Chapter 10

2.5K 28 1
                                    


ME10

ANG LAKAS ng kabog ng dibdib ni Trixie nang magawa niyang iligtas si Bornok mula sa mangyayari sanang aksidente rito. Kanina nga ay bigla na lamang siyang nakaramdam ng kaba at alam niya ang ibig-sabihin nito. Dahil nga hindi pa natatapos ang nakatakdang araw para maging ganap siyang mortal ay makakaramdam siya ng ganito sa oras na nasa panganib ang taong pinagpasahan niya ng kanyang kapangyarihan.

"Nasisiraan ka na ba ng ulo lalaki!?" bulalas ni Trixie habang pinagmamasdan ang lalaking nakaupo sa tabi niya. Napansin niya ngang nakayuko ito at umiiyak. Kung hindi lang talaga niya ito kailangan ay iiwanan na niya ito... kaso wala siyang ibang mapagpipilian kundi ang samahan ito at panatilihing nasa mabuti itong kalagayan.

Napakuyom siya ng kamao at hinawakan ang mukha ng binata. Nakita niya kung gaano katawa-tawa ang itsura nito... pero sa tulad niyang hindi talaga mortal ay wala siyang pakialam dito.

"Tumingin ka sa aking mabuti! Kung gusto mong tapusin ang buhay mo ay pwede bang itigil mo na? Paano na lamang ako kung ikaw ay mawawala? Kailangan kita! Hindi ka pwedeng mawala!" winika ni Trixie sa binata at ang mga nakarinig noon sa paligid ay nabigla. Paano raw ba nangyari na ang isang magandang babae ay ganito ang sinasabi sa lalaking iyon?

Kaso, walang pakialam ang tulad ni Trixie sa ganitong mga masasabi ng mga mortal. Tumayo siya at kinuha ang kamay ni Bornok para patayuin ito. Ang driver nga ng sasakyang huminto sa kanilang tapat ay napa-iling na lamang. Mukhang wala naman daw problema sapagkat alam naman niyang wala siyang nabunggo.

"Tumingin kayo sa kaliwa't kanan sa susunod!" bulalas nito at pinatakbo na nga muli nito ang minamanehong sasakyan.

Si Trixie ay tinapik ang likod ni Bornok at sinabing umuwi na sila.

"Bakit mo pa ako iniligtas?" mahinang winika ni Bornok na nagsimula nang alisin ang nangilid niyang luha.

"Kailangan mong mabuhay..."

"Wala ng kwenta ang buhay ko. Wala namang silbi na narito pa ako."

"Iyong kapangyarihan mo? Ano ba'ng kwenta noon? Ganito pa rin ako... Katawa-tawa at walang kwentang tao," dagdag pa ni Bornok na nakayukong naglakad habang kasabay ang dalagang ipinagtitinginan ng mga makakasalubong nila.

"Isipin mo na may kwenta ka pa dahil narito pa ako at kasama mo..." wika ni Trixie na napabuntong-hininga na lamang.

"Wala na akong trabaho. Nawalan pa ako ng pera. Paano pa kita mapapakain? Wala na rin akong maiibayad sa bahay kung maningil na ang may-ari?"

"Kaya paano pa? Palagay mo ba? Makakahanap ako ng trabaho bukas? Hindi ko na alam ang gagawin ko..." bulalas ni Bornok na mas lalong nanghina. Si Trixie na nakasuot ng pambahay ng binata ay may kinuha naman mula sa kanyang bulsa.

"Ibenta mo ito!" wika ng dalaga at may inabot siyang bagay sa harapan ng binata.

Napaseryoso si Bornok nang makita ang isang makintab na singsing sa palad ng dalagang kasama niya.

"S-saan iyan galing?" bulalas niya.

"Bago ako pumunta sa mundong ito... Pinaghandaan ko na ito. Alam ko na malaking pangangailangan ang salapi kaya ang ilang alahas ko ay dinala ko rito. Marami pa ako niyan at lahat ng iyon ay nasa loob ng iyong silid sa kung saan ka nakatira," ani Trixie habang nakatingin sa lalaking kasabay niya.

Si Bornok naman ay napa-isip kung saang mundo ba nagmula ang dalaga? Hindi nga niya ito natatanong pa kung anong klaseng tao ba ito, kung engkanto ba o isang aswang. Naka-ilang beses na rin niyang naririnig mula rito na may ibang lugar itong pinanggalingan at parang mas napapa-isip siya kung ano ba talaga ang babaeng kasama niya.

Mysterious Eater (SPG) - CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon