December 2005
Hindi ko alam kung bakit napakalamig ngayong gabi, pero gusto ko 'yung ganito. Nagvolunteer na akong magbantay sa tindahan namin dahil wala rin naman akong magawa at tsaka may hinihintay ako.
*insert Nokia tune here*
Eto na pala 'yung hinihintay ko.
Sasagutin ko na sana, biglang may bumili. Pero sorry custiomer, wala kaming tindang yelo.
Kinakabahan pa rin ako kahit na hindi naman ito 'yung unang beses na tumatawag siya sa'kin.
"Oh?" sagot ko nang may pagtaas pa ng kilay, kala mo naman makikita ng kausap.
"Oh ka diyan. Bakit anlamig ngayong araw?"
"Eh kasi hindi mainit." Sira talaga 'to. Mali yata siya ng natawagan. Hindi naman ako si Ernie Baron.
"Korni mo rin eh nu. Nakabili ka na ng pang-exchange gift?"
Oo nga pala. May Christmas Party kaming magkaklase 'nung High School sa Sabado.
"Hindi pa eh, nawala nga sa isip ko. Buti pinaalala mo. Ikaw ba?"
"Hindi pa din. Ngayon ko lang din naalala. Bibili sana ko bukas. Sama ka?"
Napalunok ako ng konting laway. Sana hindi niya ulit narinig 'yung heartbeat ko.
"Ayos lang. Saan ba?"
"Sa SM na lang? Para hindi mainit."
"Okay sige. Manlilibre ka ba?"
"Ano ka. KKB 'to. Dadaan muna ko diyan bukas."
"Aba. Susunduin mo pa ko, 'wag na. Sa SM na lang tayo magkita."
"Ang taas din talaga ng pangarap mo. Ba't kita susunduin? Syempre magmemeryenda muna ko diyan bago tayo umalis."
Napakamot ako tuloy sa likod ng ulo ko. Sira ulo talaga 'tong unggoy na 'to. Ang sarap palaklakin ng Baygon.
"Mas mataas pangarap mo. Ba't kita pagmemeryendahin? Iniimbitahan ba kita dito sa bahay para pameryen--"
"Ha-Ha-Ha!"
"Anong nakakatawa??"
"Para ka kasing tanga, Giraffe."
Nakapamewang na ako at huminga muna ko nang malalim. Tumawag lang yata 'to para mang inis eh.
Hindi na ako nagsalita.
"Hui Giraffe..joke lang."
Hindi pa rin ako nagsalita.
"Hui..Gi..Flora. Sorry na."
Natatawa na ko. Pero hindi ko pinaparinig. Natatawa ko kasi para siyang nagmamakaawang bata, at natatawa din ako kasi hanggang ngayon, adik pa rin ako sa boses niya. Nakakagaan ng loob.
"Flora.. Hoi. Hello? Ililibre kita bukas!"
"Talaga??" automatic ko na lang din nasabi. Ganu'n ba talaga ang tao? Basta usapang "libre", nagniningning ang buong pagkatao. Haha.
"Syempre hindi. At hoy. Hindi mo naririnig? Pabili daw. Nasa tindahan ka pala."
Ay sh*t!! Bigla kong nilapag 'yung cellphone sa lamesa. Buti na lang si YamYam lang 'tong bumibili, 'yung kapitbahay naming 6 years old. Bumili lang ng plastic balloon. Ang cute talaga ng batang 'to!
Ay sh*t again!! Si Daniel pala!!
"Hello??"
"Relax. Nandito pa ko. Si YamYam 'yun no?"
Napabuntung hininga tuloy ako. Kala ko kasi nawala na siya.
"Pa'no mo nalaman? Tsaka kilala mo pala si YamYam?"
"Kaboses niya eh. At ano ka ba, ilang beses nang labas-pasok 'yan sa bahay niyo 'pag nandiyan ako."
"Ah. Sabi ko nga eh." Wala na akong masabi. Ayoko talaga na wala akong masabi.
"Hmmm. Nga pala, sinagot ni Ria 'yung tawag ko kagabi. Akala ko talaga hindi na naman niya sasagutin."
Pakiramdam ko nawala lahat ng mga bituin sa langit. Ito siguro talaga 'yung dahilan ng pagtawag niya sa akin. Ano pa nga ba?
"Oh? Ano sabi mo?"
"Wala lang. Ai meron pala. Ano. Basta. Ang cute din pala ng boses niya."
"Sus. Ano nga sabi mo? Ikukwento mo tapos hindi mo naman sasabihin nang buo. Saksakin kita diyan eh."
"Tanga ko kasi.. tinanong ko bandang huli kung pwede ko ba siyang ligawan."
Ayun na nga. Tuluyan nang nawala ang mga bituin sa langit...at hindi ko alam kung may balak pa silang bumalik.
"Agad-agad? Ano naman sabi niya?" kunwari na lang excited ako, para namang may magagawa pa ako.
"Bata pa daw siya. Haha. Parang adik. Eh kaedad ko lang naman siya. Tsaka balita ko may ka-MU daw 'yun, kaya siguro busted ako agad."
Hindi ko alam kung bakit sa mga oras na 'yun, gusto kong puntahan si Ria tapos sampalin ko lang nang kalahating segundo. Pero joke lang. Para namang may karapatan akong gawin 'yun. Hindi ko lang talaga maintindihan kung bakit isinasantabi lang palagi ng ibang tao 'yung taong pinakamahalaga sa akin.
"Hindi rin naman kasi kayo close, tapos bigla kang magpapaalam manligaw, unggoy ka din talaga. Dapat kinilala mo muna. Ayaw namin sa mga lalaking mabibilis."
"Bakit? May nanligaw na ba sa'yo?"
Napaikot 'yung eyeballs ko. Wala pa pala..sa pagkakatanda ko.
"Marami na nu. Oh sige na, hindi ka pa matutulog? Magsasara na rin ako ng tindahan."
"Marami?? Sinu-sino? Wala naman akong nababalitaan eh."
Hindi niya ba ko narinig? Sabi ko magsasara na ko ng tindahan.
"Oo na sige na, wala pa! Masaya ka na?"
"Oo naman! Haha. Peace Flora. Sige na magsara ka na ng tindahan niyo."
"Sira ka talaga! Sige na, bye."
"Sige. Ai teka!"
"Oh?"
"'Wag ka na magpaganda bukas, tshirt at shorts lang ako."
"Aba talaga naman.. Eh bakit nam---"
"At susunduin kita diyan bukas ha, 3pm. Sige, bye. Goodnight."
*DIAL TONE*
Para akong naiwan sa isang tabi na naka-nganga at pilit ipinaprocess sa utak ko 'yung kahulugan ng mga salitang...
"..susunduin kita."
BINABASA MO ANG
Still Into You
General Fiction'Yung after how many years... Akala mo okay ka na... Pero 'yun pala, "..siya pa rin." And yes, I'm still into you.