KABANATA 14

134 32 2
                                    

KABANATA XIV: Pagtatapos na Pagsasanay (5)

ISANG umaga sa pulo ng Kawawaynan.

Wala pa ring nagbago sa tanawin at likas na kagandahan ng munting isla. Isang bangka na may mga lulang kagamitan ang inuugoy ng banayad na alon. Malapit sa mabatong dalampasigan ay naghihintay ito sa apat na kalalakihang nasa harap ng isang matandang nakatungkod na.

Ang matanda ay walang iba kundi si Pinunong Tamal. Malaki na ang nadagdag sa kaniyang edad at mahahalata iyon sa kaniyang hitsura. Kasalukuyan niyang binibilinan ang apat na lalaki na ang dalawa ay sina Amal at Nanok.

"Labing-siyam na araw na ang nagdaan nang umalis si Anglon," sabi ni Pinunong Tamal. "Sa aking palagay ay may suliraning nangyari kaya aking ibig na inyo itong alamin. Kailangan nating palaging nagtutulungan. Nakalimutan ata iyon ni Anglon."

Napabuntong-hininga pa ang matanda habang sabay-sabay namang masigasig na tumango ang apat na kalalakihan.

"Ama, lilisan na po agad kami. Kami na ang bahala at hindi ninyo na po kailangang mag-alala," pagsisiguro ni Amal.

Tumango at napangiti na lang si Pinunong Tamal sa anak. Ilang sandali pa ay umalis na ang apat at naiwan ang matanda na nakatitig sa palayo nang bangka.

Bahagyang nag-aalala si Pinunong Tamal ngunit mas nananaig ang nararamdaman niyang kasiyahan sa puso. Sinabi sa kaniya ni Anglon bago ito umalis ang tungkol sa Pagtatapos na Pagsasanay ng mga mag-aaral. Kabilang sa mga magtatapos ay sina Ino'og at Guling. Kapag nakapasa ang dalawang iyon at nakatapak sa Ikatlong Yugto ng Paglilinang, ibig sabihin, ang kanilang munting isla ay magkakaroon na ng apat na mga ganap na mandirigma!

Si Anglon na napansin niyang patuloy na nagpapalakas, si Liros na nagsisilbi sa tahanan ng datu ng Pulangtubig, at sina Ino'og at Guling na magtatapos na. Walang pagsidlan ang tuwa sa puso ni Pinunong Tamal dahil ito ang matagal nang pangarap niya. Sa tulong ng apat ay magkaroroon ng pundasyon ang kanilang nayon at sa hinaharap ay may posibilidad na maging isang maharlikang komunidad. Hindi na sila lalaitin at babaliwalain pa ng mga nagmula sa pangunahing lupa.

Nang nawala na ang bangka sa paningin niya ay pumihit na si Pinunong Tamal pabalik sa kanilang panirahan. Ang payak at matiwasay na kabahayan pa rin ang inabutan niya.

Ang mga bata ay masayang naglalaro sa labas.

Ang mga tatay ay gumagawa ng mga lambat at kagamitang panghuli ng isda, habang ang mga nanay naman ay abala sa pagbibilad ng iba't ibang huling pagkaing-dagat.

Ginagawa ng bawat isa ang kanilang mga gawain habang masiglang nag-uusap-usap.

Isang tanawin ng simpleng nayon.

Sandaling pinagmasdan ito ni Pinunong Tamal habang siya ay nakangiti.

Nang magpatuloy na siya sa paglalakad ay masaya siyang sinalubong ng mga bata. Bawat isa ay humalik sa kaniyang palad, pagmamano bilang likas nilang kaugalian sa paggalang.

Ang mga magulang naman ay binati siya ng may malalapad na ngiti nang dumaan siya sa harap ng mga ito.

Sa tingin ni Pinunong Tamal ay naging mabuti naman siyang pinuno, kaya bukod sa pangarap niya para sa nayon ay wala na siyang ibang mahihiling pa.

Bago pa siya makapasok sa kaniyang bahay ay napansin ni Pinunong Tamal ang isang batang babae na nakaupo sa isang tabi at may malungkot na mukha.

Nilapitan niya ito. "Guying, ano ang iyong ginagawa rito? Bakit hindi ka sumali sa iyong mga kaibigan na naglalaro?"

"Papong, hindi naman po ako kasing saya nila," malungkot na sagot ng batang babae.

"Bakit naman? Ikaw ba ay may dinaramdam?"

Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon