang lipad nito at hinahawi ang hangin patungo sa direksiyon ng Lungsod ng Mandaran.

Makalipas lang ang ilang segundo ay lumiit na ito sa paningin ng dalawa. Ngunit ang namimilog na mga mata ay hindi pa rin nawala sa ekspresyon ng magkaibigan. Mahahalatang ito ang unang beses na nakakita sila ng isang Sasakyang Salimbay.

"Marahil ay lulan noon ang mahal na Lakan, siya lang ang may Sasakyang Salimbay sa ating lalawigan!" Si Kilu ang unang nakabawi, namamangha.

"Iyon ang Sasakyang Salimbal?" tanong naman ni Ino'og, hindi sa kaibigan kundi sa hangin. "Mas nakaaakit pa ito kumpara sa aking nakita sa mga larawan sa paaralan!"

Siyempre ay pareho lang ang dalawa na sa mga kwento at larawan lang nagkaroon ng kaalaman tungkol sa Sasakyang Salimbay. Ang lumilipad na barko ay isang kayamanan na tanging mga makapangyarihan at ubod ng yaman lang ang nagkakaroon. Sinasabing bumibilang ng dekada upang makalikha ng isang ganito ang pinagsamang kaalaman ng magagaling na panday at maninitik. Dito pa lang ay masasabi nang napakamahal nito. At upang mapaandar ay nangangailangan pa ito ng libo-libong batong-gahum! Kaya walang duda na tanging ang Lakan lamang ang mayroon nito sa Samandaranan.

Kapwa hindi pa rin inaalis ng magkaibigan ang tingin sa maliit na pigura ng barko na sa tingin nila ay huminto na sa paglipad at nakalutang na lang sa ibabaw ng lungsod. Hanggang sa napapitlag ang dalawa nang may magsalita sa likuran nila.

"Bakit hindi pa kayo nagpapahinga?" boses ni Lahun. "Maniwala kayo at bukas hindi na kayo makapagpapahinga pa ng matiwasay."

Sabay na napalingon sina Ino'og at Kilu sa tagapagturo. Sa sinabi nito ay iba ang itinugon ni Kilu.

"Guro, nakita ninyo rin ba ang pagdaan ng Sasakyang Salimbay, hindi ba at sa mahal na Lakan iyon?!"

"Isa lamang iyong Sasakyang Salimbay ngunit lubha na kayong namangha? Hindi ninyo man lang ba napansin na mas nakamamangha itong sinasakyan natin ngayon?" may halong panenermon na sabi ni Lahun na ikinakunot-noo ng magkaibigan.

"Tingnan ninyo ang gilid ng balangay," utos ni Lahun.

Magkasabay na tumalima ang dalawa ngunit nang dumungaw sila ay wala naman silang ibang nakita sa gilid ng sasakyan kundi iyong nakahanay na mga malalaking gaod pa rin. Ang mga gaod na ito ay sabay-sabay na sumasalok sa dagat na siyang nagpapatakbo sa balangay.

"Tapos po, guro?" Si Kilu nang bumalik ang tingin nila kay Lahun. "Wala naman pong kakaiba sa mga gaod."

"Batid ninyo na ang balangay na ito ay hindi gumagamit ng kahit na anong Salamangka, hindi ba?" tanong ni Lahun. "Ngunit batid niyo rin bang ang mga gaod, sa loob ay pinapakilos ng mga karaniwang tao at hindi ng mga mandirigma?"

"!"

Si Ino'og ang mas nagulat sa narinig. Muli siyang dumungaw upang mapagmasdan ang mga gaod na iisa ang ritmo sa pagsagwan.

‘Sa sobrang bilis ng takbo namin, paanong mga timawa ang nagpapakilos nito?!’ hindi makapaniwala si Ino'og sa kaniyang isipan.

"Sa magkabilang gilid ng balangay na ito ay may tag-iisandaang gaod na bawat isa ay hawak ng tagdadalawang karaniwang tao. Ibig sabihin, sa kabuuan ay may apatnadaang tao rito --- nakamamanghang mga tao. Kahit hindi sila mga mandirigma, makikita ninyo mismo sa mga gaod, na tila ba nakabubuo sila ng isang Salamangka --- ang kanilang iisang indayog at iisang larawan --- ang pagsisikap na bumabalot sa kanilang mga katawan. Iyon ang nagpapatakbo sa ating sinasakyan na talagang nakamamangha. Ako ba ay nauunawaan ninyo?" patuloy ni Lahun.

Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon