KABANATA XV: Ang Simula
GAYA ng nais ni Datu Punsoy, naging madali sa mga mag-aaral ng Pulangtubig ang Pagtatapos na Pagsasanay.
Nagtagumpay ang mga mag-aaral na malansag ang mga tulisang-dagat na nanggugulo sa kapuluan ng Dagat Lingin. Gayunman, limang mag-aaral pa rin ang nasawi na agad nilang inilibing at pinagdausan ng agunyas, ang lima ay galing sa grupo nina Anaya at Dimaag --- palatandaan na mas matindi ang naging misyon ng mga ito. Sa mga grupo naman ng nasa maliit na isla ay si Guling lang ang tanging nasawi, at tanging sina Ino'og at Kilu lamang ang nakaaalam sa ikinasawi nito. Si Gangun at ang ilan sa matapat nitong alalay ay nilisan na ang isla dahil sa takot kay Ino'og.
May mga nasawi rin sa mga tulisang nakasagupa nina Ino'og, kabilang na si Balingo na hindi sumuko at nagpakamatay sa harap nina Dimaag at Anaya. Napag-alaman din nina Ino'og na karamihan sa nasawing tulisan ay kagagawang lahat ni Gangun. Pumaslang ito ng mga tao bago tumakas, marahil ay ginawa nitong patunay upang hindi bumagsak sa pagsasanay.
Maayos na ang lahat sa islang iyon at ang kailangan na lang nilang gawin ay hintayin ang pagbabalik nina Lahun pagkatapos ng ilan pang mga araw.
Sa araw na ito sa kanlurang dalampasigan ng isla ay makikita ang dalawa nina Ino'og at Kilu na nakaupo sa dalampasigan at sinusulit ang maaliwalas na araw. Pinapanood din nila ang malabo ngunit dambuhalang anyo ng lalawigan ng Libdonglingin.
"Si Guro pala ang dahilan kaya nagtungo rito sina Anaya at Dimaag," salita ni Kilu. "Malakas talaga ang dalawang iyon. Batid ni Guro na maagang matatapos ng dalawang iyon ang kanilang misyon kaya pinaalalahan sila ng kung maaari ay magtungo rito upang tayo naman ang matulungan. Mabuti na lang at dumating sila sa tamang oras."
"Ipinamukha lang din sa atin na talagang mahihina tayo at kailangan pang may tumulong sa atin," matabang na sagot ni Ino'og. Ito ang dahilan kaya hindi siya natuwa kahit iniligtas siya nina Dimaag at Anaya.
Napabuntong-hininga si Kilu. "Tama ka. At isa pang sampal, lubhang mas mahirap ang misyon nila kumpara sa atin. Dahil bukod sa dalawang Ikatlong Yugto ang kalaban nila, kailangan din nilang panatilihing payapa ang ruta ng dagat mula sa mga tulisan. Bagama't mga karaniwang manlalayag lamang ang dumaraan sa ruta, ayaw pa rin ng Mahal na Lakan na may kaguluhan --- kahit na maliit --- dahil kasiraan iyon sa impresyon ng mga dadalo sa nalalapit na pagdiriwang sa lungsod."
Napatingin si Ino'og sa kaibigan, sa sinabi nito ay may bigla siyang naalala. Bagay na gumugulo sa isip niya sa umpisa pa lang ng Pagtatapos na Pagsasanay nila. "Kilu, hindi ka ba nagtataka kung bakit tayo ang naatasan sa gawaing ito?" kunot-noong tanong ni Ino'og. "Hindi hamak na mas marami namang malalakas na mandirigma sa lalawigan, tiyak madali lang nilang mabubura ang mga mahihinang tulisan kung sila ang kikilos."
"Gaya nga ng sinabi ko, isang maliit na bagay lang ito para sa Lakan. At..." Sandaling tumigil sa pagsasalita si Kilu at nagpalinga-linga sa paligid upang tiyaking walang nakaririnig sa kanila, "isang lihim ang dahilang ito. Bago pa ianunsiyo ng Mahal na Datu, alam ko na ang layon ng magiging pagsasanay natin dahil sinabi sa akin ni ama. Ang mga tulisang narito ay hindi talaga mga tulisan. Sila ay mga kaanak at tauhan ng dating datu ng Pulangtubig!"
"Dating datu ng Pulangtubig!?" gulat na pag-uulit ni Ino'og.
"Tama," seryosong tugon ni Kilu. "Ang angkan ni Datu Punsoy ay labinlimang taon pa lang sa pagiging Maginoo ng Pulangtubig. Dati silang maharlika gaya ng Pasungkayo namin. Hinamon nila at pinatalsik ang angkan ng dating datu! Kaya ayun pagkatapos ng agawan, ang mga natirang kaanak pati na ang mga tagapagsilbi ng dating datu ay napilitang magtago sa kapuluang ito dahil hindi sila ligtas sa Samandaranan. Marami pa raw malalakas na mandirigma ang natira at tumakas noon ngunit nitong nakaraan lang ay pinaslang na silang lahat ng Mahal na Datu dahil napagalitan siya ng Lakan. At marahil ay nagtira lang siya ng ilang mahihinang Ikatlong Yugto at mga nasa Ikalawang Yugto pababa upang ito ang magamit natin sa ating Pagtatapos na Pagsasanay!"
BINABASA MO ANG
Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)
De TodoProgression Fantasy (Cultivation) novel na pinoy ang dating! Nakabase sa pinaghalo-halong Philippine Mythologies at Philippines precolonial cultures. Genre: Fantasy, Adventure, Action, Drama -Third-Person POV -Male Lead -Filipino Novel Story Descrip...