Chapter 22

2K 90 33
                                    

Alisin sa trabaho? Ang tanong ni Christiane sa kaniyang sarili. Nabigla siya sa kaniyang narinig mula kay Carlos, dahil sa hindi naman ito nagpakita nang anumang galit kanina. Kaiba sa ipinakita nito sa sandaling iyun.

Tiningnan niya si Carlos at kung dati ay hindi ito nagpapakita ng emosyon sa sandaling iyun ay mababakas ang labis na galit at nakatuon iyun kay Meanne. Inalis niya ang kaniyang mga mata kay Carlos na nakatayo sa kaniyang tabi habang ang mga kamay nito ay nasa magkabila nitong mga bewang. At kaniyang itinuon ang kaniyang paningin kay Meanne na mukhang natulala sa kanilang harapan.

"Sir Carlos...bakit...bakit niyo naman po ako tatanggalin sa trabaho ko?" ang tanong nito kay Carlos. Ang mga palad nito ay luamapt sa sarili nitong dibdib habang may pagtataka ang mga mata nitong nakatingin kay Carlos.

"Uhm Carlos?"-

"Bakit hinayaan mong makakain si Christiane nang pagkaing bawal sa kaniya?" ang usisa ni Carlos.

Hindi niya alam kung hindi nito narinig ang pagtawag niya ng pangalan nito o hindi lang talaga nito pinansin ang kaniyang sinabi.

"Sir Carlos, wala...hindi ko po alam na may halong bawal ang inihanda ni Betty na pagkain," ang giit ni Meanne.

"Pero bakit hindi mo sinabi na may bawal kainin si Christiane? Ikaw...ikaw ang nakakaalam at ang iyong nanay na si manang Emma ang tungkol sa bawal na kainin ni Christiane," ang mariin na tanong ni Carlos kay Meanne at mababakas pa rin ang galit sa boses nito.

"Sir Carlos," ang sambit ni manang Emma na sandaling huminto sa ginagawa nito para lumapit sa kanila at para tabihan ang anak na si Meanne na nagsimula nang mangilid ang luha sa mga mata nito.

"Hindi po kami nagkulang kay ma'am Christiane, ni hindi na nga namin siya pinapalapit dito sa kusina para lang walang mangyari sa kaniyang masama, at...hindi nagkulang si Meanne sa kaniya kagabi," ang giit ni manang Emma nang ipagtanggol nito ang anak.

Umiwas ng mga mata si Christiane. Nakaramdam siya ng hiya nang mga sandaling iyun dahil sa iyun naman ang totoo. Sa pagiging maselan niya ay hindi na nga siya hinahayaan ng mga ito na tumulong sa kusina. At sa pagkakataon na iyun ay nanganganib pa ang trabaho ni Meanne sa bahay nang dahil sa kaniya. At nakaramdam siya ng pag-uusig ng kaniyang konsensiya.

"Kung hindi siya nagkulang, paanong nakakain si Christiane nang bawal sa kaniya?" ang sumbat ni Carlos at ang tanong nito ay diretsong nakatuon kay Meanne.

Umiling si Meanne at mula kay Carlos ay sumulyap ito sa kaniya at sandaling nagtama ang kanilang mga mata at nakita niya ang luha sa mga mata ni Meanne.

"Sir Carlos...hindi ko po talaga alam," ang pagtanggi nito na may kasamang pag-iling, "sinabihan ko po sila na huwag na magdala ng hipon," ang giit ni Meanne kay Carlos at mababakas ang pagsumamo sa boses nito. At muli siyang nakaramdam ng awa sa mag-inang nagpapaliwanag kay Carlos nang sandaling iyun.

"Ibig sabihin si Betty ang may kasalanan?" ang tanong ni Carlos. At napansin niyang umiwas ng tingin si Meanne nang yumuko ang ulo nito.

"Kung ganun, si Betty ang kailangan na managot," ang sabi ni Carlos at muli niyang tiningnan si Carlos na nasa kaniyang tabi at nakaramdam siya ng kaba. Kaba para sa mga bago niyang kaibigan na ang gusto lang naman ay maging kaibigan siya ngunit nauwi ang lahat sa disgrasiya at hindi pa malayong mangyari ay ang pagkaalis ng mga ito sa trabaho o ang mas masakit ay ang tuluyan na paalisin ang mga ito sa rancho. At iyun ay dahil sa kaniya.

"Sir Carlos, sinabihan ko po talaga si Betty na huwag magdala ng hipon, baka...nagkamali po siya at nalagyan niya ang dinala niyang ulam kagabi," ang paliwanag ni Meanne.

CARLOS SAN Miguel (complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon