KABANATA VIII: Ang Matandang Manggagamot
MADILIM at mahigit isang oras na silang naglalakad sa gitna ng kagubatan. Sa tingin ni Ino'og ay mahigit sampung kilometro na ang layo nila sa paaralan ngunit hindi pa rin siya kinakausap ni Tandang Ma'ayon. Kaya naman nag-uumpisa nang kumunot ang kaniyang mukha.
"Gin---"
"Tandang Ma'ayon ang tawag ng lahat sa akin. Iyon na lang din ang itawag mo sa akin."
Natigilan si Ino'og sa agad na pagputol ng matanda sa sasabihin niya. Nakasunod siya sa likuran nito at mahigit isang dipa ang agwat nila, ngunit agad nitong nahulaan ang sasabihin niya. O marahil agad nitong naramdaman ang pagbuka ng bibig niya.
"Napapagod ka na ba?" tanong ni Tandang Ma'ayon. Tumigil na sila sa paglalakad at humarap na ang matanda kay Ino'og.
"Hindi po. Nais ko lang magtanong kung saan tayo magtutungo," sagot ni Ino'og, hindi niya alam kung nagbibiro ba ang matanda sa tanong nito. Mga mandirigma sila at lalong nasa Ikalawang Yugto na siya. Ang paglalakad ay hindi bagay na madaling makapagpapagod sa kanila.
"Ipikit mo ang iyong mga mata." Sa halip na sagutin ay nag-utos ang matanda.
Nagtataka man ay ginawa ito ni Ino'og.
"Pakiramdaman mo ang iyong paligid."
Huminga ng malalim si Ino'og at sinunod ang muling utos ni Tandang Ma'ayon. Hindi lang ang pisikal na pandama kundi maging ang pandamang ispiritwal ay pinagana niya.
Ilang sandali pa, sa loob-loob ni Ino'og ay nagulat siya. Makapal ang daloy ng gahum sa paligid! Dalawang beses na mas makapal kumpara sa karaniwan!
Gulat ang ekspresyon ni Ino'og. Imumulat na sana niya ang kaniyang mga mata ngunit pinigilan siya ng matanda.
"Manatali ka at hanapin mo ang bahagi kung saan may mga nakatuong daloy ng gahum."
Muli niya itong sinunod at pinakiramdamang mabuti ang paligid. Agad niyang nahanap ang tinutukoy ni Tandang Ma'ayon. Sa kaniyang bandang kaliwa, halos dalawang dipa lang ang layo, ay malapot na dumadaloy ang gahum sa ibabaw ng lupa.
"Nakita ko na po," sabi ni Ino'og.
"Maaari mo nang imulat ang iyong mga mata," sagot ng matanda.
Nakita ni Ino'og na nakangiti at tumatango sa kaniya ang matanda.
"Bihira na lang ang ganitong bahagi ng gubat kung saan dalawang beses na mas makapal ang dumadaloy na gahum," salaysay ni Tandang Ma'ayon. "Dahil sa mas makapal na daloy ng gahum, napapayaman nito ang ilang mga bagay; maaaring bato, hayop, o halaman. At dahil nasa gubat tayo, ang na---"
"Damong-gahum!" putol ni Ino'og nang maunawaan niya ang nais sabihin ng matanda. Agad siyang kumilos at tinungo ang bahagi kung saan niya naramdaman ang konsentrasyon ng gahum.
Namilog pa ang mga mata niya nang makitang isa nga itong damong-gahum.
Ang anyo nito ay tulad lang ng isang karaniwang damo na kinakain ng kalabaw. Halos dalawang dangkal ang taas nito at makintab ang iilang mahahaba ngunit payat na mga dahon.
Dahil ito ang unang beses na nakatagpo siya ng isang tumutubong damong-gahum ay walang inaksayang segundo si Ino'og. Wala siyang pakialam kahit ano pa ang isipin ng matandang kasama. Magagamit niya ito sa pagpapalakas ng kaniyang Paglinang!
Madali lang na nabunot ni Ino'og ang damo. Ngingiti na sana siya ngunit natigilan siya nang makita ang puno at mga ugat nito.
May mukha at mga galamay!
Mabilis ang sumunod na pangyayari. Dahil nagulat din ang damo nang nawala ito sa lupa, bigla itong nagpakawala ng marahas na enerhiya. Naramdaman na lang ni Ino'og na tila may mabigat na bagay na bumalibag sa kaniya.
BINABASA MO ANG
Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)
عشوائيProgression Fantasy (Cultivation) novel na pinoy ang dating! Nakabase sa pinaghalo-halong Philippine Mythologies at Philippines precolonial cultures. Genre: Fantasy, Adventure, Action, Drama -Third-Person POV -Male Lead -Filipino Novel Story Descrip...