KABANATA 25

110 26 7
                                    

KABANATA XXV: Binhay ng Itim na Inakay

BAGO PA may dumating na iba pang mga halimaw ay agad nang kumilos si Kapitan Garung. Ikinalat niya ang kaniyang awrang pandigma sa malawak na damuhan na agad na ikinaalerto ng dalawang Lunhawang Pilandok. Dahil malakas at kilala ng dalawang halimaw ang awra ng kapitan ay pagtakas ang agad na nasa isip ng mga ito.

Nagulat si Ino'og sa mabilis na paggalaw ng kapitan. Naiwan siya sa kanilang pinagtataguan at nang sunod niyang tingnan ang dalawang Lunhawang Pilandok ay nakasubsob na ang mga ito sa lupa. Umaatungal at pilit nagkukumawala. Ang isa ay tapak sa leeg ni Kapitan Garung habang ang isa naman ay hawak sa mga sungay. Walang anumang pinadapa ni Kapitan Garung ang dalawang halimaw nang sabay!

"Ano pang hinihintay mo diyan?!" biglang sigaw ni Kapitan Garung sa binatilyo. "Kung ano mang gagawin mo ay bilisan mo na at baka mapilayan ko pa ang dalawang ito! Marami pa kaming karne sa kuta kaya wala akong balak na patayin ang mga ito!"

Agad natauhan si Ino'og at mabilis na bumaba sa damuhan. Nang makalapit siya ay agad niyang isinagawa ang pagsusuri sa dalawang halimaw. Napakalakas ng mga Lunhawang Pilandok kaya bahagyang nahirapan pa si Ino'og na ituon ang kaniyang gahum sa pagsisiyasat sa katawan ng mga ito. Mabuti na lang at tinulungan siya ni Kapitan Garung sa pamamagitan ng pagdidiin ng awra nito upang ipinid ang dalawang halimaw.

Makaraan ang ilang minuto ay bahagya na siyang lumayo at sinabihan ang kapitan na maaari nang pakawalan ang dalawang halimaw.

Nang bitiwan ni Kapitan Garung ay kasimbilis ng hangin na agad na nawala ang dalawang Lunhawang Pilandok sa malawak na damuhang iyon.

"Nakita mo na ba ang sagot mo?" tanong ni Kapitan Garung.

Nakakunot ang noo ng binatilyo gaya noong mag-umpisa kaya isa lang ang ibig sabihin nito.

"Wala rin akong makita sa kanila..." umiiling na sagot ni Ino'og.

Napailing din si Kapitan Garung at napabuntong-hininga. "Baka naman kasi hindi talaga ito tungkol dito. Baka nagkakamali ka lang ng nakita sa pinuno... Makinig ka..." taimtim na tinitigan ng kapitan si Ino'og bago nagpatuloy, "nalulugod ako sa ginagawa mong ito, sa paghahanap ng lahat ng paraan para mapagaling ang aming pinuno. Inaamin ko na napapahanga mo ako. Subalit, kailangan mo nang itigil ito kung hindi mo talaga kaya. Mauunawaan iyon pati ng pinuno."

Hindi nakaimik si Ino'og. Sa ganitong sitwasyon ay ayaw niyang sumuko. Nagkaroon sila ng tila pustahan ng pinuno ng Pangkat ng Mababangis na Unggoy at magagamit niya iyon sa tuluyang pag-alis dito sa Samandaranan. Bukod pa roon ang bagong kaalaman at karanasan na matututuhan niya sa sitwasyong ito. Ito ang unang beses na nasubok siya sa isang makatotohanang panggagamot. Sa limang taon niyang pag-aaral sa gabay ni Tandang Ma'ayon ay mga pangunahing kaalaman lang ang kaniyang nakuha at kulang na kulang ang aktwal na karanasan. Kaya kailangan niya ito.

"Kailangan kong magsiyasat pa," sabi ni Ino'og at iniwan niya ang kapitan.

Sa pagtuklas ng karamdaman, bawat detalye, maliliit man o malaki, o kahit iyong malayo na at tila hindi konektado, ay mahalaga. Wala itong pinagkaiba sa pagsisiyasat na ginagawa sa mga krimen. Ito ang nasa isip ni Ino'og kaya nilibot niya ang mga tumutubong Lilang Talahib.

Kanina niya pa napansin ang matapang na amoy ng halamang ito, at hindi iyon nalalayo sa amoy ng karne ng Lunhawang Pilandok. Ang amoy ay kapwa likha ng mayamang gahum ng isa't isa. Ang Lilang Talahib ay kinakain ng Lunhawang Pilandok --- isa itong panibagong palatandaan. Mas tumaas ang tiyansa na marahil ay sa pagkain nga galing ang mga parasitikong iyon!

Napag-isip ni Ino'og na sa pamamagitan ng estado ng gahum --- base sa amoy nito --- kaya natakpan ang presensya ng mga parasitiko. Ito malamang ang dahilan kaya hindi iyon napansin ng pinuno ng mga tulisan!

Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon