KABANATA V: Si AnayaSUMAPIT ang maraming tag-ulan at tag-araw, mga bagyo at matitinding tag-init, pagtatanim at pag-aani, gayundin ang ilang mga piging at pagdiriwang. Mabilis na lumipas ang panahon sa paaralan at sa isang iglap, ang anim na taong gulang na batang si Ino'og ay nasa labing-isang taong gulang na.
"501, 502, 503, 504..."
Gaya ng ginagawa noon sa Kawawaynan, ay kasalukuyang nakalambitin patiwarik sa isang puno si Ino'og habang nag-aangat-baba ang katawan. Subalit hindi tulad noon na isa itong pagsasanay sa katawan para sa kaniya, ngayon ay ginagawa niya na lang itong paraan ng kaniyang pagninilay at maayos na paghinga.
Tanging ingay ng mga kulisap ang maririnig sa paligid. Ang mamasa-masang mga dahon at damo ay nagkikislapan sa matingkad na liwanag ng buwan. Hindi makatulog si Ino'og at sa ganitong paraan niya pinapayapa ang sarili.
Sa bawat bilang at paghinga ay pinakikiramdaman niya ang sariling katawan at ang kapaligiran.
Ang totoong nangyayari ay sobra na siyang nadidismaya sa takbo ng kaniyang pagsasanay.
Mahigit dalawang taon na ang nakararaan mula nang maabot niya ang pampitong baitang ng Unang Yugto ng kaniyang Paglilinang. Ngunit naipit siya rito at magpahanggang ngayon ay wala nang maramdamang kahit katiting na pag-unlad.
Bago ito ay maganda naman ang takbo ng kaniyang pagsasanay. Mabilis ang kaniyang naging pag-angat simula nang ibigay sa kanila ang aklat sa pagpapatibay ng katawan. Siya ang una sa klase na nakatapak sa pangalawang baitang ng Unang Yugto matapos lamang ang isang buwan. Siya ang una maliban sa dalawang nakatapak na bago pa nagsimula ang klase.
Tatlong buwan naman pagkatapos makatapak sa pangalawa ay tumulak siya sa pangatlong baitang. At panibagong tatlong buwan ulit bago sa pang-apat. Medyo natagalan lang siya ng halos isang taon sa pang-apat bago niya narating ang panlima. Isa itong natural na pangyayari dahil ang pang-apat patungo sa panlimang baitang ay tinatawag na gitnang bahagi ng isang Yugto. Sa bahaging ito madalas nakararanas ng kasikipan sa pag-angat ang isang manlilinang, maliban pa sa pagpasok sa panibagong yugto.
Narating naman agad niya ang pang-anim na baitang pagkatapos ng apat na buwang pagtuntong sa panlima. Sa panahong ito lubos na namangha si Ino'og dahil hindi lang tumibay at lumakas ang kaniyang katawan, malaki rin ang ipinagbago ng kanyang mga pandama.
Siyam na taong gulang siya nang makatuntong sa pampitong baitang at napamangha niya pa ang tagapagturong si Lahun dahil dito. Ngunit hindi niya inaasahang titigil na pala dito ang magandang takbo ng kaniyang pagpapalakas.
Sa kasalukuyan ay nananatili siya sa pampitong baitang. Dalawang taon na. Kaya naman may agam-agam siya na baka hindi na niya maaabot pa ang Ikalawang Yugto. Alam niyang sa bahaging ito rin nahinto noon ang ibang kanayon na nag-aral din sa paaralan noon. Pinapatalsik ng paaralan ang mga mag-aaral na hindi na nagkaroon ng pag-unlad sa mga itinakdang palugit.
Gayumpaman, kahit ganito ang nangyayari, ay hindi nawawalan ng tiwala sa sarili si Ino'og. Lalo pa at alam niyang pangkaraniwan lang ang kaniyang nararanasan ngayon. Nasa isang pangunahing kasikipan siya sa pagitan ng Unang Yugto at Ikalawang Yugto. Isa itong tila malaking pader na mahirap tibagin. Kung ipagpapatuloy niya lang ang mga nakagawiang masigasig na pagsasanay, may pag-asa pa ring magtagumpay siya at makatapak sa Ikalawang Yugto!
"601, 602, 603, 604...."
Patuloy lang si Ino'og sa pagbibilang habang pilit iniibsan ang kaniyang pagkadismaya. Kung makalalabas lang sana siya ngayon sa paaralan ay ginawa na niya.
May dalawang bagay na ginagawa si Ino'og na talagang nagpapakontento sa kanya. Una na ang pagsasanay at ang pangalawa ay ang gumala.
Ang maggagala ang tanging bagay na nagpapalimot sa kaniyang mga agam-agam. Sa nakalipas na panahon ay marami na siyang napuntahan kasama ang kaibigang si Kilu. Noong unang mga buwan niya sa paaralan ay nagawa na niyang malibot at katunayan ay kabisado niya na ang buong Pulangtubig. Ngunit dahil isang beses sa isang buwan lang sila pinahihintulutang lumabas ng paaralan, naging paulit-ulit na lang ang kanilang ginagawa at pinupuntahan ni Kilu. Maging ang balak niyang gumala sa mga kagubatan upang maghanap ng damong-gahum ay hindi nangyari noon.
BINABASA MO ANG
Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)
De TodoProgression Fantasy (Cultivation) novel na pinoy ang dating! Nakabase sa pinaghalo-halong Philippine Mythologies at Philippines precolonial cultures. Genre: Fantasy, Adventure, Action, Drama -Third-Person POV -Male Lead -Filipino Novel Story Descrip...