KABANATA 34: Piging ng Datu
"B–BINIBINING Anaya, ipa–ipaliliwanag ko rin sa'yo ang tu–tungkol dito pagka–pagkatapos ko nito..."
Hirap ang pagsasalita ni Ino'og at nagpapawis ang kaniyang mga sintido. Hindi ito dahil sa patalim ni Anaya na nakaumang sa batok niya. Kundi dahil ngayon lang naramdaman ng binatilyo ang matinding pagkapagod ng kaniyang isip. Tiyak niyang dulot ito ng dalawang beses na paggamit niya ng kaniyang diwa bilang sandata. Hindi na ito kataka-taka. Maging ang pag-iisip nga ng mga aralin ay nakapapagod, paano pa kaya kung ang diwa mismo ang kukunsumahin at gagamiting pang-atake.
At dumagdag pa sa bigat ng ulo ni Ino'og si Anaya.
"Sabihin mo muna kung anong ginagawa mo! Anong nangyari sa lalaking iyan?! Mayroon ka bang ginawa sa kaniya?!" ang matatalim na mga tanong ni Anaya.
"M–May sinubukan lang akong uri ng atake kay Kilu, iyon lang, Binibining Anaya. M–Mamaya ko na ipaliliwanag ang iba!" mariing sagot ni Ino'og.
"Atake?" Nagulat naman si Anaya at saka may bigla ring naalala, "katulad ito ng nangyari sa timawang mangangalakal kanina, ibig sabihin ikaw rin ang may gawa noon?"
Bahagyang tango na lang ang itinugon ng binatilyo.
Gulat si Anaya sa nalaman subalit napansin niya ang makapal na pawis na dumaloy sa batok ng binatilyo na napunta sa patalim niya. Napa-atras siya. Sa puntong ito niya lang napansin ang nangyayari kay Ino'og. Animo'y isang timawang galing sa pagsisibak ng gabundok na kahoy ang binatilyo. Halatang sobrang pagod ito at anumang sandali ay mawawalan ng malay. Nagtaka si Anaya kung paano itong napagod gayong ilang minuto lang kanina ay nasa buong kasiglahan pa ito.
Mabilis na binawi ni Anaya ang kaniyang patalim at tuluyang lumayo ng ilang dipa mula kay Ino'og. Alerto niyang binantayan ang kilos nito.
Nakahinga naman nang maluwag si Ino'og nang mawala na ang dalagita sa likuran niya. May isang bagay siyang nakumpirma. Base sa naging reaksiyon ni Anaya, hindi nito nakita ang ginawa niya kay Kilu. Katulad ng wala ring nakapansin nang inatake niya si Baligay kanina, kahit si Punong-amang Kalipay'an ay hindi iyon nakita. Ibig sabihin lang, hindi nakikita ng iba ang atakeng ginagawa ng kaniyang diwa. Malinaw na ang bagay na ito.
Ngayon, ang kailangan niya na lang kumpirmahin ay kung wala ring bang nakita si Kilu --- kung wala rin bang nakikita ang mismong puntirya ng atake niya. Duda si Ino'og dahil base sa reaksiyong nakita niya kanina kay Kilu ay alam nito ang ginawa niya. Minura pa nga siya ng kaibigan.
Lumipas ang kalahating oras at nang matiyak ni Ino'og na ayos na at hindi na magigising sa sakit si Kilu ay itinigil niya na ang pagpapayapa rito. Siya naman ang parang lango na mabilis na umupo sa sahig. Upang hindi tuluyang mawalan ng malay ay agad niyang pinahinga ang kaniyang diwa sa pamamagitan ng pagninilay.
Sa labas ay mataas na ang sikat ng araw. Tahimik ang buong teritoryo ng mga Kalipay. Sa kaninang mga hiyaw ni Kilu ay walang kahit isang nakarinig. Masyadong abala ang lahat sa kani-kanilang sariling bahay. Mabigat ang araw na ito para sa buong angkan. Sa sentro ng teritoryo kung saan nagtitipon ang mga nakatataas at mahahalagang miyembro ng angkan ay halos maghapon silang nagkaroon ng pagpupulong. Hindi na lang ito tungkol sa nangyari kanina, sa mga sugatang mandirigma o sa pagkawasak ng kanilang mahalagang taniman. Habang lumilipas ang oras ay siya ring pagtambol ng kaba at depresyon sa mga puso nila.
Magdadapit-hapon na nang magising si Kilu. Agad itong naramdaman ni Ino'og kaya mabilis niyang iniwan ang pagninilay at nilapitan ang kaibigan. Sinalubong siya ng galit na mukha nito.
"Ano 'yung ginawa mo sa akin, Ino?!" tanong ni Kilu na nakabangon na mula sa higaang katre at namumula ang ilong sa galit.
"Ginawa sa'yo? Paanong may ginawa ako sa'yo?" kunwang maang ni Ino'og.
BINABASA MO ANG
Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)
AcakProgression Fantasy (Cultivation) novel na pinoy ang dating! Nakabase sa pinaghalo-halong Philippine Mythologies at Philippines precolonial cultures. Genre: Fantasy, Adventure, Action, Drama -Third-Person POV -Male Lead -Filipino Novel Story Descrip...