KABANATA XXX: Kalipay (2)
HINDI gaanong kalakihan ang teritoryo ng mga Kalipay. Halos kalahati lang ang lupang sukat nito kung ikukumpara sa teritoryo ng Pasungkayo ni Kilu.
Tahimik ang gabi at kasalukuyang nasa loob ng isang maaliwalas na bahay ang dalawang binatilyo. Si Anaya naman ay nasa hiwalay na bahay na personal nitong hiningi dahil nais nitong ipagpatuloy ang naudlot na paglilinang.
"Ino, pakisilip nga nitong malaw-lukbutan ko!"
Sa ibabaw ng malambot na higaan ay napamulat si Ino'og mula sa kaniyang banayad na paglanghap ng gahum sa paligid. Nakita niya si Kilu sa harap niya na nababagot. "May problema ba?" tanong niya rito.
"Hindi mo ito tiningnan nu'ng nasa kuta ng mga tulisan tayo," reklamo ni Kilu. "Marahil nandito pa nga ang Subyang ng Paghukom, ngunit ang nais kong tingnan mo ay kung may iba pang nilagay si Ingkong dito. Naalala ko lang kasing wala naman akong dinalang bagay na may palantandaan ng aming angkan, kaya nakapagtataka kung paano akong nakilala ng mga tulisang iyon. Ganoon ba talaga kasikat ang aming angkan? Ngunit mas duda akong may ibang inilagay si Ingkong d'yan!"
Biglang ibinato ni Kilu ang malaw-lukbutan na madali namang nasalo ni Ino'og.
Tungkol sa bagay na iyon ay nagtataka rin naman si Ino'og. Dahil bagama't tanyag ang ngalang Pasungkayo, ang angkan ni Kilu ay maliit pa ring maituturing maging sa buong Samandaranan. Hindi ito tulad ni Anaya na mula sa isang Maginoong angkan. Kaya kumpara kay Kilu, ang pagkakakilanlan naman ni Anaya ay hindi kataka-takang agad nakilala ng Pangkat ng Mababangis na Unggoy.
Sinaksakan ni Ino'og ng kaniyang gahum ang malaw-lukbutan ni Kilu. Ilang saglit lang, biglang nanlaki ang mga mata at umawang ang bibig niya. Hindi siya makapaniwala sa mga laman nito.
Napatingin si Ino'og sa kaibigan at namamanghang nagsalita, "Hindi talaga matitiis ng angkan niya ang nag-iisa nilang batang punong-ama..."
Nagsalubong naman ang makakapal na kilay ni Kilu dahil sa pinagsasabi ni Ino'og.
"Bukod sa Subyang ng Paghukom, mayroon ditong 2,000 piraso ng batong-gahum at 500 Salaping-Dibhat," naiiling na paliwanag ni Ino'og. Pinakiramdaman niya pa ulit ang loob ng malaw-lukbutan. Doon ay may dalawang espesyal na kaang na puno ng mga batong-gahum. Ang isang ganoong kaang kapag puno ay naglalaman ng 1,000 piraso ng batong-gahum kaya alam ni Ino'og na nasa 2,000 lahat iyon. Sa Salaping-dibhat naman ay mayroon limang ginintuang kalupi sa loob. Batid din ni Ino'og na bawat ginintuang kalupi ay naglalaman ng 100 Salaping-dibhat, kaya nataya niya agad ang kabuuan nito.
Maraming alam si Ino'og, gayunman, ito ang unang beses na nakakita siya ng ganito karaming yaman. Sa totoo lang ay hindi naman talaga siya gaanong nagulat, matagal niya nang alam na mayaman ang kaniyang kaibigan.
Nagkibit-balikat naman si Kilu at halatang hindi interesado na may baon itong ganoon kalaking salapi.
"Ano naman ito?" May isa pang bagay na biglang napansin si Ino'og sa loob ng malaw-lukbutan. Natuon siya kanina sa mga kayamanan at ngayon niya lang ito napansin.
Agad niya itong nilabas at lumitaw ang isang kakaibang kalombiga na yari sa kulay-apoy na hiyas. May mga ukit dito na pumupormang alab ng apoy at naglalabas ng awrang parang nakapapaso kapag tinititigan nang matagal.
"Ang sagradong sagisag ng Pasungkayo!" bigla namang bulalas ni Kilu at mabilis na inagaw sa pagkakahawak ni Ino'og ang kakaibang kalombiga. "Bakit nila ipinabitbit sa akin ito!?" Bakas ang gulat at pagtataka sa mukha ni Kilu.
Na-usisa si Ino'og sa inasal ng kaibigan. Base sa matinding reaksiyon nito, hindi simpleng bagay lang ang kalombiga. "Iyan walang duda ang dahilan kung bakit ka nakilala ng mga tulusan," sabi ni Ino'og.
BINABASA MO ANG
Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)
RandomProgression Fantasy (Cultivation) novel na pinoy ang dating! Nakabase sa pinaghalo-halong Philippine Mythologies at Philippines precolonial cultures. Genre: Fantasy, Adventure, Action, Drama -Third-Person POV -Male Lead -Filipino Novel Story Descrip...