KABANATA XII: Pagtatapos na Pagsasanay (3)
LIMANG ARAW ang lumipas.
Magaan at wala nang naging abala sa paglalakbay ng grupo nina Ino'og. Ang daan-daang kilometrong destinasyon sa wakas ay narating na nila.
Dapit-hapon nang makarating sila sa napakalawak at dikit-dikit na mga kabahayan. Ang bawat bahay ay walang halos pinagkaiba sa barungbarong ni Tandang Ma'ayon. Gawa sa marurupok na kahoy at tila madaliang itinayo. Magulo sa mata ang lugar. Isang larawan ng kahirapan. Kumunot ang noo ni Ino'og dahil hindi ito ang bagay na inaasahan niya sa Lungsod ng Mandaran.
"Ito na ba ang kabisera ng lalawigan?" sambit ni Ino'og. Hindi siya makapaniwala habang nasa unahan ang tingin niya.
"Sa aking pagkakaalam ay hindi pa, pinuno. Hindi pa ako nakapupunta rito ngunit nadinig ko nang ito ay labas lamang ng lungsod."
Napatingin si Ino'og sa nagsalitang si Taloy na nasa tabihan niya. Kunot-noo pa rin. Hindi niya lubos na naunawaan ang sinabi ng kapwa binatilyo kaya ibinalik niya din agad ang tingin sa unahan.
Hindi makita ni Ino'og ang dulo ng lugar. Napakalawak ng sakop ng kabahayan na sa tingin niya ay halos kasinlaki na ng pangunahing-pook ng Pulangtubig!
"Sa tingin mo ba ay sa ganito nakatira ang Mahal na Lakan?" natatawang muling sabi ni Taloy.
"Tingnan ninyo iyon," biglang sabat ni Inad na nakikinig pala sa dalawang binatilyo. May itinuro ito sa malayo.
Ilang segundong tinanaw nina Ino'og at Taloy ang itinuturo ng dalagita bago nila iyon nakita.
Malabo ang anyo niyon dahil napakalayo pero napagtanto agad ni Ino'og na isa iyong dambuhalang pader. Agad siyang nalinawan.
"Nasa loob pa noon ang lungsod," sabi pa ni Inad.
Napatango na lang ang dalawang binatilyo. Pagkatapos suriin ang malayong imahe ng mahabang pader ay muli namang pinagmasdan ni Ino'og ang mga kabahayan na kitang-kita ng kaniyang mga mata. Hindi pa rin nawala ang kunot sa kaniyang noo.
Pagkaraan ay nagpatuloy na sila at binaybay ang malawak na daan. Sa magkabilang gilid ng daan nagkukumpulan ang mga kabahayan at dito hindi mapigilang mamangha ni Ino'og. Oo nga at tanawin ng kahirapan ang lugar subalit masigla naman ang takbo nito.
Magulo, maingay, at hitik sa tao ang lugar hindi gaya ng isang mapayapang nayon. Bawat iskina ay kakikitaan ng mga mangangalakal na nagbebenta ng iba't ibang kagamitan at pagkain. Mayroong ding mga bahay-kainan at mga establisyementong nag-aalok ng iba't ibang serbisyo.
Idagdag sa lawak at laki ng lugar ay halos maihahalintulad na ito sa isang maliit na barangay!
Habang papalapit sila ay unti-unti na ring lumilinaw ang mahaba at dambuhalang pader. Hindi na nagduda pa si Ino'og na nasa kabilang bahagi nga nito ang nag-iisang lungsod ng lalawigan. Dahil ramdam niya iyon mismo sa matayog na awra ng pader.
Kung bakit sa kabila ng kahirapan ay masigla pa rin ang takbo ng malawak na kabahayan, iyon ay dahil nasa labas lang ito ng isang lungsod na dinadagsa ng napakaraming tao sa buong lalawigan. Ito ang napantanto ni Ino'og. Gayunman ay nagtataka pa rin siya kung bakit nasa labas ng pader nakatira ang mga mahihirap na timawa.
Ito ang dahilan ng pagkunot ng noo niya.
Ang Lungsod ng Mandaran ay wala ring pinagkaiba sa mga barangay na ibinubukod at itinatapon sa sulok ang mga mahihirap at yaong mga nasa laylayan ng lipunan.
May mga taliba pa rin namang nakikita si Ino'og sa lugar na malamang ay may pakialam pa rin sa pagpapanatili ng kaayusan dito. Sandali silang kinikilatis ng mga talibang ito ngunit hindi naman sila pinakialaman. Marahil ay batid na ng mga ito ang sadya nila sa lungsod.
BINABASA MO ANG
Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)
AcakProgression Fantasy (Cultivation) novel na pinoy ang dating! Nakabase sa pinaghalo-halong Philippine Mythologies at Philippines precolonial cultures. Genre: Fantasy, Adventure, Action, Drama -Third-Person POV -Male Lead -Filipino Novel Story Descrip...