KABANATA VI: Maraming Bagay sa Paaralan
UNA.
Sa kanlurang sulok ng Malaking Paaralan ng Pulangtubig makikita ang Gusali ng Gabay at Pagtutuwid. Dito pinangangaralan at hinuhusgahan ang mga mag-aaral na lumalabag sa mga alituntunin ng paaralan. May mga silid dito na dinisenyo upang maging pansamantalang piitan.
Nasa isa sa mga silid ang batang si Ino'og na makikitang taimtim na nagninilay. Naka-krus ang kaniyang mga binti habang nakaupo sa gitna ng sahig.
Tatlong araw na ang nakararaan nang mahuli sila ng ilang kawani ng paraalan sa Gubat ng Pagsasanay. Pansamantalang nakapiit si Ino'og habang hinihintay ang kaparusahan na ipapataw sa kaniya. Sinamantala naman niya ang tatlong araw upang usisain ang nararamdaman niyang kakaiba sa kaniyang katawan. Nagsimula ito noong nakikipaglaban sila sa mga Baboy Halas; at ngayon ay pinipilit niyang unawain ang kakaibang ito.
Mabigat ang mga paghinga niya habang matamang pinakikiramdaman ang sarili at ang paligid.
Makaraan pa ang halos isang oras sa ganoong gawi, bigla na lang binalot ng kakaibang pakiramdam ang kabuuan niya. Kumintab ang balat sa buong katawan ni Ino'og habang lumalabas mula dito ang mga kulay itim na tila pawis na agad ding natutunaw sa hangin. Nakapikit siya kaya hindi niya ito nakikita pero nararamdaman niya ang ibayong kaginhawaan na dulot nito sa kaniyang katawan.
Nanatili pa ring nakapikit si Ino'og. Sa kaniyang kamalayan, may nakita siyang mga hibla ng tila liwanag na kasing-nipis lang ng buhok. Unti-unting dumaloy ang mga iyon sa loob ng mga sakong ng kaniyang dalawang paa. Hanggang sa tuluyan itong humalo sa kaniyang katawan.
Makalipas pa ang ilang sandali ay tuluyan nang napamulat si Ino'og. Tiningnan niya ang kaniyang mga palad bago ang ibang bahagi ng kaniyang katawan. Isang milyang ngiti ang ginuhit ng kaniyang labi.
Hindi makapaniwala si Ino'og.
Isang pagtatagumpay sa Paglilinang ang naranasan niya ngayon lang!
Nasa pang-unang baitang ng Ikalawang Yugto na siya!
"Maraming salamat!" hindi mapigilang sambit ni Ino'og. Parang nababaliw na siyang pinapasalamatan ang kaniyang sarili. "Akin nang nababatid sa wakas ang pag-iral ng gahum!"
Muli, huminga ng malalim si Ino'og at pilit kinalma ang sarili. Muli siyang umayos ng upo at itinuon ulit ang kamalayan sa kaloob-looban niya. Nakikita ni Ino'og ang maninipis na enerhiya sa maninipis na daluyan sa loob ng kaniyang katawan. Bukod sa loob ng kaniyang katawan ay nararamdaman niya din ang maaliwalas na enerhiyang nanggagaling sa labas na dumadampi sa kaniyang mga balat.
Sa pagtapak sa Ikalawang Yugto, ang isang manlilinang ay may kakayahan nang pakiramdaman ang pag-iral ng gahum na dumadaloy sa pagitan ng kaniyang sarili at sa kapaligiran. Dulot nito, nagkakaroon ang isa ng espesyal na kakayahan sa pandama na tinatawag na pandamang ispiritwal. At ang isang kahalagahan ng pandamang ispiritwal ay nagagamit ito upang makita ng isang manlilinang ang nangyayari sa loob ng sariling katawan o katawan ng iba --- sa pisikal man o ispiritwal na kalagayan. Wala pa ang kakayahang ito kapag nasa Unang Yugto pa lang ang isang mandirigmang-nagsasanay --- ito ang eksaktong dahilan kaya noon kailangan pa nina Ino'og na sumuntok sa malaking bato para lang makumpirma ang kanilang lakas noong unang araw nila sa paaralan.
Ngayon ay mayroon na siyang pandamang ispiritwal at nauunawaan na ni Ino'og kung ano ang gahum!
"Ino'og Kalipay ng Kawawaynan!"
Biglang napamulat si Ino'og at nakita niya ang isang bantay sa bungad ng pintuan. Hindi niya namalayang binuksan na pala ang nakapinid na pinto ng kinaroroonan niyang silid. Napabuntong-hininga na lang siya at tila bulang naglaho ang kasiyahan sa loob niya.
BINABASA MO ANG
Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)
RandomProgression Fantasy (Cultivation) novel na pinoy ang dating! Nakabase sa pinaghalo-halong Philippine Mythologies at Philippines precolonial cultures. Genre: Fantasy, Adventure, Action, Drama -Third-Person POV -Male Lead -Filipino Novel Story Descrip...