KABANATA 3

170 33 3
                                    

KABANATA III: Ang Gahum at ang Paglilinang

MATAPOS alamin ang kanilang magiging tirahan, hinatid muna nina Liros, Tubay at Nanok ang anim na mga bata saka sila tuluyang naghiwa-hiwalay na.

Nasa dakong timog ng paaralan ang mga silid-panuluyan ng mga mag-aaral. Limampung mahahabang hanay ito ng magkakadikit na mga kuwarto. Isang kuwarto para sa dalawang batang mag-aaral.

Sa kuwartong ibinigay sa kanya ay kasalukuyang nag-iisa pa lang si Ino'og. Nahiwalay siya sa mga kanayon ngunit hindi iyon problema para sa kanya. Kaya niya ang sarili at makabubuti na rin ito dahil marami siyang nais na gawin na sa tingin niya ay hindi niya magagawa kung kasama ang mga kanayon.

Inumpisahan niya nang ayusin ang kaniyang mga gamit. Alam niyang may kasama siya sa kuwarto at tulad niya ay bagong mag-aaral din ito dahil halos sumikip ang kuwarto nila sa mga malalaking tampipi na halatang mga damit at iba pang kagamitan ang laman.

Mayamaya pa ay naulinigan ni Ino'og na may nagtatalo sa likod lang ng pinto ng kuwartong kinaroroonan niya. Boses ng bata at matanda ang naririnig niya.

Makaraan pa ang ilang sandali ay bumukas ang pinto at pumasok ang isang batang lalaki. Kasing-taas at tindig ito ni Ino'og. Madaling matutukoy na magka-edad lang sila.

"Haaa... Buti naman at nilubayan din ako ng matandang iyon," napabuntong-hininga sabi ng bata.

Bigla namang nanlaki ang mga mata ni Ino'og dahil namumukhaan niya ang kapwa batang ito! Lalo pa siyang nagulat nang malapad itong ngumiti sa kanya. Sabik itong lumapit sa kanya na tila ba magkaibigan sila.

"Ikaw ba ang makakasama ko sa silid?" tanong ng bata. "Ako nga pala si Kilu'ang Pasungkayo, ngunit maaari mo akong tawaging Kilu!"

"A–Ah ako nga," nauutal na sagot ni Ino'og.

"Anong pangalan mo o maaari kong itawag sa'yo?" Samantala, kahit nagtataka sa kakaibang reaksiyon ng kapwa bata ay hindi ito pinansin ni Kilu.

"A–Ang pangalan ko ay Ino'og."

"Ikinagagalak kitang makilala... Ino, maari bang iyon na lang itawag ko sa iyo?"

"O–Oo, walang problema...."

Nang suriin ay napansin ni Kilu ang kaunti at mga mumurahing kagamitan ng kapwa batang kaharap niya. Pati ang kayumangging kangan na suot nito ay hindi kaaya-aya na tila madaliang itinahi mula sa mumurahing tela. Halos kabaliktaran niya ito na ang suot ay magandang uri ng kangan na ang kulay ay mapusyaw na bughaw --- isang palatandaan ng pagiging anak-maharlika niya.

Galing sa mahirap na buhay ang Ino'og na ito kaya marahil kakaiba ang reaksiyon nito sa pakikitungo niya.

"Natatakot ka ba sa akin dahil mula ako sa maharlikang angkan?" tanong ni Kilu. "Huwag kang mag-alala, Ino. Sa paaralang ito lahat tayo ay pantay-pantay, mga mag-aaral tayo ng Malaking Paaralan ng Pulangtubig!"

"N–Nagulat lang ako. Maraming salamat. Akala ko katulad ka ng iba." Nakaginhawa naman si Ino'og sa tinuran ng kapwa bata. Akala niya talaga ay tulad din si Kilu ng mga palalong tao. Isa kasi sa palaging pinapaalala sa kanila ay iwasan ang mga mayayamang tao lalo na ang mga galing sa maharlikang angkan.

Ngunit ang talagang mas ikinahinga niya nang maluwag ay hindi siya namumukhaan ng kapwa batang ito.

Si Kilu ay walang iba kundi ang batang nakabungguan niya kanina lang sa lugar ng pagsusulit!

"Hindi ako ganoon!" may pagmamalaking sabi ni Kilu. "Hindi ako tulad ni Gangun! Mabuti na lang talaga at narito ako, maghanda siya sa akin!"

Hindi na sumagot pa si Ino'og dito. Halata niyang inis na inis si Kilu sa pangalang binanggit nito ngunit walang siyang pakialam dahil hindi niya naman kilala kung sino iyon.

Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon