KABANATA 24

88 24 2
                                    

KABANATA XXIV: Pagkain at mga Halimaw

PARANG libingan ang buong Bundok ng Talandan sa ilalim ng napakaliwanag na buwan.

Sa kuta rito ng Pangkat ng Mababangis na Unggoy, sa isang maliwanag na silid ay kasalukuyang nakakunot ang noo ni Ino'og habang paulit-ulit na sinasalat ang kaliwang pupulsuhan ng pinuno ng mga tulisan.

Ilang minuto niya na itong ginagawa at nasuri niya nang lahat ng hugis, itinuon ang kaniyang buong konsentrasyon at pandamang ispiritwal, ngunit wala talaga siyang makitang abnormal sa katawan ng pinunong ito ng mga tulisan.

"Ano bang uri ng karamdaman ito?" salubong ang kilay na tanong ni Ino'og sa sarili.

Mayamaya pa'y napagdesisyunan niya nang bitiwan ang kamay nito.

Nang maramdamanan naman ang pagbitiw niya ay nagmulat ng mga mata ang pinuno at tila natutuwang tumingin sa kaniya.

"A...Ano, bata? Ta...Tama ba ang sinabi ko na hindi pangkaraniwan ang kalagayan kong ito?" tanong pa nito sa nang-aasar na tono.

"Totoo nga pong mahirap alamin kung ano man itong dinaranas ninyo," simulang hayag naman ni Ino'og matapos magpakawala ng malalim na hininga. "May dalawa akong naisip na dahilan nito," patuloy niya. "Una, ang karamdaman ninyo ay lubhang bihira na tanging mga totoong manggagamot lamang sa mundo na may malawak na kaalaman at karanasan ang may kakayahang tukuyin ito. Pangalawa, marahil ay wala naman talaga kayong sakit at nagpapanggap lamang kayo."

"Nagpapanggap?!" sabat ni Kapitan Garung. "Bata, hindi kami aabot sa ganito na hihingin ang tulong ng isang gaya mo kung nagpapanggap lang ang aming pinuno! At lalong wala siyang dahilan upang gawin iyon!"

Napabuntong-hininga na lang si Ino'og at napailing. Naniniwala siya sa kapitan at malinaw namang walang kuwenta ang pangalawang dahilan na iyon na naisip niya. Ibig sabihin lang ang unang dahilan ang posible, at ibig ding sabihin nito ay hindi niya magagamot ang pinuno ng mga tulisan. Wala o malaki pa ang kakulangan niya sa karanasan at mga nakamit. Napakahina niya pa rin.

"Hi...Hindi ako nagpapanggap, bata," sabi naman ng pinuno ng mga tulisan. "Alam mo bang sobra akong naiinis na nakaratay ako rito at walang magawa. Hi...Hindi na ako nakakakain ng hilig kong karne ng halimaw at hindi ko na rin nasisilip ang labas... Ma...Magtiwala ka sa akin, hindi ako hangal upang ipagliban ang mga bagay na iyon para lamang magpanggap sa kung ano mang dahilan..."

Bumaling ang tingin ng pinuno sa batong kisame at mariing napapikit. Bago marahang bumuka ulit ang bibig at nagsalita, "Kung ano man ito, sa tingin ko ay tanging Babaylan na lamang ang makatutulong sa akin. Subalit imposible na iyon... ang mga Babaylan... kinakailangan mo ng kayamanan at impluwensiyang kasintayog ng bundok, para lang makuha ang payak na serbisyo nila..."

Maging si Kapitan Garung ay napapikit din at naikuyom ang isang kamay.

Samantalang si Ino'og ay malalim na napaisip. Alam niyang matayog ang estado ng mga Babaylan, ngunit hindi niya pa tantiya kung gaano talaga iyon katayog. Isa pa ay nabago rin ang tingin niya sa propesyong ito dahil kay Tandang Ma'ayon. Isang Babaylan ang matandang iyon. Hindi man isandaang porsyentong tiyak si Ino'og subalit ang ibinahagi nitong Pamamaraan sa kaniya ay isang sapat na katibayan. Ngunit bakit sa panlabas ay namumuhay ng payak ang matanda? Isang simpleng matanda na nakatira sa isang giray na kubo sa isang gulod at nanggagamot ng mga tao sa Pulangtubig para sa ikabubuhay nito?

Talagang napakamisteryoso ng kaniyang guro. Kaya sa isip ni Ino'og ay kailangan niya pang mas maging maingat dito. Lalo pa at alam niyang minamanipula rin siya nito. At hindi man direkta ay may pananagutan din ang matandang iyon sa pagkawasak ng Kawawaynan!

Sa kabilang banda naman ay sumasang-ayon si Ino'og sa huling sinabi ng pinuno ng mga tulisan. Na tanging mga babaylan na lang marahil ang makatutukoy ng sakit nito. Gaya ng unang dahilan ni Ino'og --- "may malawak na kaalaman at karanasan" --- mga Babaylan mismo ang ibig niyang sabihin rito.

Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon