KABANATA XXI: Bundok ng Talandan
PANIRAHAN ng mga Pasungkayo.
Sa bahay na tinutuluyan ni Anglon ay kasama niya sina Tandang Ma'ayon at Lahun. Magkakaharap sila habang umiinom ng isang hindi pampiging na alak. Mataas na ang sakit ng araw at kanina lamang nang umalis sina Ino'og at Kilu sa Pulangtubig.
"Sa palagay ko ay mainam sanang nagpa-usad muna sila rito ng kanilang Paglinang," ani Lahun. "Nang sa gayon ay hindi sila gaanong mahihirapan sa kanilang paglalakbay."
"Batid mong aabutin pa iyon ng matagal, Lahun," sagot ni Tandang Ma'ayon. "Hindi tayo maaring magbakasakali. Hindi natin alam ang mga mangyayari."
Sumimsim naman ng alak si Lahun bago tumango na lang. Nag-aalala lang talaga siya sa padalus-dalos na pasya ng dalawang binatilyo, bagama't humahanga siya sa determinasyon ng mga ito. Lalo na sa determinasyon ng kaniyang itinuturing na pansariling mag-aaral. Itinuring niya nang pansariling mag-aaral si Kilu noon pang nasa ilalim ng pangangalaga niya ang tatlo (nina Ino'og, Kilu at Anaya) dahil sa naging limang taon na kaparusahan ng mga ito sa paaralan. Noon din kasi ay nakiusap sa kaniya ang ama nito na si Suban Pasungkayo na gabayan ang anak na malampasan ang dagok nito tungkol sa suliranin sa Paglilinang.
Nang nagdaang gabi ay talagang napahanga si Lahun nang igiit ni Kilu ang kahalagahan ng pakikipagsapalaran sa mundo ng Paglilinang. Kaya naman sinupurtahan niya ito at sa huli ay napapayag nila si Suban Pasungkayo na pahintulutan ang nais ng anak na maglakbay.
Ngayon ay kapwa sila umaasa ni Suban na sana ay maging ligtas at magtagumpay si Kilu sa hangaring susuungin nito.
"Lahun, ano ang iyong balita sa kabisera?" biglang tanong ni Tandang Ma'ayon.
Tumigil sa pagtungga niya ng alak si Lahun at sumagot, "Noong isang araw po ay may dumating na mga kinatawan mula sa Dibhataw at ipinagpaliwanag nila ang Mahal na Lakan tungkol sa pangyayari. Naging maiksing pagdalaw lang iyon. Bukas din ay aalis ang Lakan dahil ipinatawag naman siya sa Kabatngan. Talagang naging abala siya dahil sa pangyayari."
"Gaya ng inasahan," ani Tandang Ma'ayon.
"Pagkatapos, ano nang mangyayari?" sabat naman ni Anglon na nagkaroon na ng interes sa usapan dahil malaki ang kinalaman nito sa kaligtasan ni Ino'og.
"Walang gaanong mahalaga kaya huwag kang mag-alala," sagot ni Tandang Ma'ayon. "Malamang ay kailangan lang ng Dibhataw at Kabatngan ng payak na ulat upang mapayapa ang publiko mula sa kumalat na balita tungkol sa mga aswang. Hanggang doon lamang iyon sa ngayon."
"At tungkol nga pala roon," sabat naman ni Lahun. "Nakatakdang magbitiw si Datu Punsoy bilang Punong Tagapangasiwa ng paaralan. Napagalitan siya ng Mahal na Lakan na talagang mainit ang ulo sa kadahilanang nangyari ang paglusob ng mga aswang sa kasagsagan pa man din ng pagdiriwang ng paligsahan sa kabisera. At isa pa ay talagang kay Datu Punsoy ibinabaling ang lahat ng sisi dahil ang barangay ng Pulangtubig ang pinakamalapit sa Kawawaynan."
"Sa tingin ko ay may iba pang dahilan kaya siya magbibitiw," ani Tandang Ma'ayon. "Napansin ko kamakailan ang ginagawang pagpapalakas sa puwersa ng mga Bambato. Mukhang nakahanap sila ng malaking tao sa likod nila. Naamoy na ito marahil ni Punsoy kaya itutuon niya ang buong pansin sa pagpapalakas naman ng kaniyang angkan. Tuso rin sa kabilang banda ang matandang Bambato na iyon."
...
Samantala, habang nag-uusap ang tatlo, ay kasulukuyan nang narating nina Ino'og ang kasunod na barangay pagkatapos ng Pulangtubig. Gaya noong Pagtatapos na Pagsasanay, ay pa-kanluran ang paglalakbay nila.
Hindi pa rin makapaniwala ang dalawang binatilyo na kasama nila ngayon si Anaya. At ang himala pa ay paminsan-minsan na silang kinakausap nito. Malamig pa rin naman pero nabawasan na. Hindi naman sila nagtangkang magtanong kung ano ang dahilan ng pagsama nito sa kanila basta hinayaan na lang nila ang dalagita. Isa pa ay matagal na rin ang nagdaang panahon at unti-unti na nilang nauunawaang ang hilig ng dalagita ay halos walang pinagkaiba sa hilig nilang magkaibigan.
BINABASA MO ANG
Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)
DiversosProgression Fantasy (Cultivation) novel na pinoy ang dating! Nakabase sa pinaghalo-halong Philippine Mythologies at Philippines precolonial cultures. Genre: Fantasy, Adventure, Action, Drama -Third-Person POV -Male Lead -Filipino Novel Story Descrip...