PANIMULANG KABANATA: Ang Ma-i
Sa isang pambihirang kalawakan, tila matitingkad na bulaklak ang hindi mabilang na mga bituin at planeta, naglalaganap ito sa katamlayan ng walang hanggang espasyo. Ngunit mayamaya lang, sa isang partikular na bahagi, ang kamangha-manghang disenyo ay natalikdan ng pagragasa ng isang dambulang pigura. Naging kapansin-pansin ang paghugis nito sa kawalan at paglikha ng pambihirang kinang at kakaibang tunog sa kalawakan.
Sa bilis at madilim na kulay nito ay hindi matukoy kung anong pigura ito.
Ngunit para sa mga naninirahan sa maraming planetang dinaanan nito; nang makita nila ang pigura sa kani-kanilang kalangitan ay agad nila itong nakilala.
At ikinamangha.
Ang Galang Kaluluwa!
Nang makita nilang muli ang matayog na nilalang na ito, marami sa mga mamamayan ng nasabing mga planeta, ang muling nanggilalas.
Natuwa ang mga nasa planetang pinaninirahan ng mga tao.
Nag-ingay din ang mga mahiwagang halimaw mula sa isang malaking planeta.
Nariyang namangha din ang mga maligno mula sa isang kakaibang planeta.
Samantalang nakaramdam naman ng inggit ang mga nilalang na nasa katubigan at himpapawid ng isang kulay asul na planeta naninirahan.
Iba-iba man, malinaw na lahat sila ay nakita na sa malapitan ang pigurang ito.
At ito ay isang dambuhalang itim na ibon!
Sa pagkakataong ito ay hindi sila pinansin ng Galang Kaluluwa. Seryoso ito ngayong bumabaybay sa kalawakan nang ilang bilyong kilometro bawat segundo. Patuloy itong nagbibigay kinang sa tila walang hangganang landas.
Mayamaya lang ay narating na rin nito ang sadya. Huminto ito sa harap ng isang malaking planetang binubuo ng purong katubigan.
Pagkaraan ng ilang paghinga ay biglang nagliwanag ang kabuuan ng Galang Kaluluwa.
Lumiit siya at naging isang tao!
Subalit hindi ganap na tao dahil naiwan pa rin ang pagka-ibon sa wangis niya; lalo na ang kulay-pulang matatalim na mga mata. Sa kabuuan ay isa siyang lalaking may katamtamang pangangatawan at may hitsura ng isang nasa 40–50 taong gulang.
Tinitigan niya ang isang partikular na bahagi ng asul na planetang nasa harapan niya.
Ilang sandali pa, mula sa katubigan sa parteng iyon, sumungaw ang isang pagkalaking-laking ulo ng serpyente. May pares ng mahahabang balbas ito sa nguso na animoy naglalanguyang mga higanteng galamay.
Nakipagtitigan din ito sa Galang Kaluluwa ng ilang sandali bago tuluyang sumibad paangat.
Nang umahon ito ay bumaliktad ang buong katubigan ng planetang iyon!
Isang dambuhalang serpyente na may dalawang paa ang tumambad. Lumangoy ito sa papawirin at magarbong nagpaikot-ikot sa planeta hanggang sa ginusot nito ang espasyo.
Sa isang iglap ay nagbagong-anyo rin ang serpyente at naging isang tao. Isang payat na lalaking hindi nalalayo ang anyo ng edad sa Galang Kaluluwa. At hindi rin ganap ang pagbabagong-anyo nito dahil dala pa rin nito ang mga asul na kaliskis at matang-ahas.
Sa totoo lang ay kaya naman nilang maging kompletong tao. Ngunit mababa ang tingin nila sa mga tao kaya bakit nila nanaising maging kawangis ng mga ito? Kahit pa ang mga tao ang pinaka-espesyal na nilikha ng Maykapal ay wala silang pakialam.
"Anong sadya mo sa akin, Minok?!" ang paunang tanong ng lalaking serpyente, salubong ang kilay. "Malayo pa lang ay ginambala na ako ng iyong masangsang na amoy!"
BINABASA MO ANG
Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)
RandomProgression Fantasy (Cultivation) novel na pinoy ang dating! Nakabase sa pinaghalo-halong Philippine Mythologies at Philippines precolonial cultures. Genre: Fantasy, Adventure, Action, Drama -Third-Person POV -Male Lead -Filipino Novel Story Descrip...