KABANATA 27

61 12 1
                                    

KABANATA XXVII: Salamangka at ang Kalinginan

"KAKAIBA ang silid na ito kumpara sa mga Silid ng Paglilinang ng aming angkan, Ino!" manghang komento ni Kilu nang tuluyang mabuksan ang isa sa dalawang Silid ng Paglilinang. Ramdam nilang pareho ni Ino'og ang mayamang gahum na tumatagas palabas ng silid. Walang makita sa loob dahil balot ito ng dilim.

"Sino sa inyo ang nais mauna na?" baling ni Kapitan Garung sa dalawang binatilyo.

"Ako po," mabilis namang sagot ni Ino'og at nagpaalam na rin agad siya kay Kilu. Mabilis siyang pumasok sa silid na kaniyang unang mararanasan ngayon sa buong buhay niya.

Nang makatapak sa loob si Ino'og ay dumagundong uli ang malaking bato at kusang nagsara ang Silid ng Paglilinang.

Naiwan sa labas sina Kilu at Kapitan Garung.

"Talagang kakaiba ang Silid ng Paglilinang namin dito kumpara sa nasa inyong angkan, anak'ni'Suban," baling ng kapitan kay Kilu. "Ang Salamangkang binuo namin sa loob ay hindi hamak na mas maunlad at nasa mas mataas na antas kumpara sa inyo."

Nagsalubong naman ang mga kilay ni Kilu dahil hindi niya nagustuhan ang pananalita ng kapitan na may himig ng pagyayabang. At parang hinahamak din nito ang angkan niya.

"Mabuti pang buksan mo na ang pangalawang silid nang makapagsimula na rin ako," pumikit na lang na sabi ni Kilu. Nagpanggap na lang siya na walang narinig mula sa kapitan.

Napangiti naman ng may halong pang-iinis si Kapitan Garung saka inumpisahan na ring tanggalin ang selyo ng pangalawang silid.

Ang totoo ay hindi nagmamayabang ang kapitan. Talagang mas maunlad ang Silid ng Paglilinang na narito sa kuta ng Pangkat ng Mababangis na Unggoy. Ang bagay na ito ay napagtanto agad ni Ino'og nang makatapak siya sa loob ng silid. Hindi niya na pinansin pa ang pagsara ng malaking bato dahil kasalukuyan niyang ninanamnam ang napakapresko at malapot na gahum na dumadampi sa kaniyang balat.

Walang kakaiba sa kaanyuan ng silid na ito. Tila isa lang maliit na yungib. Pero kapansin-pansin ang mga kakaibang titik na nakasulat palibot sa mga dingding. Nagliliwanag ang mga ito. Tiyak si Ino'og na kalipunan ito ng Salamangkang may kinalaman sa pagbubuklod. Ito ang dahilan kung bakit nakatuon at naiipon sa silid na ito ang likas na gahum sa paligid.

Namamangha din si Ino'og dahil ang Salamangkang ito ay mas maunlad at mas malakas kumpara sa mga nakita niya na sa Malaking Paaralan ng Pulangtubig. Tiyak na hindi biro ang ginastos na mga batong-gahum o damong-gahum para mabuo at mapagana ito. Nagtataka tuloy siya kung paanong nakabuo ng ganito ang Pangkat ng Mababangis na Unggoy. Marahil ay may sapat na yaman ang mga tulisan ngunit sa pagbuo ng Salamangka, ang kaalamang ito ay mula lamang sa mga Maninitik. Ang paninitik ay propesyon na katulad ng pagpapanday at pagkalinga --- hinahangaan at mahalaga sa mundo ng mandirigma. Ang pangunahin nilang ginagawa ay bumuo ng tinatawag na Salamangka! Anumang mahika na tumutulong sa isang bagay upang magkaroon ng angkin at espesipikong gawain ay tinatawag na Salamangka.

May iba't iba uri ng Salamangka. May mga mahihinang uri na hindi na kinakailangan pa ng aktwal na Maninitik para makabuo. Halimbawa nito ay ang mga ginagamit na pantulong sa maliliit na bagay gaya ng Salamangkang pampinid sa mga karaniwang piitan, selyo para sa mga karaniwang kalatas at mga pailaw at sulong hindi namamatay; ang mga ito ay ginagamitan ng simpleng Salamangka lamang na nagagawang maaral ng kahit na sinong mandirigmang may sapat na lakas at tinuruan ng isang Maninitik.

Ang matataas, espesyal at komplikadong uri naman ng Salamangka tulad halimbawa ng paggawa ng mga Larawang-dukot at Talastasang-bato ay tanging mga Maninitik na lamang ang nakagagawa. Ang mga pambihirang sasakyan din na tulad ng Sasakyang Salimbay na nakalilipad sa himpapawid ay ginagamitan ng pambihira at mga komplikadong Salamangka.

Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon