KABANATA 2

211 37 4
                                    


Kabanata II: Kalupitan

"MAGANDANG ARAW sa inyong lahat."

Isang babaeng nasa 50–60 taong gulang ang nakangiting lumabas mula sa tarangkahan ng Malaking Paaralan ng Pulangtubig. May kasuotan itong para sa tagapagturo --- kulay-bughaw na roba na may magandang tahi at disenyo. Kapansin-pansin din ang suot nitong mga gintong hikaw, kwintas at mga galang sa magkabilaang braso at paa.

Sa harap ng babaeng ito ay nakangiting yumukod ang karamihan. Ganoon din ang ginawa ng grupo nina Ino'og.

Isang tagapagturo ang babae. Ibig sabihin, bukod sa pagiging maharlika ay isa rin itong malakas na mandirigma!

"Mangyari sanang sumunod ang lahat sa akin. Nakahanda na ang lugar kung saan gaganapin ang pagsusulit," dagdag pa ng babae at pagkatapos magsalita ay pumasok na ulit ito sa loob. Dalawang lalaki naman ang sunod na lumabas upang umagapay sa pagdagsa ng mga papasok sa paaralan.

Sa pagpasok ng grupo nina Ino'og, agad silang namangha sa naglalakihang mga kubo na nagkalat sa napalawak na lugar. May malalapit at may mga natatanaw lang nila. Hindi ito ordinaryong mga kubo dahil sa disenyo pa lang ay halata nang hindi ito magigiba kahit ng isandaang bagyo pa. Karamihan ay gaya nina Ino'og na gusto sanang magmasid sa paligid pero istrikto ang paggabay sa kanila ng babaeng tagapagturo.

Papatirik na ang araw at pagkaraan ng mahaba-habang paglalakad ay nakarating sila sa isang malawak at pabilog na lugar. Napaliligiran ito ng malalaking puno at ang lupa ay balot ng malambot na damo. Parang isang liwasan. Sa lugar na ito gaganapin ang pagsusulit sa pagtanggap ng mga bagong mag-aaral.

Sa gitna ng lugar ay agad nakaagaw sa pansin ng lahat ang mga nakahilerang malalaking bato. Kakaiba at perpekto ang pagkakahugis bilog ng mga batong iyon. Walang ano mang sinabi sa kanila ang babaeng tagapagturo kaya naman nanahimik lang sila at naghintay.

Patuloy pa rin ang pagdatingan ng mga tao. Hindi bababa sa isandaang mga bata at matatanda na ang nagkalat sa lugar subalit hindi pa rin naging siksikan dahil sa lawak nito.

Kalahating oras pa ang nagdaan bago tuluyang natahimik at tila kumilos sa paggalaw ang lugar. Isang grupo ng mga tagapagturo ang dumating. Ngunit isa lang ang lumapit at nakangiting pumagitna malapit sa nakahilerang mga bato. Isa itong lalaking tagapagturo na bata pa sa hitsura nitong nasa 30–35 taong gulang. Hinarap nito ang nagkukumpulang mga tao.

"Magandang araw po sa inyong lahat," panimulang bati ng lalaking tagapagturo. "Ako ay nagagalak na marami na namang mga bagong bata ang papasok ngayong taon. Talagang nakapapagod sa mata ang mga dati nang mukha na narito. Sa lagay ngang iyon ay natatakot ako na baka isang araw ay magising akong kawangis ko na ang mga gurong ito na uugod-ugod na at walang ibang ginawa kundi pakulubutin pa ang kulubot na nilang mukha." Napa-iling pa ang lalaking tagapagturo kasabay ng pagsulyap sa mga kasamahang tagapagturo na nakikinig lang.

Nagtawanan ang mga bata at kasamang matatanda. Mataman na ngayong nakikinig ang lahat sa tagapagturong ito. Tila nag-aabang sa magaganda pang sasabihin nito. Hindi katulad ng ibang tagapagturo, hindi kakikitaan ang lalaki ng pagiging mapagmataas bagkus ay nakagigiliw itong panoorin habang nagsasalita. Gayumpaman kahit nagtatawanan ay nagpapakita pa rin ng limitasyon at paggalang ang mga tao.

"Ngunit kalimutan na muna natin iyon." Natatawang nagpatuloy ang lalaking tagapagturo nang makita niya ang pagdilim ng mukha ng mga matatandang kapwa tagapagturo. Nakontento na rin siya at nakuha na niya ang atensiyon ng lahat.

"Ang akin nga po palang pangalan ay Lahun, hindi ba at madali lang tandaan?

"Ako po ang mangunguna sa gagawin nating pagsusulit. Isang payak na pamantayan lang naman ang aming hinahanap. Kung napapansin ninyo ang malalaking batong ito ay kinuha pa mula sa Bundok ng Talandan. Likas na matitigas at mainam ito sa pagtatasa ng lakas.

Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon