KABANATA XXVI: Ang Ikatlong Yugto
SA UTOS ng kanilang pinuno ay nagdaos nga ng mala-munting piging ang Pangkat ng Mababangis na Unggoy. Naging maingay ang buong kuta. Ang buong pangkat ng mga tulisan ay nakisaya at iniwan ang kanilang mga trabaho, pati na ang mga naatasang magbantay sa buong bundok ay nakisaya. Isang gabi lang naman ito ng pagpapabaya at hindi na rin sila gaanong nangagamba pa gayong nagbalik na ang lakas ng kanilang mahal na pinuno. Malaking bagay ito sa kanila lalo pa at isang buwan ding naging matamlay ang kanilang kuta. Noon pa man ay madalas na silang nagdadaos ng mga kasiyahan. Isa itong paraan nila upang aliwin ang mga sarili mula sa katahimikang dala ng Bundok ng Talandan.
Limang malalapad na hapag ang kasalukuyang magkakahiwalay na nakapuwesto sa silid ng pagtitipon. Puno ito ng iba't ibang masasarap na pagkain --- inihaw na mga karne, mga prutas at kakanin. Mayroon din at sagana ang mga hapag sa inuming nakalalasing. Masaya ang lahat habang pumupulot ng pagkain at tumutungga sa hawak na tapayan. May nagkukuwentuhan, nagbibiruan, at hindi mawawala ang sayawan sa saliw ng tugtog na likha ng paghahampasan na ginagawa nila sa kanilang katawan.
"Narito na ang ating mga panauhing pandangal!"
Biglang natigil ang lahat sa kanilang ginagawa nang sumigaw si Kapitan Garung. Natahimik ang buong lugar.
Sunod silang napalingon sa direksiyon kung saan nakatingin ang kapitan.
Mula sa bungad ng silid ng pagtitipon ay tatlong kabataan ang pumasok. Dalawang binatilyo at isang dalagita.
Sa hitsura pa lang ay mahahalata nang anak-mayaman ang binatilyong nasa kaliwa. Matipuno, may kaputian ang balat, at isang makisig na lalaki kahit marungis ang hitsura dulot marahil ng mahigit isang linggo nang pagkakapiit nito.
Ganoon din ang dalagitang nakasunod sa dalawang binatilyo. Kahit masasabing isa pa lang batang binibini, ay nag-uumapaw na ang kariktan nito. May maamong mukha, mala-hiyas na kayumangging balat at ang hanggang dibdib na buhok ay masasabing napakalambot kahit sa tingin pa lang.
Hindi rin naman pahuhuli ang isa pang binatilyo. Kutis-kayumanggi, may magandang tindig, matipuno at isa ring makisig na lalaki. Kung hindi dahil sa kasuotan nito ay mapagkakamalan din itong anak-mayaman. Halos karamihan ng mga tulisang naroon ay itinuon ang tingin sa binatilyong ito.
Siya lang naman kasi ang nakita ng mga tulisan na kasama ng pinuno kanina nang biglang manumbalik ang lakas nito. Kaya hindi maiwasang mailang ni Ino'og sa maraming matang nakapukol sa kaniya.
"Binibining Anaya, nakikiusap ako, 'wag kang gagawa ng gulo." Habang mahinahong naglalakad ay pabulong na pinaalalahanan ni Ino'og si Anaya. Pagkalabas kasi ng piitian ay nagsabi na ang dalagita na hindi ito makikisaya dahil kalaban pa rin sa paningin nito ang mga tulisang narito.
At sinabi rin ni Anaya na kaniyang papatayin ang mga lalaking kumalaban sa kaniya sa kakahuyan. Anak ng isang datu si Anaya kaya natural sa kaniya ang pagkakaroon ng mapagmataas na ugali ng isang mandirigma.
Hindi umimik kay Ino'og ang dalagita at matatalim lang ang mga tingin nito na pumapalibot sa buong lugar. Napabuntong-hininga na lang si Ino'og.
"Samahan ninyo ako ritong tatlo sa intablado!"
Sunod namang umalingawngaw sa lugar ang magiliw na boses ng pinuno ng mga tulisan. Kasama nito sina Kapitan Garung at ilan pang kalalakihan sa isang espesyal na hapag na nasa ibabaw ng maliit na plataporma, ang siyang nagsisilbing intablado ng malawak na lugar.
Kaya nakangiting nagbigay-daan ang mga tulisan hanggang sa makaakyat sina Ino'og sa taas ng intablado.
Nang nasa hapag na sila at handa na sanang umupo, nagulantang na lang sina Ino'og at Kilu nang biglang daluhungin ni Anaya si Kapitan Garung.
BINABASA MO ANG
Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)
RandomProgression Fantasy (Cultivation) novel na pinoy ang dating! Nakabase sa pinaghalo-halong Philippine Mythologies at Philippines precolonial cultures. Genre: Fantasy, Adventure, Action, Drama -Third-Person POV -Male Lead -Filipino Novel Story Descrip...