Chapter 16

2.2K 92 31
                                    

Nagpalipas nang ilang sandali si Carlos at pinakiramdaman niya si Christiane na natutulog sa kaniyang tabi. Malaki pa naman ang espasyong nakapagitan sa kanila ni Christiane ngunit ramdam na ramdam niya ang presensiya nito sa kaniyang tabi na tila ba magkadikit lang sila.

At nang mapansin niya na hindi na ito gumagalaw ay dahan-dahan na niyang ipinihit ang kaniyang mukha at nagpatuloy ang pagkukunwari niyang paghilik hanggang sa nakatuon na ang kaniyang mukha sa direksiyon ni Christiane. At nang wala pa rin siyang naramdaman na paggalaw nito ay saka na niya dahan-dahan na iminulat ang talukap ng kaniyang mga matang kanina pa siya nahihirapan na isara. Mabuti na nga lang at madilim na sa loob dahil sa hindi nito napansin ang panginginig ng mga talukap ng kaniyang mata dahil sa pilit niyang pagsara sa mga ito.

At pagkamulat nga ng kaniyang mga mata ay tumambad sa kaniya ang natutulog nang si Christiane. Nakatagilid itong nakahiga na nakaharap sa kaniya. Ang buhok nito ay nakasabog sa unan na parang ilog na dumadaloy. Nakailalim ang mga kamay nito sa unan kung saan naman nakalapat ang kaliwa nitong pisngi.

Katulad niya ay nakapaloob ang katawan nito sa ilalim ng kumot kung saan ay kanilang pinagsasaluhan. At naalala niya kung paanong hinila nito ang kumot hanggang sa kaniyang dibdib nang ubuhin na naman siya kanina nang dahil sa pagtitiis niya na magkunwaring natutulog.

At isang ngiti ang gumuhit sa kaniyang mga labi. Pumihit ang kaniyang katawan para mahiga rin siyang nakataglid at siya naman ay humarap sa direksiyon ni Christiane at siya naman ang kumuha ng pagkakataon na iyun para titigan ang maganda nitong mukha. Hinayaan niyang nakapako ang kaniyang mga mata hanggang sa tuluyan nang singilin siya nang gabi na iyun ng antok. At mula sa matagal na panahon na pinagdamutan siya ng tulog, sa gabing iyun ay nilukuban siya ng antok hanggang sa unti-unting pumikit ang kaniyang mga mata.

***

Isang malalim na hininga ang sinagap ni Carlos at napuno ang kaniyang baga nang mabangong amoy na unti-unting naging pamilyar na sa kaniya. At kahit pa nakapikit ang kaniyang mga mata ay nababanaag niya ang kaunting liwanag sa kaniyang paligid.

Isiniksik pa niya ang kaniyang kanan na pisngi sa malambot na unan at idinikit niya ang kaniyang ilong sa pinanggagalingan ng mabangong amoy. At sa kaniyang paggalaw ay naramdaman niya ang pagsiksik ng mukha sa kaniyang dibdib.

Ang sarap talaga sa ilong ng pabango ni Christiane, ang sabi ng kaniyang isipan habang nanatiling nakapikit ang kaniyang mga mata at nakalatag ang kaniyang ulo sa malambot na unan.

Christiane? Ang biglang tanong ng kaniyang isipan. At doon niya napagtanto na mayroon siyang malambot na yakap nang sandali na iyun. At doon ay mabilis niyang iminulat ang kaniyang mga mata at ang unang tumambad sa kaniyang paningin ay ang ibabaw ng ulo ni Christiane na nakadikit sa kaniyang leeg.

Napaatras ang kaniyang mukha papalayo sa pagkakadikit ng kaniyang baba, bibig, at ilong sa ibabaw ng mabangong ulo nito. At saka niya tiningnan si Christiane na nasa kaniyang mga bisig. Ang buhok nitong kakulay ng cinnamon na inilalagay sa ibabaw ng tinapay. At hindi man niya makita ay ramdam naman niya ang mukha nitong nakasubsob sa kaniyang dibdib at ramdam niya ang mainit nitong hininga na mula sa bibig nito sa kaniyang dibdib.

At napansin na niya na maliwanag na sa loob ng kaniyang silid. Dahil na rin sa walang kurtina ang bintana ng kaniyang silid, hindi pa man tumitirik ang araw sa kalangitan ay mababakas nang handa nang maghari ang araw sa kalangitan. At doon din niya napansin na lagpas na siya sa oras nang nakagawian niyang paggising.

Nakatulog siya nang mahimbing. Nakatulog siya nang mahimbing? Ang biglang tanong ng kaniyang isipan nang mapagtanto niya na ang matagal nang ipinagdadamot sa kaniyang tulog ay ibinigay sa kaniya kagabi at dire-diretso ang mahimbing niyang tulog.

CARLOS SAN Miguel (complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon