KABANATA 9

130 35 12
                                    


KABANATA IX: Sandata

MATAAS ang sikat ng araw.

Sa isang kakahuyan, isang pusang halimaw ang maliksing tumatakas habang hinahabol ng isang binatilyong mabilis ding tumatalon sa mga sanga ng mga puno.

Ang halimaw ay tinatawag na Alamid Gabi. Mas malaki lang ito ng bahagya kumpara sa karaniwang musang. Mayroon itong kulay-gintong mga mata, makapal na itim na balahibo, at mahahabang pangil. At ang nakamamangha pa sa halimaw na ito ay ang hindi pangkaraniwang bilis, lalo na sa gabi.

Ngunit dahil araw ngayon kung kailan dapat ay natutulog sila sa kanilang mga lungga, ang Alamid Gabi na kasalukuyang hinahabol ng binatilyo ay walang magawa kundi tumakbo para sa kaniyang kaligtasan. Ang totoo ay sinadya at binulabog talaga siya sa kaniyang lungga. Mas malakas ang taong binatilyo at may balak itong hindi maganda sa kaniya.

Umabot pa ng ilang minuto ang kanilang habulan. Ginawa ng Alamid Gabi ang buong makakaya pero sa kasamaang palad...

Bang!

Isang paa ang marahas na bumagsak sa katawan nito.

Umihip ang hangin at ilang segundong namayani ang katahimikan sa kakahuyang iyon. Bago napa-iling ang binatilyo at inangat ang lumubog na paa sa lupa. Tumambad doon ang nakabaon at pitpit nang katawan ng kawawang halimaw. "Patawad munting nilalang, ako ay napag-utusan lamang," sambit ng binatilyong totoong kakikitaan ng habag sa mukha.

Ang binatilyo ay may awra ng isang batang mandirigma. Magulo ang kaniyang maiksing itim na buhok, may kulay-kayumangging mga mata at kayumanggi ring balat. Wala siyang pang-itaas kaya naman makikita na kahit mura pa ay may hulma na ng pagiging matipuno ang kaniyang katawan. Mayroon din siyang maganda at matikas na tindig.

"Kung bakit kayong mga halimaw ay may kayamanan pa sa inyong katawan, nagagamit tuloy kayong sangkap ng aking guro," muling sambit ng binatilyong walang iba kundi ang labing-anim na taong gulang na ngayong si Ino'og.

At ang kaniyang tinutukoy na guro ay si Tandang Ma'ayon na isang manggagamot.

Limang taon na rin ang nakararaan nang tanggapin siya ng matanda bilang pansarili nitong mag-aaral. Marami-rami na ang natutuhan niya tungkol sa paglikha ng mga gamot. Lalo na yaong mga may kinalaman at makatutulong sa larangan ng Paglilinang. Dahil ni minsan ay hindi kinalimutan ni Ino'og ang kaniyang pagpapalakas. Masigasig pa rin siyang nagsasanay kagaya ng ginagawa niya sa simula pa lang.

Bumuntong-hininga si Ino'og at dinukot ang kaniyang bagong balaraw na bigay ni Tandang Ma'ayon. Gamit ito ay marahan niyang tinistis ang ulo ng halimaw hanggang sa makita niya ang sadya.

Ang Lisong-gahum ng Alamid Gabi.

Lahat ng halimaw ay mayroong tinatawag na Lisong-gahum. Makikita ito sa loob ng kanilang mga ulo o sa ibang espesyal na bahagi ng katawan. Ito ay nabubuo dahil sa walang tigil na paglanghap ng mga halimaw ng gahum sa kanilang paligid. Ang Lisong-gahum ay ang nagsisilbi nilang kakanyahan at katangian bilang halimaw.

Maingat na tinanggal ni Ino'og ang Lisong-gahum na nakakabit sa utak ng Alamid Gabi. Hugis bilog ito at kasinglaki lang ng itlog ng ibon. Nang tuluyang makuha ay naramdaman pa ng binatilyo ang puro pero kakarampot na gahum na nakapaloob dito. Ang lakas ng Alamid Gabi ay katumbas lang ng mahinang Ikalawang Yugto, kaya ganito lang ang taglay na enerhiya nito.

Gayumpaman, dahil ito ang inutos sa kaniya ng kaniyang guro ay agad itong inilagay ni Ino'og sa isang babasaging sisidlan. Paraan ito upang manatali ang anyo ng Lisong-gahum dahil kapag nanatili ito ng matagal sa labas ay unti-unti itong matutunaw at ang gahum ay babalik sa kalikasan.

Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon