KABANATA XX: Pag-alis sa Pulangtubig
PAGKATAPOS ng pagninilay ni Ino'og ay muli niyang kinausap si Anglon at pagkaraan naman ay si Kilu ang kaniyang tinungo. Nagkausap sila at inalam niya rin mula sa kaibigan ang tinutuluyang bahay ni Tandang Ma'ayon. Nais niyang sa kaniyang guro naman siya pormal na magpaalam. Nagpasya na si Ino'og na bukas sa pagsikat ng araw ay lilisanin niya na ang Pulangtubig.
Malalim na ang gabi nang pinuntahan niya ang bahay ni Tandang Ma'ayon. Hindi naman naiiba ang tinutuluyan nitong bahay sa iba pang bahay sa teritoryo ng Pasungkayo. Sa bungad nito sa loob ay may latag at maliit na hapag bilang puwesto sa pagtanggap ng panauhin.
"Guro," yumukod muna si Ino'og sa harap ng kaniyang guro bago siya umupo sa latag katapat nito. "Hindi pa po ako nakapagpapasalamat sa ginawa ninyong pagliligtas sa aking ama at sa akin po. Lubos akong nagpapasalamat, guro."
Tumango lang naman ang matanda kaya nagpatuloy si Ino'og, "magpapaalam na po ako sa inyo. Sa tingin ko po ay kailangan ko nang matuto mula ngayon sa aking sarili."
"Narinig ko ngang lilisanin mo na ang Pulangtubig," sagot ni Tandang Ma'ayon. "Hindi ako tumututol. Mainam na ikaw ay nagtungo rito dahil bilang iyong guro ay kailangan kitang bigyan ng mga payo tungkol sa ilang bagay."
"Salamat po guro. Makikinig ako sa inyo."
Isang munting garapa na may kakaibang dilaw na likido ang inabot ng matanda kay Ino'og.
"Ang bagay na iyan ay isang pangontra," sabi ni Tandang Ma'ayon. "Aking batid na binabalak mong tugisin ang mga aswang. Hindi iyan gaanong mabisa sa pakikipaglaban ngunit malaki pa rin ang maitutulong niyan sa paghahanap at pag-iingat mo sa kanila. Bukod doon, ako ang mismong lumikha niyan kaya kakaiba iyan sa mga karaniwang pangontra. Hindi lang iyan para sa mga aswang kundi pati na rin sa iba pang mga nilalang na hindi tao. Agad mo iyong mababatid sa galaw ng pagkulo ng likido."
Agad na namilog ang mga mata ni Ino'og sa narinig at sinuri niya ang maliit na botelya. May alam naman siya tungkol sa pangontra --- isang bagay na biglang kumukulo kapag may aswang sa paligid --- ngunit bago sa pandinig niya ang sinabi ng matanda na kumukulo rin ito sa iba pang mga nilalang. At walang duda na ang mga nilalang na iyon ay gaya ng mga lamanglupa at maligno!
"Ngayon aking sasabihin sa iyo na hindi basta-bastang kaaway ang mga aswang. Nagmula pa rin sila sa mahabang hanay ng mahiwagang lipi."
Ang Minokawa. Kay Anglon unang narinig ni Ino'og ang kwento tungkol sa sinauna at mahiwagang halimaw na ito. Ngayon ay kinumpirmang totoo ito ni Tandang Ma'ayon. Ang Minokawa ay isang dambuhang ibon na may kapangyarihang kasinlakas ng mga anito. Sinasabing noong unang panahon ay ito ang naghasik ng mga mahiwagang binhing nagpatuloy na kumalat hanggang sa kasalukuyang panahon. Ang binhi na ito ay tinatawag na Itim na Inakay, isang totoong inakay na naninirahan sa katawan ng mga babaeng aswang at ang responsable sa pagdami ng lahi nila.
Ang iba pang kwento tungkol dito ay kapangipangilabot na.
"Aking hindi batid kung ano ang gagawin mo sa iyong paglalakbay subalit tandaan mong kailangan mo munang magpalakas," patuloy ni Tandang Ma'ayon. "Madalas ay nasa Ikatlong Yugto ang pinakamahihina sa mga aswang. At higit sa lahat ay mag-iingat ka sa isang aswang na nagngangalang Kama'ong, isa siyang matandang aswang na sa aking pagkakaalam ay siyang tumatayong nuno ng mga lahi nila rito sa Kapuluan ng Siyam na Lalawigan."
Kabilang ang Samandaranan at Libdonglingon sa tinatawag na Kapuluan ng Siyam na Lalawigan. Ito ang tawag sa lahat ng pulong lupain na nasa silangan ng Malaking Lupa. Ang Malaking Lupa ay ang nag-iisang kontinente sa buong Ma-i kung saan makikita ang labindalawa pang lalawigan.
BINABASA MO ANG
Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)
РазноеProgression Fantasy (Cultivation) novel na pinoy ang dating! Nakabase sa pinaghalo-halong Philippine Mythologies at Philippines precolonial cultures. Genre: Fantasy, Adventure, Action, Drama -Third-Person POV -Male Lead -Filipino Novel Story Descrip...