KABANATA 11

117 31 1
                                    


KABANATA XI: Pagtatapos na Pagsasanay (2)

PAYAPA ang gabi at ang liwanag ng buwan ay manipis na naglalagos sa nagtataasang mga puno na kumukubli sa hindi gaanong masukal na lugar. Nakatayo sa lugar na iyon ang pigura ng isang binatilyong nakatuon ang konsentrasyon sa hawak na mahabang tabak.

Nakapikit ang binatilyo na walang iba kundi si Ino'og habang sa isip niya ay paulit-ulit niyang sinasaulo ang mga nakatatak na galaw at salita sa kaniyang memorya.

<Daang Punto ng Talas>.

Ang kasanayang ito ay mula sa isang Pamamaraan sa paggamit ng sandata na natutuhan ni Ino'og mula sa silid-aklatan ng paaralan. Ngayon ay sinasaulo niya ito at sinusubukang ilunsad.

Sa harap niya kung saan nakaumang ang tabak ay makikita ang isang maliit na puno na halos kasintaas niya lang.

Hindi nagtagal ang pagpikit niya dahil ilang sandali pa'y marahan siyang lumanghap ng hangin. Kasunod nito ang biglang pagmulat ng mga mata niya.

Mabilis na paghakbang.

At sa huli, ang mala-kisapmatang sunod-sunod na pagwasiwas ng kaniyang tabak.

Halos tatlong segundo lang ang tinagal ng galaw na iyon ni Ino'og. Walang naging ingay. Ngunit isang ngiti ang gumuhit sa mga labi ng binatilyo.

Nang dumaan ang marahang ihip ng hangin, sa maliit na punong nasa harap niya ay unti-unting naglaglagan ang mga sariwang dahon mula rito.

Halos nakalbo ang puno!

Isang kontentong ekspresyon ang sumilay sa mukha ni Ino'og nang makita ang nangyari sa puno. Saka niya inilipat ang tingin sa hawak na tabak.

"Tabak ni Amankalaw... talaga ngang pambihira ang sandatang ito!" Nawika niya sa sarili.

Halos maperpekto niya na ang <Daang Punto ng Talas>. Ilang beses niya na rin itong sinasanay at simula noong napunta sa kaniya ang mahabang tabak mula sa Kubol ng Sandata, ay mabilis na ang inunlad niya sa kasanayan na ito sa halos isang buwan lang!

Noon pa man bago pa mapunta sa kaniya ang Tabak ni Amankalaw ay maraming beses niyang ginagawa ang kasanayang <Daang Punto ng Talas> pero kahit kailan ay hindi niya ito nailunsad nang maayos. Lalo pa at nasa Ikalawang Yugto pa lang siya at ang nagagawa niya pa lamang ay karaniwang paglunsad ng galaw.

Ngunit ngayon sa tulong ng pambihirang Tabak ni Amankalaw ay nakapaglulunsad na siya nang halos perpekto na.

Ito ang isa sa mga bagay na kahangahanga sa isang pambihirang sandata.

Hindi lang ito nagbibigay ng dagdag na lakas sa mandirigmang may hawak nito, nakatutulong din ito sa mahusay na paglulunsad ng mga Kasanayan at Pamamaraan!

Napabuntong-hininga si Ino'og. Dahil nakontento na sa resulta ng kaniyang pagsasanay ay nagpasya na siyang kilalanin ang gabi. Oras na para magpahinga. Lalo pa at bago ang pamimitak bukas ay kailangan na nilang magpatuloy sa paglalakbay. Mahigit dalawang araw na rin mula nang lisanin nila ang paaralan, ngunit ayon sa mapa ay hindi pa rin nangangalahati ang kanilang nilalakbay. Sa tingin ni Ino'og ay baka abutin pa sila ng limang araw bago makarating sa kanilang destinasyon.

Agad nang bumalik si Ino'og sa lugar kung saan nakapuwesto at nagpapahinga ang mga kasama.

Nang makaalis na ang binatilyo ay isang pigura naman ang walang ingay na lumabas mula sa dilim. Nilapitan nito at kinilatis ang maliit na punong kinalbo ng binatilyo.

"Tama nga si Ginoong Dalaon. Mahusay ang batang iyon," namamanghang sambit ng pigura na walang iba kundi si Lahun.

Siya ang kasalukuyang bantay at tagamasid sa grupo nina Ino'og. Hindi ito nagkataon dahil sinadya talaga ni Lahun na ang grupong ito ang sundan. Dahil ito sa pakiusap sa kaniya ni Tandang Ma'ayon. Karaniwan lang na mag-alala ang matanda kay Ino'og dahil pansarili nitong mag-aaral ang bata, ngunit sa palagay ni Lahun ay may iba pa itong dahilan. Kilala niya ang matandang manggagamot. Kahit na patuloy itong nanggagamot, ay wala talaga itong pakialam sa buhay ng kahit na sino. Katunayan ay tinatahak na nito ang pangingilin, kaya nga nagulat pa siya noon nang gawin nitong pansariling mag-aaral ang batang si Ino'og.

Paglubog at Pagsikat (Rise of the New Sun)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon