"Ma, gusto ko pong cotton candy."
Namamasyal kami ngayon ni Mama sa park. Nakahawak ako sa kamay niya at lumalakad-lakad kami pero napahinto ako nang makakita ako ng cotton candy na color pink. Si Mama lang ang kasama ko palagi dahil noong minsang pumunta kami sa Papa ko ay tinaboy-taboy kami noong asawa. Kaya naman akong palakihin ni Mama dahil accountant naman siya.
"Okay, anak." nginitian ako ni Mama. "Pero one lang dahil baka sumakit 'yung teeth mo."
Ngumiti ako tumango bago yakapin si Mama. Maliit pa lang ako kaya hanggang tiyan pa lang niya 'yung nayayakap ko. Natawa nang bahagya si Mama pero nang tumunog 'yung phone niya ay bumitaw na ako sa kaniya. Kinuha niya 'yung cellphone niya sa bulsa niya bago tumingin sa 'kin.
"May kakausapin lang si Mama sa phone." pagpapaalam niya.
"Ako na lang po bibili ng cotton candy." nakatingalang sabi ko sa Mama ko.
"Sure ka?"
Tumango ako. "Mag-iingat po ako."
Kinuha ni Mama ang wallet niya sa sling bag niya. Binigyan ako ni Mama ng pera galing sa wallet niya. Ngumiti ako at tumakbo na sa may nagtitinda ng cotton candy. Bumili ako ng color pink at excited pa ako noong iabot sa 'kin 'yon.
"Thank you po," inabot ko 'yung bayad ko kay Manong.
Lalakad na sana ako pabalik kay Mama pero may nakita akong batang lalaki na nakaupo sa isang bench dito na color brown at may sandalan. Mukha siyang malungkot dahil nakalagay 'yung dalawang kamay niya sa magkabilang gilid niya at nakayuko siya.
Tinignan ko si Mama na abala pa rin sa pakikipag-usap sa phone. Lumakad ako papunta sa bata, nakatayo lang ako sa tapat niya. Bahagya kong nilapit 'yung cotton candy sa kaniya kaya napatingin siya sa 'kin
"Hindi ko na tatanungin kung bakit ka malungkot pero sana kahit ito na lang, tanggapin mo." nilapit ko sa kaniya 'yung cotton candy habang nakangiti. Bahagya siyang napangiti at kumuha roon. "Pwede?" tinuro ko 'yung upuan sa tabi niya. Tumango siya kaya umupo ako roon.
"Pahingi," natawa siya at kumuha ulit ng cotton candy.
"Mas bagay sa 'yo nakangiti."
Natawa siya nang bahagya. "Sige, ngingiti na ako palagi. Sabi mo, eh."
"Hindi ka ba hinahanap ng mga magulang mo? Bakit mag-isa ka rito?"
"Ikaw rin naman mag-isa."
Napasimangot ako. "Bumili lang ako, ayon 'yung Mama ko. May kausap." tinuro ko si Mama na may kausap pa rin sa phone. "Ganda niya, 'no?"
Ngumiti 'yung bata. "Oo nga, kamukha mo."
"Ibig sabihin, maganda rin ako?"
Natawa siya at napailing. "Bakit hindi ka pa pumunta sa Mama mo?"
Inabutan ko siya ng cotton candy at kumuha naman siya ulit. "Okay lang, hintayin ko na lang 'yung mga magulang mo."
Umiling siya habang ngumunguya. "Huwag na. Sigurado akong abala pa sila mag-away." lumungkot 'yung mukha niya.
"Ganoon? Nakakalungkot naman 'yon." napasimangot din ako.
"Bakit, nag-aaway rin ba ang mga magulang mo?" biglang tanong niya bago kumuha ulit ng cotton candy.
Umiling ako. "Hindi sila magkasama. Number two raw kasi kami kaya hindi namin pwedeng makasama 'yung Papa ko."
Malungkot siyang ngumiti. "Ako rin, number two."
Kumunot 'yung noo ko. "Huh?"
Kumuha siya ulit ng cotton candy. "Number two ako ni Daddy. Basta mahabang story."
Tumango-tango na lang ako dahil hindi ko siya maintindihan.
"Elly!" pagtawag sa 'kin ni Mama kaya napatingin ako sa kaniya.
"Tinatawag na ako ng Mama ko. Sige." tumayo ako at ngumiti.
"Ah, wait." biglang sabi niya kaya hindi muna ako lumakad. May kinuha siyang kung ano sa bulsa niya. Naglabas siya ng coiner at mayroon doon na keychain. Tinanggal niya 'yung keychain at inabot sa 'kin.
"Ano 'to?" tanong ko habang nakatitig sa jersey keychain na may nakasulat na number '1'.
"Magiging number one ka rin." ngumiti siya sa 'kin.
Nilapag ko 'yung cotton candy sa tabi niya at kinuha ko sa buhok ko 'yung hairclip ko na may nakalagay na '1' mahilig kasi kami ni Mama sa Math kaya puro numbers 'yung design ng mga hairclips ko. Inabot ko 'yung clip sa batang lalaki.
"Magiging number one ka rin." ngumiti rin ako sa kaniya.
"Sige, ingat ka." kumaway siya sa 'kin.
"Bye," kinuha ko 'yung cotton candy at lumakad na papunta kay Mama.
"Ikaw, nakikipagdate ka ba? Seven years old ka pa lang." bungad ni Mama nang makalapit ako sa kaniya.
"Ih!" reklamo ko dahil ang bata ko pa. Hindi na nagsalita si Mama at tumawa na lang. Inakay na niya ako palakad.
Lumingon pa ako ng minsan doon sa bata. Nakatingin pa rin siya sa 'kin kaya kinawayan ko siya. Kumaway rin siya sa akin at ngumiti.
Hindi ko man lang pala natanong ang pangalan niya. Tinignan ko 'yung keychain sa kamay ko. Sana nga maging number one din ako balang araw. Sa huling lingon ko sa bata ay naglalakad na siya palayo kaya hindi na niya ako nakikita. Napangiti na lang ako.
Sana magkita tayo ulit... balang araw.
YOU ARE READING
The World Could Die (Change Series #3)
RomanceTaylor Ellery Esquivel experienced so much pain in life. She doesn't know how to love herself, how to fight for herself and how to let go on something that is consuming and draining her. She's always doing things alone. She has this wall between her...