January 6, 2006
Tapos hindi na naman magtetext. Hay. Sa bagay, sino nga ba naman ako para itext niya palagi? Ang hirap kasi kapag sinasanay ka, hahanap-hanapin mo na..kahit wala ka namang karapatan. Hay naman.
Nasabi ko na ba? Birthday na pala niya sa January 10. Sa totoo lang, simula pa lang 'nung dumating ang December 1, nag-iipon na ko ng ipangreregalo sa kanya. Ngayon lang kasi ako magbibigay ng regalo sa birthday niya. At eto lang din ang birthday niya na close na close kami. Kahit naman minsan binabalewala ako 'nun, tulad ngayon na hindi man lang siya nagpakita ng kahit anong bakas ng "mamimiss kita Flora" moment, o kaya kahit man lang pagka-shock dahil sa katapusan na kami aalis at kelan niya lang nalaman, hindi pa rin talaga maalis sa'kin na gusto ko siya mapasaya. Unggoy talaga. Napakawalang puso!
Sa ngayon, may 350 pesos na ko. Gusto ko siya bilhan ng relo. Hindi ko kasi siya nakikitang nagsusuot ng relo. Sana lang, sabay kami pumasok sa birthday niya. Alam ko 11am pasok niya sa Friday (January 10), at 1pm naman ako. Pwede na rin pumasok nang maaga. Ngayon lang naman..as in ngayon lang pala talaga.
Nandito ko ngayon sa SM. Kasama ko si Charles. May bibilhin din daw kasi siya sa bookstore kaya sumabay na ko.
“Kanina ka pa tingin nang tingin ng relo, may relo ka naman ah?”
“Hindi naman para sa’kin, maganda ba ‘to?” Pinakita ko sa kanya ‘yung kulay puting relo na digital.
“Panglalaki ‘yan ah?”
“Basta, maganda nga?”
“Kung ako, ayoko. Ang panget kaya! Para kanino ba?”
“Eh etong isa?” Pinakita ko naman ‘yung kulay pulang relo na leather ang strap.
“Ang korni naman ng taste mo.”
“Anu ba ‘yan. Ah, eto?”
“Ayoko ng itim na relo, masyadong common. Para kanino nga kasi? Para alam ko. Ah…teka. Mukhang alam ko na.”
“Ay Charles! Tignan mo, maganda ‘di ba??”
“Ayan. Pwede na ‘yan. Mukhang bagay naman kay Daniel ang dark blue. Tsaka mura na ‘yan.”
Napangiti na lang ako sa sinabi niya. Sakto lang pala naipon ko. Humingi na lang ako ng box para maganda. Hehe.
“Kelan ba birthday niya?”
“Sa 10.”
“Grabe, pag-ibig nga naman. Pinagkakagastusan.”
“Hoy inipon ko kay—“
Ay sh*t. Nadulas tuloy ako.
“Hahahaha naman. Pinag-ipunan pa! Teka, alam na ba niyang sa katapusan na? Siguro naman sinabi mo na?”
“Hindi nga eh.”
“Eh kelan mo balak sabihin? Para namang may isang taon ka pa dito sa ‘Pinas.”
“Pero alam na niya. Narinig niya ‘nung tumawag Papa ko. Pero wala namang reaksyon ‘yun eh.”
“Panong walang reaksyon?”
“’Yung wala lang, wala siyang sinabi. Parang normal lang.”
“Inasahan mo ba ‘yung reaksyon niya?”
“Mm. Oo, medyo.”
“Imposible ‘yun.”
“Sus. Wala ngang reaksyon, pramis, ni hindi man lang siya nag-react ng kahit ano.”
“Hindi ‘yun ang ibig kong sabihin. Ibig ko sabihin, imposibleng wala siyang mararamdaman kahit ano. Ganun kaming mga lalaki minsan, ma-pride kaya kami.”
“So ibig mo sabihin –“
“Mamimiss ka niya. Imposibleng hindi. Best friend ka kaya niya.”
“Best friend?”
“Hindi ba? Eh ano tawag sa inyo?”
“Basta. Bahala na. Pagkabigay ko ng regalo ko, ano, wala lang. Basta bahala na.”
“Iniisip mo lang kasi ‘yung kung anong nararamdaman mo, eh ikaw, ni minsan ba naisip mo kung anong nararamdaman niya?”
Napaisip ako sa sinabi niya.
“Nararamdaman niya? ‘Yung unggoy na ‘yun? Manhid kaya ‘yun.”
“Sus. Hindi talaga ako naniniwala sa taong manhid. Sadyang ayaw lang ng tao na ipakita kung anong nararamdaman niya, o kaya ma-pride, o ‘di kaya may iniingatan. Basta sigurado ko malulungkot nang sobra ‘yun. Ikaw lang yata kaibigan ‘nun.”
“Syempre hindi lang ako, marami kami.”
“Oh nasan sila? Nakakasama ba niya? Nakakatext ba niya lagi tulad mo? ‘Pag may kailangan siya, ikaw lagi nandiyan. Hindi naman siya bato.”
“Hindi nga, unggoy naman. Ah basta. Ah basta basta!”
“Puro ka basta, tara na nga, uwi na tayo.”
Sabay kami pumunta ni Charles sa terminal ng bus. Pero hindi muna ko umuwi. Naghanap pa ko ng gift wrap at ribbon. First and last gift, kaya dapat itodo ko na.
Uuwi na sana ko kaso napadaan ako sa shop na nag-eengrave ng kung anu-ano tulad ng keychain, ballpen, o kahit anong pwedeng lagyan ng pangalan. ‘Nung nakita ko ‘yung isang keychain, hindi na ako nagdalawang isip. Maliit na keychain lang naman na kulay silver at rectangle, tapos kulay itim ‘yung sulat. Pinalagyan ko ng “Engineer Daniel” tapos date ng birthday niya. Gusto ko sana ako ang unang makapagparamdam sa kanya na magiging engineer siya, kasi sigurado ko paggraduate niya at naging ganap na siyang engineer, maaring iba na ang takbo ng panahon.
BINABASA MO ANG
Still Into You
General Fiction'Yung after how many years... Akala mo okay ka na... Pero 'yun pala, "..siya pa rin." And yes, I'm still into you.