KABANATA 31: Resolba ni Ino'og, Rason ni Unaunta, at Silip sa Dibhataw
MALALIM na ang gabi nang makabalik si Ino'og sa tinutuluyan nila ni Kilu. Nadatnan niyang tulog na ang kaibigan. Hindi muna siya natulog at habang nakaupo sa ibabaw ng kaniyang higaan ay inilabas niya ang tansong-tinggalan na palihim na ibinigay sa kaniya ni Punong-amang Kalipay'an.
Hindi ito ang unang beses na nakakita si Ino'og ng isang tansong-tinggalan. Ang wangis nito ay parang mababaw na mangkok, yari sa tanso at kasinlaki lang ng palad ng tao. Sa mundo ng mga mandirigma, isa itong mahiwagang kasangkapan na ginagamit bilang sisidlan ng mga hindi nasasalat na bagay gaya ng mga tala o ulat. Madalas ay sipi ng Aklat ng Pamamaraan [sa anyo ng gahum] ang inilalagay rito. Hindi gaya ng ibang mga sisidlan, ligtas at matibay ang tansong-tinggalan. Hindi ito basta-bastang nakukurap at nasisira.
Sa tingin ni Ino'og, ang tansong-tinggalan na hawak niya ay naglalaman ng isang mahalagang mensahe na hindi maaaring sabihin ni Punong-amang Kalipay'an kanina nang mag-usap sila.
Gamit ang kaniyang hintuturo ay sinaksakan niya ng kaniyang gahum ang tansong-tinggalan. Nagliwanag ito, at sa isang kisapmata, ang liwanag ay mabilis na hinigop ng hintuturo niya.
Napapikit ang binatilyo nang pumasok sa utak niya ang laman ng tansong-tinggalan.
"Mga Pinuno! Nakabalik na kayo!"
"Nagtagumpay po ba kayo?"
"Tinapos n'yo na po ba ang asungot na lalaki?! Ang sanggol?"
"Aalis na po ba tayo?! Nalikom na namin ang lahat ng bangkay! Malinis na po ang buong lugar!"
Isang gumagalaw na imahe ang kasalukuyang nasasaksihan ni Ino'og sa kaniyang isip. Ang mga nagsalita ay mga aswang! Malinaw ang pagbungad ng hitsura ng mga ito. Ang hindi bababa sa dalawampung mga aswang ay puro tanong ang isinalubong sa sampu pang mga bagong dating na aswang. Karamihan sa mga aswang na ito ay sugatan at naliligo sa dugo --- kung iyon ba ay sariling dugo o dugo ng nakalaban ng mga ito ay hindi malinaw. Subalit kung pagbabatayan ang awra ng lugar --- isang madugong digmaan ang kalilipas pa lang!
Nagulat si Ino'og nang mapansin niya sa gitna ng lugar na iyon si Punong-amang Kalipay'an. Nakaluhod sa lupa, malubhang sugatan at bantay-sarado ng mga aswang. Hindi pa gaanong matanda ang punong-ama ng mga Kalipay --- ibig sabihin... mas lalong nagulat si Ino'og... ang nasasaksihan niya ay kuhang-pangyayari nang gabing iyon! Mahigit labing-anim na taon na ang nakararaan nang lusubin ng mga aswang ang Maghugsay!
Sa gumagalaw na larawan ay sabik na sabik ang mga aswang na nagbabantay kay Punong-amang Kalipay'an sa pagdating ng sampu pang mga aswang na may mas malalakas na awra. Mga pinunong aswang. Ang ilan ay pamilyar pa kay Ino'og --- ang mga aswang na muntik nang pumatay sa kaniya ngunit marahas na pinaslang ni Waloy noong gabing inatake ang Kawawaynan!
"M-Mga kapatid... ano'ng nangyari?" Isang matipunong aswang na may malakas ding awra ang garalgal na sumalubong sa sampung bagong dating. Napansin nito marahil ang hindi magandang timpla sa mukha ng sampu.
"Kamot, nakatakas sila! Hindi na namin nagawang makahabol pa!"
"Hindi pangkaraniwan ang dalawang lamanglupang tumutulong sa lalaking iyon! Kailangan natin itong ipaalam sa mga Ina, Kamot!"
"ANO!?" Hindi makapaniwala ang matipunong aswang na nagngangalang Kamot sa mga narinig. "Ngunit... Hindi ito maaari... bakit kayo tumigil sa paghabol!? Hindi kailangang lahat kayo ay bumalik!"
Napawi na rin ang galak sa hitsura ng iba pang mga aswang; napalitan ng pagkagimbal nang maunawaan ang nangyayari.
"Hindi natin kaya ang dalawang lamanglupang iyon, Kamot! Kita mo't mahigit tatlumpu tayong mga pinuno ngunit ngayon ay labing-isa na lang tayong natitira! Masyado nating minaliit ito! Kailangan natin ng tulong ng mga Ina! Sila na lamang ang makatatapos nito!"
BINABASA MO ANG
Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)
RandomProgression Fantasy (Cultivation) novel na pinoy ang dating! Nakabase sa pinaghalo-halong Philippine Mythologies at Philippines precolonial cultures. Genre: Fantasy, Adventure, Action, Drama -Third-Person POV -Male Lead -Filipino Novel Story Descrip...