Chapter 4

170 6 0
                                    

Flashback from the past...

Napaigtad ang sampung tong gulang na si Hillary sa bangkong kahoy na kinauupuan nang marinig niya ang lasing na boses ng paparating na ama.

Kumakabog ang dibdib, dali-dali siyang nagpunta sa maliit niyang silid at nagkulong. Sa murang edad ay namahay na ang takot sa kanyang dibdib. Narinig niya ang pabalandrang pagbukas ng pinto ng kanilang maliit na bahay.

"Phagkain! Hik," sabi nito sa lasing at sinisinok na boses. Malakas ang boses nito kaya sigurado siya na umaabot 'yon hanggang sa pandinig ng mga kapitbahay.

"Bhigyan ninyo akho ng phagkain! Phamehla! Nasaan kang put*ng-ina ka! Hhillary!"

Napaigtad si Hillary kasabay ng pagngiwi. Aktong tatayo na siya nang marinig niya ang boses ng kanyang ina na si Pamela. Galing ito sa palengke at nagtitinda ng mga gulay at ilang kakanin.

"Lando, ano ka ba? Nasa kanto pa lang ako, dinig ko na ang boses mo."

"Hano bhang pakialam nila sha akhin! Phagkain. Hainan mo na ako ng pagkhain. Mga wala kayong kuwenta!"

Naging sunod-sunod na ang murang lumalabas sa bibig ng ama ni Hillary. Sinasaway ito ng kanyang ina pero sa pag-aray ng kanyang ina ay mukhang sinaktan na naman ito ng ama niya, inampal o sinapok.

Tumayo si Hillary at tinungo ang nakabukas na bintana. Sumampa siya roon at tumalon. Pagkatapos ay nagpunta siya sa likod-bahay, sa taniman ng kanyang ina, lumayo-layo at sumiksik sa likod ng isang malaking puno.

Tinakpan niya ang magkabilang tainga para hindi marinig ang nagaganap sa kanilang bahay. Naglandas ang maiinit na butil ng luha sa magkabilang pisngi niya. Bukas, siguradong may mga
pasa sa katawan ang kanyang nanay.

End of flashback

Nakalabas na ng silid ang ina ni Hillary. Nilamon na ng kadiliman ang silid, nakahiga na rin siya sa kama at handa na sa pagtulog. Lumilipas ang oras pero nananatiling bukas ang kanyang mga mata, nananatiling aktibo ang isipan.

Ang kanyang ina ang halos bumuhay sa kanilang tatlong magkakapatid. Walang kuwenta ang kanyang ama. Sa pagdaan ng panahon ay lalo itong nalulong sa alak na kung makalaklak ay parang tubig lang iyon.

Kapag lasing ay maingay ito, nagmumura, nagwawala, nananakit. Wala ito ni katiting na kahihiyan sa katawan. Bawat utos na hindi masunod ay mananakit. Walang pasensiya.

Hindi alam ni Hillary kung bakit nagkaganoon ang kanyang ama. Ang alam lang niya ay ang takot at phobia na namahay sa puso niya para sa ama. Hanggang sa ang takot na iyon ay nauwi sa pagkamuhi, sa puntong hinihiling na niya na sana ay bawian na ito ng buhay at hindi na makita pa.

Ang bigat na dinadala niya ang rason kaya siya naging aloof at mapag-isa noong high school. Iyon ang dahilan kung bakit pinili niyang mabuhay sa loob ng sariling mundo. Hindi niya ibinabahagi ang alalahaning iyon sa mga kaibigan.

Itinago niya, ikinandado sa puso. Hindi niya alam kung alam ng mga ito ang sitwasyon niya noon dahil wala namang nagtangkang umusisa sa kanya.

Johanna, Gina, Wendy, and Sienna gave her the
space she needed.

Pagkaraan ng anim na taon, sa mismong araw ng
pagtatapos ni Hillary sa high school ay nangyari ang kanyang hiling. Maitim na hiling.

Nasangkot sa isang gulo ang kanyang ama hanggang sa mapatay ito. Lasing, siyempre. Ni hindi niya sinilip ang labi nito. Walang luha na tumulo mula sa mga mata niya para sa ama. Pakiramdam nga niya ay may tinik na natanggal sa kanyang lalamunan.

At ganoon niya kinamumuhian ang sariling ama. At patuloy niya itong kinamumuhian hanggang ngayon.

Dahil matalino rin, nakakuha si Hillary ng scholarship sa munisipyo. Naipasa niya ang lahat ng exam at naging scholar ng bayan. Sina Sienna ay sa
Maynila na nag-aral, sa malalaking unibersidad.

The Remarkable NightTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon