KABANATA 29

60 8 0
                                    

KABANATA XXIX: Kalipay (1)

TILA kumikislap ang mga mata ni Ino'og habang nakatingin sa maliit na supot na hawak ngayon ni Kilu.

"Naamoy mo agad? Ikaw na talaga magaling sa lahat!" sabi ni Kilu na ibinato na lang ang supot kay Ino'og na nasalo naman agad nito. "Uminom ka niyan, mukha kang binugbog na asong-gubat," sabi pa ni Kilu.

Natatawa namang agad na binuksan ni Ino'og ang supot. Lalong pumasok sa ilong niya ang matapang na amoy nang makita ang maliliit na pildoras, kasinlaki lamang ng butil ng bigas ngunit pabilog ang hugis. Agad siyang kumuha ng isa nito at kinain. Sapat na ang isa upang mawala ang pagod at pananakit ng kaniyang katawan.

Ibinalik niya agad ang supot kay Kilu pagkatapos. "Nasa Pulangtubig pa lang, naamoy ko nang may dala ka nito," natatawang sabi niya sa kaibigan. Hindi na siya pinansin ni Kilu dahil nag-umpisa na itong kumain.

Ngayon pa lang ang unang beses na gumamit si Ino'og ng butil ng balikkusog. Gayunman, alam niya kung paano paghusayin ang bisa nito sa loob ng kaniyang katawan. Dahil nakakita na rin naman siya nito noon at napag-aralan na rin ng kaunti sa tulong ng kaniyang gurong si Tandang Ma'ayon.

Kilala ang balikkusog bilang inuming pildoras na kaagapay ng isang mandirigma. Malaki ang naitutulong nito sa mas mabilis na pagpapagaling ng mga tinamong pinsala sa katawan. Sa tulong nito ay hindi na kailangan pang magnilay o magpahinga nang matagal ng isang mandirigma sa pagpapagaling ng sarili.

Kung bakit ngayon pa lang ang unang beses na nakagamit si Ino'og ng butil ng balikkusog ay may dalawang dahilan:

Una ay wala siyang kakayahang makabili nito. Gaya ng iba pang kayamanan, mga babaylan lang din ang nakalilikha ng balikkusog kaya naman may kamahalan ang isang butil nito. Ang magkaroon ng isang supot nito si Kilu ay patunay ng pagiging mayaman at anak-maharlika ng kaniyang kaibigan.

Pangalawa, sa mahigit sampung taon niya sa Samandaranan, kahit kailan ay hindi kinailangan ni Ino'og ng tulong nito. Lahat naman kasi ng mga naging laban niya ay maituturing na hindi seryoso. Pati na noong nakasagupa nila ang tulisang si Balingo, bagama't seryosong sitwasyong iyon ay malinaw na wala siyang kalaban-laban sa tulisang iyon kaya hindi niya iyon kailanman itinuring na totoong laban.

Sa ngayon, ang pinakamagandang naging laban pa lang para kay Ino'og ay itong katatapos lang. Totoong may natutuhan siya sa palitan nila ni Anaya. At hindi niya maiwasang masabik sa isipang nag-uumpisa pa lang ang ganitong karanasan.

Nasa Ikatlong Yugto na siya at nasa Libdonglingin na sila. Tiyak si Ino'og na rito na mag-uumpisa ang nais niyang mga labanan!

Wala na sila sa Samandaranan --- lugar na noon ay inakala niyang tunay na mundo ng mga mandirigma, ngunit nitong nagdaan lang ay dalawang beses nang sinabi sa kaniya na maituturing pa raw na mapayapang lugar kung ikukumpara sa totoo talagang nangyayari sa mundo. Nasabi ito una ng kaniyang gurong si Tandang Ma'ayon, at pangalawa ng pinuno ng Pangkat ng Mababangis na Unggoy na si Unaunta.

Alam ni Ino'og sa sarili na hindi rin naman perpektong lalawigan ang Samandaranan, dahil naging saksi siya sa ilang pangit na tagpo rito. Tahimik lang marahil ito at ang hamak na pinakamaliit sa lahat ng lalawigan sa buong Ma-i, kaya marahil hindi ito gaanong naapektuhan ng nangyayari sa mundo.

Ngunit kung ano man ang totoong nangyayaring iyon, narito na sila at tiyak magdadala ito sa kaniya ng magandang karanasan!

Matapos ang halos isang oras ay bumuti na rin ang pakiramdam ni Ino'og. Tapos na ring kumain si Kilu at kasalukuyang nagpapahinga na lang, tahimik na nakamasid sa kaharap nilang dagat.

Si Anaya, bagama't kasama nila ito sa paglalakbay, sa oras ng pagkain at ganitong pagpapahinga tuwing gabi ay humihiwalay ito na hindi na lang nila pinakikialaman.

Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon