KABANATA 19

99 25 5
                                    

KABANATA XIX: Rebelasyon (2)

MABILIS na binagtas ni Ino'og ang daan patungo sa tanggapan ni Lahun. Maraming tumatakbo sa isipan niya at may mga hinala siyang nais na kumpirmahin. Sa tingin niya ay ang tagapagturo ang makasasagot sa kaniya. Napahinto si Ino'og nang maabutan siya ni Kilu.

"Ino, saan ka magtutungo?"

"Kilu..." Hinarap ni Ino'og ang kaibigan at bumuntong-hininga, "Maraming salamat sa pag-alala mo subalit hindi mo na ako kailangang bantayan. Magtutungo lang ako kay Ginoong Lahun dahil may mga nais akong itanong sa kaniya."

"Itatakwil mo na ako?" kunwang malungkot na tanong ni Kilu.

"Sumama ka kung nais mo, bahala ka," iling na tugon ni Ino'og at nagpatuloy na sa paglalakad.

Napangiti na lang si Kilu at agad na sumunod sa kaibigan.

Nang makarating ay hindi na nagpabatid si Ino'og at diretso na lang siya na pumasok sa tanggapan ni Lahun. "Ginoong Lahun, patawad po ngunit may mga nais lang akong itanong sa inyo," pagpapaumanhin niya nang magulat ang tagapagturo.

"Tungkol saan?" agad na tanong naman ni Lahun at hindi na pinansin ang inasal ng binatilyo.

"May alam po ba kayo tungkol sa kuwento ng mga aswang na lumipol sa dating Maghugsay ng Libdonglingin? Nakatitiyak po ako na kung totoo iyon ay marahil sila rin ang sumalakay sa aming Kawawaynan! Isa pa, noong nagtungo kami roon nina Kilu ay may nakita po akong bangkay ng tao roon na tiyak akong kinain ng aswang. Ibig pong sabihin ay may mga aswang pang naninirahan doon at malamang ay sinundan nila tayo rito sa pag-uwi natin!"

Nawala ang kunot sa noo ni Lahun at napailing sa mga sinabi ng binatilyo. "Ino'og... wala akong naramdamang sumusunod sa atin ng araw na iyon. At oo, totoong ang mga aswang ang lumipol sa mga Maghugsay. Hindi ito lingid sa mundo ng mga mandirigma. Subalit bihira itong pag-usapan dahil isang masamang salita ang pagbanggit sa mga aswang ayon sa patakaran ng Dibhataw. At sa tanong mo naman kung iisa lang ang sumira sa Kawawaynan at mga Maghugsay, hindi iyon malabo. Sapagkat talagang may ugnayan ang lahat ng mga aswang lalo na yaong mga nasa iisang lahi lang. Bukod pa roon, malapit lang ang Samandaranan sa Lidbonglingin kaya malamang ay iisang grupo lang talaga sila..."

"Tama si Guro, Ino," sabat ni Kilu. "Saka bakit naman nila tayo susundan? At bakit sa inyong maliit na nayon pa?"

"Sinabi sa akin dati ni ama na mapaghiganting nilalang ang mga aswang kahit na sa maliliit na bagay," sagot ni Ino'og. "Marahil ay hindi nila naibigan ang panghihimasok natin roon lalo na ako na nakita ang bangkay na iyon! At napili nila ang nayon namin dahil ito ang madaling wasakin!"

"Mukhang maraming alam tungkol sa mga aswang ang iyong ama," sabi ni Lahun. "Hindi ba at mas mainam kung sa kaniya ka magtatanong?"

Lalong sumeryoso ang mukha ni Ino'og at may dumagdag na naman sa iniisip niya. Tama ang sinabi ng tagapagturo. Kung may dapat siyang linawin tungkol sa mga aswang, sa kaniyang ama siya dapat na magtanong dahil saksi siya sa maraming kaalaman nito tungkol sa nasabing nilalang. Ngunit ang nagpadagdag sa kaniyang iniisip; naalala niya na noong araw na nasundan siya ng ama sa lupain ng mga Maghugsay, hindi lang galit, may nahalata siya sa hitsura nito nang mga oras na iyon; hindi komportable at para bang nasasakal ang kaniyang ama sa lugar na iyon.

Hindi nag-aksaya ng panahon si Ino'og at matapos makagpasalamat kay Lahun ay mabilis na siyang umalis.

...

"Kung tama ang iyong hinala, Ino, ibig sabihin kasalanan kong lahat ito," mahinang sabi ni Kilu habang naglalakad na sila pabalik sa angkan ng Pasungkayo. "Ako ang nagdala sa iyo roon..."

Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon