KABANATA 33: Diwa at Ang Pinagdaraanan (2)
MATAPOS ang hindi maipaliwanag na nangyari sa negosyanteng si Baligya ay hinarap na ni Punong-amang Kalipay'an ang kaniyang mga kaangkan. Pinayapa niya ang mga ito at ipinaliwanag na walang dapat alalahanin sa pangyayari. Tungkol man iyon sa trahedyang nangyari sa ilan nilang kaanak o tungkol kay Baligya.
Inihatid na nina Nunong Ligaya at Gangisi sa Bahay Pangalagaan ang sugatang si Nunong Halipay. Ang ibang mga nuno naman ay umalis na rin. Lalo na si Nunong Tuwaan na pinapakalma ang kapatid na si Nunong Lipay na nanggagalaiti pa rin dahil sa ginawa rito ng dalawang tanod ni Baligya.
Nanatili naman sa kinatatayuan si Punong-amang Kalipay'an. Bakas sa mukha ang malaking problema.
Halatang hinihintay siya ng punong-ama kaya lumapit na si Ino'og dito. "Punong-ama, maari ko po bang malaman kung ano ang nangyayari?"
Ang masyadong pagpapakababa ng punong-ama sa kabila ng walang habas na pambubulas ng isang timawa ay tanda na nasa hindi magandang estado ang mga Kalipay, na may pinagdaraanan ang angkan. Napagtanto ito ni Ino'og kaya nais niyang malaman ang nangyayari sa angkan. Ito naman talaga ang layunin niya sa pagdalaw rito --- ang alamin ang kalagayan ng pamilya ng kaniyang amang si Anglon.
Marahan namang yumukod ng paggalang na hindi mahahalata ng iba si Punong-amang Kalipay'an kay Ino'og. Pero nakita ito ni Kilu dahil nakasunod lang siya kay Ino'og. Nagulat si Kilu ngunit agad niya ring nauwaan na marahil ay isinawalat na ng kaibigan ang tunay nitong pagkatao sa punong-ama ng Kalipay. Pero wala iyon sa plano, ang sadya lang nila ay dumalaw bilang panauhin kaya gulat pa rin si Kilu.
Pagkaraan namang yumukod, sa halip na sumagot kay Ino'og ay sumipol si Punong-amang Kalipay'an. Ilang saglit lang ay nagkaroon ng malakas na bugso ng hangin sa himpapawid sa itaas nila. Dumilim ang malaking parteng iyon ng kinaroroonan nila na halatang natakpan ng isang malaking anino. Sakto nang mapatingala sina Ino'og at Kilu ay siyang pagbulusok ng pagkalaki-laking ibon. Halos mamuti ang mukha ng dalawa dahil parang babagsak ito sa kanila.
Pero ilang dipa bago tumama sa lupa ay naging banayad ang ibon. Marahan itong lumapag malapit sa likuran ni Punong-amang Kalipay'an at itinupi ang malalaking pakpak na tila kayang yumapos ng isang malaking bahay.
"Isang Dakong Langgam!" manghang sambit ni Ino'og. Nakilala niya ang ibong halimaw dahil ilang beses na rin siyang nakakita ng ganito noon. Isa itong halimaw na madalas ginagawang alaga at kagamitan sa transportasyon ng malalakas na mandirigma. Madali lang itong paamuhin. Ginagamit itong sasakyan dahil pagdating sa bilis ay hindi ito pahuhuli sa mga Sasakyang Salimbay.
Bukod sa makulay nitong tuka at mala-patalim na mga kuko, ay wala namang ibang kakaiba sa Dakong Langgam. Mistulan lang itong pinadambuhalang karaniwang ibon. Subalit bilang halimaw ay may lakas itong kapantay ng mandirigmang nasa Ikaapat na Yugto!
"Sumama ka sa'kin, pakiusap. May kailangan akong ipakita sa iyo," sabi ni Punong-amang Kalipay'an kay Ino'og.
Napatingin naman si Ino'og kay Kilu dahil bumaling din dito ang punong-ama. Saka pa lang naalala ni Ino'og na hindi pa pala niya napapakilala sina Kilu sa punong-ama. "Punong-ama, siya po pala si Kilu'ang Pasungkayo. Maaari n'yo po siyang tawaging Luang. Matalik ko siyang kaibigan at may alam siya sa lahat."
"Pasungkayo?" bulong ng punong-ama ngunit hindi na nag-usisa pa.
"Ang babae naman po naming kasama ay si Anaya Palid. Hindi pa namin siya masyadong kasundo kaya wala kaming masyadong alam sa kaniya, at ganoon din naman po siya sa amin," patuloy ni Ino'og na luminga pa sa paligid pero wala si Anaya.
"Ikinagagalak kitang makilala, Luang, kaanak-ni-Pasungkayo," bati ni Punong-amang Kalipay'an kay Kilu. "Maari kang sumama kung nais mo."
Pagkaraa'y lumapit na ang punong-ama sa alaga nitong Dakong Langgam.
BINABASA MO ANG
Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)
De TodoProgression Fantasy (Cultivation) novel na pinoy ang dating! Nakabase sa pinaghalo-halong Philippine Mythologies at Philippines precolonial cultures. Genre: Fantasy, Adventure, Action, Drama -Third-Person POV -Male Lead -Filipino Novel Story Descrip...