KABANATA XVII: Si Waloy
BAGO pa man dumikit kay Ino'og ang matutulis na mga kuko, isang sipol at haginit ng hangin ang pumunit sa katahimikan ng gabi.
BANG!
Sumunod dito ang malakas na pagsabog at sa isang iglap ang kubong tahanan ng mag-ama ay tila winalis ng bagyo. Nagliparan ang mga pawid at kahoy pati na ang mga kagamitan sa loob.
Ngunit sa gitna ng nawasak na kubo ay makikita si Ino'og na tila tuod na nakatayo at walang kagalos-galos.
Namumutla ang mukha ng binatilyo habang nakatitig lang sa katawan ng mabalahibong lalaki na ngayon ay wala nang buhay. Mabilis ang pangyayari. Gadangkal na lang sana ang mga mala-patalim nitong kuko patungo sa kaniya ngunit bigla ay parang daga na lang itong bumagsak sa lupa. Kasabay niyon ang pagkawasak ng kubo.
Hindi naman nagtagal ang pagkatulala ng binatilyo dahil ilang sandali pa'y natauhan siya nang pumunit na rin sa katahimikan ng gabi ang kakila-kilabot na mga tili at hiyaw sa buong nayon ng Kawawaynan.
Nataranta si Ino'og at kikilos na sana pero biglang may babaeng mabilis na bumangon mula sa pagkakatabon sa mga nadurog na kahoy.
"A–A–Ano iyong nangyari ngayong lang?!" may takot na pagboses ng babae.
Natigilan si Ino'og nang makita ang babaeng ito na may gula-gulanit na kasuotan at malubhang sugatan.
Malapit dito ay biglang bumangon din ang apat na kalalakihan na katulad ng namatay na lalaki ay hubo't hubad din at pawang mga sugatan.
Ang pinakanapansin at nagpatigil kay Ino'og ay ang iisang anyo ng mga ito. Mababalahibo ang buong katawan, nanlilisik ang mapupulang mga mata at may mga kukong nakasusugat sa unang tingin pa lang.
Mga Aswang!
Walang duda. Agad iyong napagtanto ni Ino'og. Nangilabot siya lalo na sa hitsura ng babae. May mabalasik itong mukha at tumutulo ang malapot na laway na may halong dugo.
Bukod sa katakot-takot na itsura, ay napansin din ni Ino'og ang hindi birong taglay na lakas ng mga aswang na ito.
"A–Aming hindi rin batid!" pagsagot ng isa sa mga lalaki sa tanong ng babae.
"Si–Si–Si Bakul! Sinong may gawa nito sa kaniya?!" anang isa namang lalaki.
"Inyong huwag nang isipin pa! Ang bata! Kailangang mapaslang na natin siya agad!" mabalasik na hiyaw naman ng isa pa.
Nanlaki ang mga mata ni Ino'og sa narinig.
Samantala, wala nang inaksayang panahon pa ang limang aswang at sabay-sabay nilang dinaluhong ang binatilyong ilang dipa lang na nasa harapan nila.
Nakaramdam sila ng pangamba. Lalo na ang nag-iisang babaeng may gula-gulanit na kasuotan ---walang iba kundi si Laakak. Masaya ang puso niya dahil sa wakas ay nagtagumpay silang matunton ang batang ibig. Sa pamamagitan ng amoy ng dalawang kasama nito noong nagtungo sa Puwang'bwak ay nalaman nilang mag-aaral ang mga ito ng Malaking Paaralan ng Pulangtubig. At sa kaunting pagsisiyasat pa ay nalaman nila kung saan nakatira ang mismong bata.
Abot-kamoy na nila ang tagumpay. Iyon ang nag-uumapaw sa isipan ni Laakak lalo pa at kasama niya ang limang mga pinuno rin at pawang mga kasinlakas niya. May Paglinang sila na nasa pang-anim na baitang hanggang pampitong baitang ng Ikaapat na Yugto!
Siya, si Laakak, ay ang namumuno sa kanilang kuta sa Libdonglingin. At ang limang kasama niya ang namumuno naman sa Samandaranan, Gangansang, Tulongyuta, Buotbulhutan at Hiratunga.
Sakay ng anim na balangay ay may kasama rin silang hindi pababa sa isandaang mga aswang!
Malaking puwersa ang talagang ibinuhos nila sa bagay na ito dahil ito ang layon na pinakahangad ng kanilang buong lipi sa nakalipas na halos dalawang dekada.
BINABASA MO ANG
Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)
RandomProgression Fantasy (Cultivation) novel na pinoy ang dating! Nakabase sa pinaghalo-halong Philippine Mythologies at Philippines precolonial cultures. Genre: Fantasy, Adventure, Action, Drama -Third-Person POV -Male Lead -Filipino Novel Story Descrip...