Smile

94 2 0
                                    

September 2004

“Ikaw unggoy, saksakin kita dyan eh! Giraffe ka ng giraffe, hatawin kita ng leeg ko, unggoy ka!”

Napalo ko tuloy si Daniel ng notebook ko sa ulo niya, asar kasi nang asar ng giraffe, 'yan tuloy, lahat na talaga ng kaklase namin, giraffe na ang tawag sa'kin. Nakakainis talaga. Hindi ko na nga sila nariringgan na tinatawag ako sa pangalan ko, at ako din naman, halos nakasanayan ko nang giraffe nga ang pangalan ko. Tsk tsk.

“Sus… Di nga?? Ihhh..” Ayan na naman siya. Inaasar na naman niya ako indirectly sa pamamagitan ng tono ng boses niyang parang nagsasabing “Sus.. 'di mo magagawa 'yun.. May gusto ka kaya sa’ken!”. Kapag sinasabi na niya sa'kin 'yan, natatahimik na lang ako. Kainis, automatic akong walang nasasabi!

Higit dalawang bwan na nga pala kaming seatmates sa classroom ni Daniel. Sorpresang naging mas komportable kami sa isa’t-isa kesa sa inaasahan. Masasabi kong medyo naging close na din naman kami kahit paano. Gawa na rin siguro ng dalawa lang naman ang upuan sa likod, hindi katulad ng mga upuan sa harapan na lima kada row. Kaya talagang kaming dalawa lang din ang mag-uusap.

“Ano ‘yan??” Tanong ko kay Daniel na kasalukuyang may isinusulat sa likod ng Math notebook ko. Ayan na naman siya. Binababoy ang mga ari-arian ko.

“Dinodrawing kita,”  seryosong sagot naman niya pero nakayuko pa rin sa ginagawa niya.

Sh*t. Wala akong naisagot 'dun. Naunahan ako ng pag-ngiti ko. Pero buti na lang hindi niya ako tinignan kundi.. mamamatay na naman ako sa kahihiyan. Tinatakpan ni Daniel ‘yung ginagawa niya na parang ayaw magpakopya kapag may exam.

“Ui Daniel, bilis! Si Sunny, nasa canteen. Bilisan mo!” Sigaw ni James sa ‘di kalayuan.

“Saan? Teka!” Mabilis na tumayo sa kinauupuan niya si Daniel pagkatapos sabihin sa’kanya ni James ang makabagbag-damdaming balita. Sa sobrang tuwa niya, naihulog niya 'yung notebook ko, ang masama pa, naapakan niya pa 'to. Ganoon ba talaga kalaki ang epekto ni Sunny sa kanya?

Pakiramdam ko, huminto 'yung mundo ko nang ilang segundo. Pakiramdam ko din, may karpinterong nagmamartilyo sa loob ng puso ko ‘nung nakita ko kung gaano kabilis pumunta si Daniel kay Sunny. At eto ako... naiwang basag. Nang makabalik sa ulirat, pinulot ko 'yung notebook sa lapag na may foot step pa ni Daniel at napangiti na lang ako nang makitang drawing ng isang nakangiting giraffe pala ang ginawa ni Daniel kanina.

Pagkalipas ng ilang minuto..

“Oh ano kayo na?” Tinanong ko agad si Daniel na parang walang-wala lang sa akin ang nangyari. Buti na lang may Cream-O akong kinakain.

Nakalimutan ko itanong kung kelan birthday niya. Tanga ko.” Nakakatawa naman 'to.Pailing-iling pa talaga siya nang sinagot niya 'yung tanong ko.

“Hahahah! Unggoy na ‘to.. inlove na? Korni ha. Bakit aalamin mo pa birthday niya? Mas matanda ka dun, sure na, tanga!”

“Eh dapat kong malaman kung compatible ba kami.” Mabilis na tugon ni Daniel na biglang napatingin sa akin tapos biglang nagkamot ng ulo. Nababaliw na 'to.

Wahahahahahahahaha!!!” Hindi ko mapigilan tawa ko. Ke lalaking tao, naniniwala sa mga ganung bagay? Tsk tsk.

“Wag kang tumawa nang ganyan giraffe. ‘Yung leeg mo nanginginig.”

“Bwiset!”

Naputol na naman 'yung asaran namin 'nung makita niyang dumadaan si Sunny, at teka, kasama niya pala kapatid ko. “Oh! Si Sunny oh! Ayy ang ganda niya talaga! Anghel!”

Malala na 'to.

 “Ui san ka pupunta, uyyy!” Pabulong na pasigaw sa'kin ni Daniel 'nung tumayo ako at lumabas ng classroom.

Sunny!”. Hindi ko rin alam kung anong ginagawa ko.

Oh bakit ‘te Flora?” Pa-sweet na tanong ni Sunny, o sadyang ganito lang talaga boses nito? Mas maganda pala talaga siya 'pag malapitan.

Kelan birthday mo?”

Ha? November 12 po. Bakit?”

Ah.. number mo, penge.”

Eh bakit nga po?”

Sige na. Ano nga?”

“Ahm anu ah.. 0910*******..”

Saved. Thank youuuuuuuu!!!”

Ate, adik ka?” Tanong naman sa'kin ng kapatid ko habang kumakain siya ng stick-O. At oo, adik na nga ata talaga ako.

Bumalik na ako sa classroom nang hindi nagsasalita, pero nakangiti ako na parang nang-aasar. Niyuyugyog na niya 'yung balikat ko at halatang-halata sa mukha niyang sobrang nag-aalala siya kung ano ba sinabi ko kay Sunny. Umiling-iling na lang ako kunwari para maasar 'tong unggoy na 'to.

“Baliw ka Flora. Anong sinabi mo kay Sunny???”

“Oh..” Inabot ko sa kanya 'yung cellphone ni Mama na nailagay ko sa bulsa ko kaninang umaga at nakalimutan kong ibalik sa sala. Lagot.

“Ano to…” Hindi na tinapos ni Daniel ‘yung sasabihin niya. Ngumiti na lang ito bigla habang nakatingin sa cellphone at sinulat agad ‘yung number ni Sunny sa likod ng notebook ko sa Math na pinagdo-drawingan niya kanina. Ni hindi man lang niya napansin 'yung foot step niya.

“At nga pala..” Sabi ko habang nakatingin sa blackboard. Ayoko siyang tignan. Lubus-lubusin na natin ang ligaya mo, unggoy.

“Ano?” Nakatingin lang si Daniel sa papel kung sa’n nakasulat ‘yung number ni Sunny. “Itetext ko ‘to mamaya!”

“November 12 daw birthday niya.”

Biglang siyang napatingin sa'kin. “Oh?? Teka puntahan ko si Kathy!”

Bigla na naman niya kong iniwan para naman puntahan si Kathy at tanungin ito kung compatible ba silang dalawa ni Sunny. Natatawang nasasaktan na lang ako eh.

Nag-bell na, pero wala pa rin si Daniel. Natatanaw ko siya na kausap si Kathy at mukhang puro magagandang bagay ang mga sinasabi nito sa kanya. Napangiti na lang ako. Kung titignan mo para siyang masayang batang binabasahan ng fairy tale. Kalat-kalat pa pala 'tong mga gamit niya, baliw 'to. Nabigyan ko na nga ng number ng crush niya, ako pa mag-aayos ng gamit niya. Kulet lang eh.

Masaya pa rin siyang kausap si Kathy. Siguro pwede na akong ngumiti. Naaawa man ako sa sarili ko, pipilitin ko pa ring ngumiti, kasi 'yung ngiti ni Daniel, parang ngiti ko na din.

.

.

.

Diary Ko,

Baliw na lalake. Ke lalaking tao, naniniwala sa compatibility ng mga zodiac signs. Pero masaya siya. Ang sarap niya panoorin na masaya. Hindi man ako ‘yung mismong dahilan, ako naman ‘yung gumawa ng paraan. Kaya kahit paano, masaya na rin ako. Dapat durog ako, kaso hindi ko na inisip ‘yun. Mas mahalaga naman ‘yung kasiyahan niya..kesa sa kasiyahan ko. Korni no?

You’re welcome, Daniel. Iisipin ko na lang bumulong ka ng “Thank you.”

Still Into YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon